Unang Beses na Gumamit ng Dating App ang Babae at Nakakilala Kaagad Siya ng Gwapong Lalaki; Bakit Natigilan Siya Nang Makita Ito sa Personal?
Hindi alam ni Sharmaine ang paggamit ng mga dating app, ngunit sa udyok ng kaniyang katrabahong si Merlinda ay napapayag na rin siyang alamin at subukin ang pakikipagkilala sa iba.
29 na siya. Sa totoo lamang ay naiinggit siya sa mga dating kaklase at kaibigan na may sari-sarili nang pamilya ngayon, o kaya naman ay nagpakasal na.
“Kaya kailangan, bago magsara iyang pechay mo ay mapakinabangan mo naman!”
Pulang-pula ang mukha ni Sharmaine. Nasa loob kasi sila ng paborito nilang coffee shop na madalas tambayan.
“Bibig mo! Itikom mo nga ‘yang bibig mo, nakakahiya!” nahihiyang sita ni Sharmaine kay Merlinda, na aminadong liberated at makabago kung mag-isip.
“Hay naku, huwag mo ngang isipin ang sasabihin ng ibang tao. Iyan ang hirap sa iyo eh. Lahat na lang ay iniintindi mo, ikaw talaga. Paano ka liligaya niyan? Oh basta ha, enjoy mo lang ang pakikipag-usap kapag may naka-match ka,” nakangiting sulsol naman ni Merlinda.
Ilang araw lamang matapos mag-install at humanap ng mga posibleng lalaking maaari niyang maka-chat, meron na siyang nakilala at nakausap. Si Kenneth. Tubong Batangas, at talaga namang kung pag-uusapan ang hitsura ay talaga namang panalo dahil gwapo ito.
Hindi niya namamalayan na napapangiti na lamang siya kapag nakita na niyang nag-chat ito sa kaniya.
Ngunit higit pa sa pisikal na anyo ang nagustuhan niya rito.
Malambing.
Mabait.
Masarap kausap.
Sa halos dalawang linggong pag-uusap nila, talagang masasabi ni Sharmaine na nahulog na nga ang kaniyang loob kay Kenneth.
“K-Kailan tayo puwedeng magkita?”
Lakas-loob nang nagtanong si Sharmaine dahil nais na niyang makita ang binata.
“P-Pagkikita?” tanong nito.
“Oo. Gusto sana kitang makaharap na. Kung papayag ka. Alam ko, hindi magandang babae ang nagsisimula ng unang move, pero gusto lang talaga kitang makita nang personal, tutal sabi mo ay hindi ka komportable sa video call.”
Matagal bago sumagot sa kaniya si Kenneth.
“Sige. Kung iyan ang gusto mo, wala namang problema sa akin. Gusto na rin kitang makita. Gusto ko na ring makita mo ako para magkaalaman na.”
Nagkasundo sila sa araw at oras. Linggo. 1:00 ng hapon. Sa isang mall sa Quezon City.
Sabado ng gabi, kabado na si Sharmaine. Ito ang unang beses na makikipagkita siya sa isang estranghero. Hindi siya makatulog. Pabiling-biling siya sa higaan. Kinuha pa niya ang yakap-yakap na unan at ipinatong sa kaniyang mukha. Nasasabik siya na kinakabahan na ewan.
Gwapo si Kenneth. Gaano kaya ito katangkad? Pakiramdam niya ay matangkad ito. Sana, matangkad nga ito dahil alanganin naman kung mas matangkad pa siya rito. 5’3 kasi ang tangkad niya.
Hanggang sa nakatulog na nga nang tuluyan si Sharmaine.
Kinabukasan, maaga siyang gumayak at umalis upang hindi maipit sa trapiko.
Nauna siya sa lugar kung saan sila magkikita. Naglibot-libot muna siya sa loob ng mall. Nagtingin-tingin sa mga shops.
Hanggang sa dumating na nga ang 1:00 ng hapon.
Palinga-linga si Sharmaine sa kaniyang paligid. Tinitingnan ang mga mukha ng matatangkad na lalaking dumaraan sa kaniyang harapan.
“Sharmaine…”
Bumaba ang tingin ni Sharmaine.
“A-Ako ito… si Kenneth…”
Hindi matangkad si Kenneth dahil nakasakay ito sa isang makabagong wheelchair. Hindi malaman ni Sharmaine kung ano ang magiging reaksyon; na isa palang may kapansanan ang kaniyang ka-chat.
Tila nabasa naman ni Kenneth ang inisyal na reaksyon ni Sharmaine nang makita siya.
“Pasensya ka na kung hindi ko kaagad nasabi sa iyo ang kalagayan ko. Kasi, ayokong mawala ka sa akin kapag nalaman mong hindi ako nakakalakad, na imbalido ako. Ngayon, puwede mo naman akong iwanan dito kung hindi ka interesado sa akin…”
“Hindi, Kenneth… hindi. Huwag mong sabihin iyan. Hindi ganoon. Nagulat lang ako kasi hindi mo naman nabanggit sa akin. Tara, ako na ang magtutulak sa iyo, pasok na tayo sa loob ng coffee shop.
Iginiya na nga ni Sharmaine ang wheelchair ni Kenneth papasok sa loob ng coffee shop kung saan nila napag-usapang mag-usap. Masayang kausap si Kenneth. Magaan kaagad ang loob ni Sharmaine sa kaniya, lalo na sa mga hirit nito.
Naaksidente pala si Kenneth kaya iyon ang naging dahilan kung bakit naging imbalido ito.
“Alam ko naman na imposibleng mahalin ang isang gaya ko. Sino ba naman ang magtitiis na makasama ang isang gaya ko?” sabi ni Kenneth nang makauwi na sila sa kani-kanilang mga bahay.
“Huwag mo ngang isipin iyan. Gusto kita. Tanggap ko ang kalagayan mo. Hayaan mong ako ang mag-alaga sa iyo.”
At naging magkasintahan na nga sina Kenneth at Sharmaine. Sa una ay hindi matanggap ng pamilya ni Sharmaine na ang unang magiging kasintahan ng dalaga ay isang may kapansanan, subalit nang makilala na nila ito, ay natanggap na rin nila para sa kanilang masipag na anak.
Matapos ang isang taong relasyon ay nagpakasal na nga sina Kenneth at Sharmaine at biniyayaan sila ng dalawang mababait na anak.