Tinanggihan ng Babae ang Alok na Kasal ng Nobyong Mekaniko; May Matinding Buwelta Ito sa Kaniya
Si Angela ay beinte sais anyos na. Panganay siya sa limang magkakapatid. Ang nanay niya ay may maliit na sari-sari store at ang tatay naman niya ay karpintero. Tinutulungan niya ang mga magulang sa pagpapa-aral sa kanyang mga kapatid na ang dalawa ay nasa elementarya at ang dalawa pa ay nasa kolehiyo na.
Kumikita siya sa pagba-buy and sell ng mga damit, sapatos at iba pa. Isinasabay niya sa pagtatrabaho ang kanyang pag-aaral. Nasa ikalawang taon na siya sa kolehiyo sa kursong edukasyon. Mayroon siyang nobyo, si Tristan. Tatlong taon na silang magkasintahan at mahal na mahal nila ang isa’t isa. Akala nga niya ay hindi na siya magkakaroon ng nobyo dahil sa sobrang abala niya sa buhay at dami ng obligasyon.
Ilang linggo lang ay pinahinto na niya sa pagtatrabaho ang tatay niya dahil sa mataas ang presyon nito sa dugo. Sa kinikita rin niya binabawas ang pambili nito ng maintenance na gamot. Ang kinikita naman ng nanay niya sa tindahan ang pinagkakasya nila sa mga gastusin sa araw-araw gaya ng pagkain, pambayad ng tubig at kuryente at pambaon ng mga kapatid niya sa eskwela. Ang para naman sa mga projects, pamasahe at pangmatrikula ay sa kanyang sariling bulsa nagmumula, pero kahit nagtutulungan sila ng kanyang ina ay kulang na kulang pa rin.
“Ate, kailangan ko ng pambayad para sa school project namin. Hindi raw makaka-gradweyt kapag hindi nakapagpasa,” sabi ni Kirby, isa sa mga kapatid niya.
“Ako rin ate, may pinabibili si teacher na mga gamit para sa experiment namin bukas,” wika naman ni Pauline, ang ikalawa sa bunso.
“Ganoon ba? Magkano ba ang iyo, Kirby? Ang sa iyo, Pau?” tanong ni Angela at kinuha ang kanyang pitaka. Napabuntung-hininga siya nang makitang saktong-sakto na lang ang pera para sa hinihingi ng mga kapatid. Wala nang matitira para sa baon at pamasahe niya kinabukasan. Ang siste, kukuha na naman siya sa alkansya niya na hindi na mapunu-puno dahil sa kakasungkit niya.
Kahit anong gawin niyang kayod ay hindi sapat para sa kanila. Gusto na nga niyang huminto sa pag-aaral para magbigay-daan sa mga kapatid niya, pero sayang kasi, ilang taon na lang ay makaka-gradweyt na rin siya, kaya pa naman niya, eh. Sisikapin niya na maigapang ang pag-aaral nilang magkakapatid. Nangako kasi siya sa kanyang pamilya na kahit mahirap ay itataguyod niya ang mga ito.
Isang gabi ay bumisita sa bahay nila si Tristan. May dala pa itong kaunting pasalubong para sa nanay, tatay at mga kapatid niya. Habang abala ang mga ito sa pasalubong ng nobyo ay nagkasarilinan silang dalawa. Nagulat siya nang bigla nitong hawakan ang kanyang kamay at lumuhod sa harapan niya.
“Angela, tatlong taon na tayo, ‘di ba? Hayaan mo na ako na ang maging kaagapay mo. Wala kang pagsisisihan dahil pakamamahalin at paliligayahin kita habambuhay. Will you marry me?” sinserong sabi ni Tristan na inilabas ang isang singsing.
Napatayo sa kinauupuan niya si Angela.
“T-Tristan?”
Sa pagtatapat ng nobyo ay walang pagsidlan ang kasiyahan sa puso niya, pero hindi pa siya handa sa gusto nitong mangyari. Unang-una, marami pa siyang obligasyon sa kanyang pamilya, tinutulungan pa niya ang nanay niya sa pagpapa-aral sa mga kapatid niya at sa mga gastusin nila sa bahay, siya rin ang tumutustos sa gamot ng tatay niya at paano na ang pag-aaral niya sa kolehyo? Gusto muna niyang makapagtapos bago bumuo ng sariling pamilya. At saka nagdadalawang-isip siya sa pagpapakasal kay Tristan dahil gaya niya ay mahirap din ito at mag-isa ring binubuhay ang mga magulang at kapatid. Isa lamang hamak na mekaniko ang lalaki na may maliit na shop. Hindi rin naman kasi nakapagtapos sa pag-aaral ang nobyo kaya ganoon lang ang trabaho nito. Kaya naisip niya na mahirap na nga ang buhay niya ay mahirap pa rin ang papakasalan niya? Paano na sila? Kaya halos maluha-luha siya dahil kahit mahal na mahal niya si Tristan ay tatanggihan niya ang alok nito.
