Inday TrendingInday Trending
Tinulungan ng Babae ang Isang Matanda na Hindi Marunong Magwithdraw sa ATM; Bakit Kaya Iniabot Niya Rito ang Pera Niya?

Tinulungan ng Babae ang Isang Matanda na Hindi Marunong Magwithdraw sa ATM; Bakit Kaya Iniabot Niya Rito ang Pera Niya?

Nagmamadali ang bawat paghakbang ni Flerida, hindi dahil may humahabol sa kaniya, o huli na siya sa trabaho, kundi dahil sa nasasabik na siyang makubra ang pinakahihintay niya sa loob ng limang taon—ang kauna-unahang suweldo sa kauna-unahang buwan ng pagtuturo niya sa pribadong paaralan.

Kakatapos lamang niya sa kursong Edukasyon sa taong iyon, at nagrerebyu na lamang siya para sa eksamin ng Licensure Examination for Teachers, upang ganap na siyang maging guro.

Sa wakas ay makatutulong na rin siya sa mga gastusin sa bahay. Awang-awa na siya sa kaniyang inang si Aling Bibeth na nagtatrabaho bilang manggagawa sa isang pabrika ng mga pandekorasyon sa bahay.

Balak niya, pahintuin na ito sa pagtatrabaho dahil hindi maganda sa kalusugan nito ang mga kemikal na nalalanghap nito. Hindi na humabata ang kaniyang ina.

Patungo siya sa malapit na ATM sa kanilang lugar. Habang naglalakad ay kinukuwenta na niya kung saan mapupunta ang unang katas ng kaniyang pinaghirapan.

Dagdag na panggastos sa bahay, para sa araw-araw na pangangailangan.

Pambayad ng kuryente at tubig.

Pang-grocery.

Syempre, hindi mawawala ang renta sa bahay.

Allowance ng kaniyang ina.

May matitira pa ba para sa kaniya?

Meron pa naman. Turo sa kaniya ng mga kasamahang guro, talagang maliit lang ang kita ng mga guro.

Nasa diskarte lang talaga kung paano magkakapera. Ang iba, nangungutang sa bangko. Ang iba, nagpapautang tapos malaki ang tubo. Ang iba naman, nagnenegosyo.

Uso ang raket sa mga guro.

Dapat daw, kahit na hati-hatiin ang budget, huwag kalilimutang tirhan ang sarili. Mag-ipon.

“Okay lang iyan, kahit na magtinda ka ng tosino, longganisa, at mga produktong pampaganda. Basta sa atin-atin lang ha? Huwag sa estudyante at mga magulang. Tayo-tayo lang naman din ang magtutulungan, basta sa marangal na paraan ka kumikita ng pera,” paalala ng isa nilang kasamahan na matagal na matagal na rin sa larangan ng pagtuturo.

Bago makarating sa mismong ATM, may isang lalaki ang biglang lumapit sa kaniya at kinausap siya…

Sa wakas ay nakarating na rin siya sa ATM. Walang pila. Gabi na kasi kaya madalang na ang nasa labas. Walang guwardiya dahil sarado na rin ang bangko. Nasa labas naman ang estasyon ng ATM.

Palapit na siya nang magulat siya na may matandang babae pala siyang makakasabay.

“Ineng, ineng, maaari mo ba akong tulungan sa paglalabas ng pera? Hindi kasi ako marunong gumamit niyan,” pakiusap ng matanda.

Hindi malaman ni Flerida kung bakit nabighani siya sa magandang mukha ng matanda. Matanda na ito subalit mahahalata ang kagandahan nito, lalo na siguro noong kabataan nito.

“Sige po, halika na ho at tutulungan ko kayo.”

Lumapit na nga silang dalawa sa ATM. Ipinasok na ng matandang babae ang kaniyang ATM card sa paggabay ni Flerida. Naging matagumpay naman ito.

“Sige ikaw naman, anak. Babantayan kita.”

Tumalima naman si Flerida. Matapos magka-withdraw ng kaniyang sahod, hinawakan siya ng matandang babaeng tinulungan niya.

“Ibigay mo sa akin ang pera…”

Parang wala sa sariling ibinigay ni Flerida ang perang kaka-withdraw lamang mula sa kaniyang isang buwang pagpapagod.

Agad naman itong kinuha ng matandang babae. Ibinulsa.

Pagbaling nito sa likod…

“Huwag kang kikilos nang masama. Huli ka…”

Mga pulis pala iyon. Tiklo ang matandang babae gayundin ang kasama niyang menor de edad. Mga miyembro sila ng sindikato na gumagamit ng hipnotismo sa pananamantala. Target nila ang mga nagwi-withdraw sa ATM.

Naibalik kay Flerida ang pera niya.

“Salamat miss sa partisipasyon. Kung mamarapatin ninyo, gagawin sana namin kayong complainant at saksi para maisampa natin ang kaso sa mga sindikatong ito,” wika ng pulis.

Ang pulis na ito ang lalaking biglang humarang sa kaniya at nakipag-usap sa kaniya, bago siya makalapit sa ATM. Nakasibilyan ito kaya hindi halatang pulis ito.

Ipinaalam nito sa kaniya na may isasagawa nga silang operasyon, at pinakiusapan siyang maging pain para mahuli na ang mga ito, na marami-rami na rin ang naging biktima.

Kaya naman, hindi nag-atubiling sumama si Flerida sa presinto upang magsampa ng reklamo laban sa matandang babae at mga kasama nito na miyembro ng sindikato.

“Ako po ang kailangang magpasalamat sa inyo sir, kasi kung wala kayo roon at hindi ninyo ako nasabihan, baka po ay wala na ang suweldo ko,” pasasalamat ni Flerida sa pulis. “Mabuti na lamang po at nakaantabay kayong maigi, kasi naramdaman ko po na umepekto sa akin ang kakayahan nila sa hipnotismo, kahit na alam kong masama ang balak nila. Kung nalingat pa po kayo, malamang na naitakbo na nila ang pera ko.”

Masaya siyang umuwi sa kanila dala ang unang suweldo na muntik nang mapasakamay ng iba.

Advertisement