Inday TrendingInday Trending
Naramdaman ng Gwapo at Tinedyer na Hardinero na Tila May Pagnanasa sa Kaniya ang Among Babae; Diligan Kaya Niya ang Tigang Nitong ‘Bulaklak’?

Naramdaman ng Gwapo at Tinedyer na Hardinero na Tila May Pagnanasa sa Kaniya ang Among Babae; Diligan Kaya Niya ang Tigang Nitong ‘Bulaklak’?

“Mag-iingat ka kay Madam…”

Iyan ang paalala kay Tim, ng kasamang si Nineth, na kaedad niyang kasambahay sa mansyon ng mga Alfaro. Siya naman, 18 taong gulang, ay kapapasok lamang na hardinero at tagalinis ng swimming pool sa mansyon.

“Bakit? Wala naman akong ginagawang masama,” usisa ni Tim. Pabulong. Baka kasi may makarinig sa kanila.

“Nakikita ko at nahuhuli ko kasi na lagi siyang nakatingin sa iyo nang palihim, sa tuwing dumudungaw siya sa bintana ng kuwarto niya.”

Hubad-baro kasi si Tim kapag gumagawa siya ng mga gawain sa hardin, o kaya naman kapag naglilinis ng swimming pool.

Maganda ang katawan ni Tim. Malaking bulas pa. Palibhasa ay bata pa lamang, batak na ang katawan sa mga gawain, kaya lumaki ang mga braso niya. Napagkakamalan siyang 25 pataas.

Sanay na siya sa mga malisyosong alok ng mga matrona at beki. Aalukin siya ng malaking halaga ng pera kapalit ang ilang mga nakaw na sandali.

Subalit ayaw niyang ipagpalit ang kaniyang dangal sa pera. Hindi iyon ang turo ng kaniyang mga sumakabilang-buhay na magulang.

“Di baleng mahirap, walang pera, basta sa marangal kinita ang pera, ang perang ipambibili ng kakainin,” laging paalala sa kaniya ng itay niya.

Napapansin nga niya na malagkit kung tumitig sa kaniya ang among babae, si Madam Alondra, na tantiya niya, nasa edad 50 hanggang 55.

Sa kabila nito, bakas pa rin ang kaniyang kagandahang pisikal; palibhasa ay may dugong Espanyol.

Kapag nakikita ni Tim na nakasulyap sa kaniya ang amo na para bang hinuhubaran ang kaniyang salawal, ilang na ilang siya at para bang nais niyang kunin kaagad ang hinubad na baro.

Ngunit kahit na magdamit-pang-itaas si Tim ay hakab na hakab pa rin ang magandang hubog ng kaniyang katawan.

Pilit niyang iwinawaksi sa kaniyang isipan ang posibilidad na may pagnanasa sa kaniya ang among babae. Hindi magandang tingnan. Isa pa, buhay pa ang mister nito na si Don Juanito na napakabait sa kanila.

Isang araw, nangyari na nga ang araw na kaniyang iniiwasan.

Dinidiligan ni Tim ang mga bulaklak ni Madam Alondra sa hardin nito, na palagay niya ay naluluoy nang mabilis dahil nakatanim sa tigang na lupa.

Gamit niya ang hose. Hindi sinasadyang nabasa ang kaniyang katawan, lalo na ang salawal niya. Habang nagpupunas ng nabasang katawan at saplot, naramdaman niyang may mga matang nakasulyap sa kaniya.

Hindi siya nagkamali. Mula sa de-salaming bintana ay namataan niyang nakamata sa kaniya ang among babae habang hawak sa isang kamay nito ang kopita. May lamang alak.

Mamaya, lumapit sa kaniya si Manay Goreng, ang mayordoma.

“Pinapatawag ka ni Madam. Umakyat ka sa kuwarto niya.”

“Bakit daw po?”

“Aba malay ko… baka… magpapadilig ng tigang niyang bulaklak.”

Napahinto si Tim sa sinabi ng mayordoma.

“P-Po? T-Tigang niyang bulaklak…?”