“Pasensya na, Tristan, pero hindi ako magpapakasal sa iyo,” sabi niya.
Tila hindi naman iyon ang inaasahang sagot ng lalaki dahil ang ngiti at aliwalas ng mukha nito ay biglang naglaho. Rumehistro ang sakit sa mukha ng kanyang nobyo. Hindi man ito magsalita ay tila nabasa niya na ang ekspresyon nito at hindi nga siya nagkamali nang magsalita ang lalaki.
“B-bakit?”
Bumuntung-hininga muna siya bago sumagot.
“Sorry, may nagugustuhan na akong iba, eh. Nakilala ko sa Facebook. Naging magkaibigan kami at nagkagaanan ng loob hanggang sa napamahal na ako sa kanya, isa siyang foreigner. Sa tingin ko ay mas liligaya ako sa piling niya, sorry talaga, Tristan. Kalimutan mo na ako, hindi ako ang babaeng nababagay sa iyo,” masama ang loob na wika ni Angela na gusto nang maiyak sa mga pinagsasasabi niya.
Nakita niya na lumuluha na rin ang lalaki na mas lalong nagpasikip ng dibdib niya.
“I-ipinagpalit mo ako at ang tatlong taon natin sa lalaking nakilala mo lang sa Facebook?” hindi makapaniwalang sabi nito.
Malapit na siyang bumigay sa sobrang sakit na ginagawa niya kay Tristan pero hindi nito maaaring malaman na nagsisinungaling lang siya.
“Sorry, ibaling mo na lamang sa iba ang pag-ibig mo,” habol pa niya.
Tahimik na tumayo ang lalaki, laglag ang balikat at maluha-luha na umalis sa kanilang bahay.
Pagkatapos ng kasinungalingan niya ay hindi na niya napigilang mapahagulgol.
“Patawarin mo ako, Tristan kung mas pinili ko ang aking pamilya at ang aming kinabukasan,” bulong niya sa isip.
Makalipas ang ilang taon
Sabik si Angela na makitang aakyat na sa stage ang kapatid niyang si Kirby. Araw ng graduation nito sa kursong Accountancy. Magtatapos pa ang kapatid niya bilang Summa Cum Laude. Nakaka-proud talaga!
“Oy, Ate Angela, umiiyak ka na naman? Nung gumradweyt si Ate Trisha ay wala ka ring ginawa kundi umiyak,” nangingising sabi ng kapatid niyang si Pauline.
“Oo nga, si ate talaga napakaiyakin,” pang-aasar pa ng bunsong si Charlie.
“Hayaan niyo na nga ‘yang ate ninyo. Natutuwa lang ‘yan dahil unti-unti nang natutupad ang pangarap niya na makatapos ng pag-aaral kayong mga kapatid niya. May magandang trabaho na ang Ate Trisha niyo sa Makati, ang Kuya Kirby naman niyo ay tatanggapin na ang kanyang diploma. Kayong dalawa ay malapit na ring makatapos sa hayskul kaya pagbutihan ninyo ha? Para mas lalong matuwa ang Ate Angela ninyo,” sabad naman ng nanay nila.
“Kaya nagpapasalamat kami sa iyo, anak dahil sa mga pagsasakripisyo mo sa amin lalo na sa mga kapatid mo,” wika naman ng tatay nila.
Pinahid ni Angela ang luha sa mga mata.
“Para po sa inyo ang lahat ng sakripisyo ko. At saka hindi lang naman po ako ang dahilan kung bakit naging maayos ang pag-aaral naming magkakapatid. Naka-gradweyt ako, si Trisha, si Kirby ay dahil sa scholarship na ibinigay sa amin ng isang foundation na tumutulong sa mga mahihirap na gustong makapag-aral. Kaya nga po walang ginagastos na kahit magkano itong sina Charlie at Pauline sa eskwela ay dahil doon. Napakabuti ng puso ng may-ari ng foundation na iyon, balita ko nga ay a-attend din dito ‘yung may-ari para personal na batiin ang mga nagsipagtapos ngayong taon na miyembro ng foundation,” sambit niya.
“Ay nabalitaan ko nga ‘yan, ate. Bukod sa napakabait ay napaka-guwapo raw nung may-ari ng foundation,” kinikilig na sabi ni Pauline.