“Oo. Mahilig talaga sa mga halaman si Madam. May mga halamang namumulaklak siya sa kuwarto nila ni sir,” sagot naman ng mayordoma, na mukhang hindi naman nagbibiro.

Tumango naman si Tim. Bago pumanhik paitaas ay nagsuot muna siya ng damit pang-itaas. Nagdala rin siya ng pandilig. Pagkaraan ay umakyat na siya.

Bago kumatok sa pinto ng kuwarto nito ay huminga muna nang malalim si Tim. Bahala na. Sana walang mangyaring kung anuman sa loob. Hindi niya maipaliwanag kung bakit kinakabahan siya.

Mararahang katok.

“Pasok…”

Binuksan niya ang pinto. Napalunok si Tim nang makitang nakasuot lamang ng manipis na nighties si Madam Alondra. Kitang-kita ang magandang hubog ng katawan, kahit na sabihing may edad na ito.

Lalaki lamang si Tim. Nakaramdam siya ng init sa katawan, init na una niyang naramdaman noong siya ay 13 taong gulang, matapos niyang magpatuli.

Nilabanan niya ang anumang kakaibang nararamdaman. Pumasok siya sa loob ng kuwarto ng ama.

“Isara mo ang pinto. I-lock mo.”

Tumalima naman si Tim.

“Madam, anong bulaklak po ang ipapadilig ninyo?”

Tila nagulat si Madam Alondra sa tanong niya. Napangiti ito, at napatawa. Halakhak.

Saka lamang napagtanto ni Tim na parang may mali sa tanong niya.

“Sabi po kasi ni Manay Goreng, magpapadilig daw po kayo ng mga halamang namumulaklak.”

“Ah oo. Pakidiligan mo lahat ng makikita mong halaman sa loob ng kuwarto na ito. Dahan-dahan lang at baka mabasa ang sahig, baka mabasa ako…”

At nagsimula na nga si Tim sa kaniyang trabaho. Habang nagdidilig, kinakausap siya ni Madam Alondra.

“Ilang taon ka na, Tim?”

“18 po.”

“Batambata pero malaki ang bulas mo. Maganda ang katawan. Nagji-gym ka?”

“Hindi po. Batak lang po talaga katawan ko sa trabaho.”

“Nobya? Asawa? Anak?”

“Wala po madam. Wala pa po sa isip ko iyan.”

“Wala ka pang karanasan sa babae? O baka naman sa lalaki?”

“W-Wala pa po Madam…” naaasiwa si Tim dahil palapit nang palapit sa kaniya ang among babae.

“Ang bango mo… amoy-natural. Amoy-lalaking-lalaki. Iyan ang gusto kong amoy…”

Hinaplos ni Madam Alondra ang malaki at matigas na dibdib ni Tim. Napasinghap ito.

“M-Madam, huwag po…”

“Hindi naman malalaman ng sir mo. Matapos mong magdilig diyan, ako naman ang diligan mo, puwede? Tuyot na tuyot na ang bulaklak ko…”

Tinangka siyang halikan ni Madam ngunit bigla-biglang kinabig siya ni Tim kaya napahandusay ang ginang sa sahig.

Nabitiwan ni Tim ang hawak na pandilig na may lamang tubig. Tumilapon ang tubig sa katawan ni Madam. Galit na galit ito.

“M-Madam! Madam, paumanhin po. Hindi ko po sinasadya,” kandabulol na paghingi ng tawad ni Tim sa amo.

Ngunit naghisterya na ang ginang. Humihingi ng saklolo. “Tulungan n’yo ko! Tulungan n’yo ko!”

At nagsidating ang iba pang mga kasambahay, kabilang na ang personal driver ni Madam Alondra.

Natutop naman ni Manay Goreng ang kaniyang bibig nang makita ang kalagayan ng amo.

“Pinagtangkaan akong pagsamantalahan ng hayop na hardinerong iyan!” galit na galit na bintang ni Madam Alondra sabay duro kay Tim.

Antimano, dinaluhong si Tim ng personal driver ni Madam Alondra, at binugb*g-sarado ang kaawa-awang hardinero.

“Ipapakulong kita! Hayop ka!”

Kaya nang dumating si Don Juanito ay kalmado itong nakinig sa kuwento ng kaniyang misis.

“Ipakulong natin ang hardinerong iyan, Juanito! Hindi ako makakapayag na magpatira ng isang ahas dito sa bahay.”

“Tama. Hindi puwede ang ahas dito sa pamamahay ko. Kukuha lamang ako ng baril, at hayaan mong ako ang tumapos nito…” umakyat sa kanilang kuwarto si Don Juanito.

Nakangisi naman si Madam Alondra, gayundin ang personal driver nitong si Allan na bumugb*g kay Tim.

Nanginginig naman sa takot si Tim sa alinmang maaaring gawin ng amo sa kaniya. Halos maihi siya sa salawal. Hindi na niya alintana ang sakit at kirot ng kaniyang mga bugb*g sa mukha at katawan.

Pagbaba ni Don Juanito, iniumang niya ang ulo ng baril.

Nanlaki ang mga mata nina Manay Goreng Nineth, at iba pang kasambahay.

Namutla si Allan.

Natigilan si Madam. Sa kaniya nakatutok ang baril.

“J-Juanito… anong… anong ibig sabihin nito? Bakit sa akin nakatutok ang baril mo? Hindi ba, dapat sa mapagsamantalang hardinero?”

“Bago ka pa magkuwento at bago pa ako makarating dito, alam ko na ang lahat. Alam ko na ang nangyayari dito sa bahay. Nagpakabit ako ng CCTV sa ating kuwarto, at alam ko ang mga nangyayaring kabulastugan kapag wala ako, kayo nitong hayop na si Allan!”

At itinutok naman niya ang baril kay Allan, ang personal driver ng misis.

“Sa akala n’yo ba na hindi ko matutunugan na iniiputan ninyo ako sa ulo, dito sa sarili kong pamamahay at kuwarto?! Nagkamali kayo ng lolokohin dahil mas matalino ako sa inyo. Lingid sa kaalaman ninyo ay nagpalagay ako ng CCTV sa mga sikretong sulok ng bahay na ito, para makakalap ng matibay na mga ebidensya,” pagsisiwalat ni Don Juanito.

“Bistado na kayo sa panlolokong ginagawa ninyo sa akin. Walang kasalanan si Tim, dahil kitang-kita ko at dinig na dinig mula sa panonood ko sa CCTV monitor sa cellphone na ikaw, Alondra, ang unang nagbigay ng motibo, at walang ginawang masama ang bata sa iyo kundi ang maitulak ka. Saka mo binabaligtad ang sitwasyon ngayon,” galit na galit na pagbubunyag ni Don Juanito.

“P-Patawarin mo ako, Juanito. Kung tutuusin kasalanan mo ang lahat! Hindi mo ibinibigay ang mga pangangailangan ko bilang babae! Hindi ka magaling sa kama! Kaya naghanap ako ng ibang mas mahusay na magdidilig sa aking tigang na…”

“Husto na, Alondra! Huwag mo nang bigyan ng hustisya ang pagkakamali mong pakikiapid. Ang mali ay mali. Minahal kita, binihisan… pinulot lamang kita sa putik. Kinain ka na noon sa kumunoy ngunit iniahon kita mula roon, at ngayon, lumulublob ka ulit! Kaya lumayas kayo ngayon din sa pamamahay ko, bago ko pasabugin ang mga bungo ninyo.”

At nagbilang na nga si Don Juanito ng isa hanggang sampu.

Sa takot ng magkalaguyo, nagdudumali silang umalis ng mansyon.

“Kaya sinabihan kitang mag-ingat dahil ganoon si Madam. Halos lahat ng mga lalaking bago, ganoon ang ginagawa niya. Parang sabik siya sa lalaki,” sabi ni Nineth kay Tim.

Pinagamot ni Don Juanito ang mga sugat ni Tim at hinayaan itong magtrabaho bilang hardinero sa kaniyang mansyon.

Samantala, naghiwalay naman sina Don Juanito at Madam Alondra sa bisa ng annullment, dahil binantaan ito ng don na kapag hindi nakiisang mapabilis ito, ay idedemanda niya na lamang ang dating misis.

Advertisement