Kinurot niya sa tagiliran ang kapatid. “Diyan, diyan ka magaling!”
Maya maya ay nagsimula na ang graduation ceremony at tinatanggap na ng mga magsisipagtapos ang mga diploma. Umakyat na rin sa stage ang kapatid nilang si Kirby na tinanggap na ang diploma at medalya nito.
Nang magsalita na ang kapatid para sa graduation speech bilang pinakamahusay na nagtapos sa taong iyon ay tumahimik ang lahat.
“Hindi po ako makakarating sa kinatatayuan ko ngayon kundi dahil sa aking nanay, tatay at mga kapatid, lalung-lalo na sa aking Ate Angela na walang sawang nagsakripisyo para sa pag-aaral naming magkakapatid at para sa aming mga magulang. Kayo po ang aking inspirasyon, para sa inyo po ang karangalang ito. Bukod sa kanya gusto ko rin pong magpasalamat sa taong naging katuwang ng aming pamilya, si Kuya Tristan na narito rin sa araw na ito,” hayag ng binata.
Biglang lumakas ang tibok ng puso ni Angela nang marinig ang pangalan ni Tristan. Bakit ito binanggit at pinasasalamatan ng kapatid niya? Ano ang sinasabi nitong katuwang? Naguguluhan siya sa mga nangyayari.
Nang muling magsalita ang kapatid niya ay napatulala siya.
“Opo, si Kuya Tristan ang kasintahan ng aking Ate Angela na siyang tumulong sa aming magkakapatid para makapag-aral kami. Siya po ay nagmula rin sa mahirap na pamilya, dating mekaniko na sinuwerte at ngayon nga ay maganda na ang buhay at namamay-ari na ng isang foundation na tumutulong na mapag-aral ang mga mahihirap na kabataan. Kahit ang mga may edad na gustong makapagtapos sa pag-aaral ay binibigyang suporta ng foundation niya, kaya Kuya Tristan maraming salamat sa iyo. Ipagpatuloy mo lang ang ginagawa mong pagtulong sa mga taong may pangarap,” wika pa ni Kirby.
Sa narinig ay tumayo si Angela sa upuan at tumingin-tingin sa paligid. Hinahanap niya kung nasaan si Tristan. Hindi siya makapaniwala na ang dati niyang nobyo na tinanggihan niya noon ang siya palang tumulong sa pag-aaral nilang magkakapatid. Ngunit paano nangyari iyon? Paano ito sinuwerte?
Nang bigla siyang mapalingon sa boses ng isang lalaki na tumawag sa pangalan niya.
“Angela.”
Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang lalaki na nakatayo sa gilid. Nakatingin ito sa kanya.
“Diyos ko, si Tristan na ba ito? Mas lalong gumuwapo!” sambit niya sa sarili nang mapansing napakatikas ng lalaki sa suot na kulay puting polo shirt at itim na pantalon. Bagong ahit din ang mukha nito na litaw na litaw ang pagka-Adonis.
Nilapitan niya ito at sinipat-sipat.
“Ikaw na ba talaga ‘yan, Tristan?” tanong niya.
“Sino pa ba sa palagay mo? ‘Di ko pa rin nakakalimutan ang pagtanggi mo sa alok ko sa iyong kasal noon, ang sabi mo ay may iniibig ka nang ibang lalaki, at foreigner pa kamo? Alam mo ba na halos gumuho ang mundo ko sa sinabi mong iyon sa akin. Hindi ko matanggap na may mahal ka ng iba, pero ewan ko ba, may bumubulong sa isip ko na nagsisinungaling ka, kaya inalam ko ang totoo. Tinanong ko ang kapatid mong si Pauline kung may bago ka ngang nobyong foreigner at sinabi niya sa akin na wala, wala ka raw ibang lalaking minahal kundi ako. Ako lang daw ang nilalaman niyang puso mo. Umiiyak ka nga raw araw at gabi nung hiniwalayan mo ako, eh. Saka ko napagtanto sa sarili ko na kahit kailan ay hindi pala nawala ang pagmamahal mo sa akin. Nalaman ko na ginawa mo iyon dahil hindi ka pa handang magpakasal tayo sapagkat marami ka pang obligasyon sa iyong pamilya lalo na ang pag-aaral ninyong magkakapatid. Naisip ko rin na natatakot ka dahil mahirap lang ako at isa lamang mekaniko kaya ayaw mo akong pakasalan. Pero sa kabila ng pagtanggi mong iyon sa akin ay hindi ko kaya na makitang nahihirapan ka kaya nagbakasakali ako sa suwerte. Tumaya ako sa lotto at kapag nanalo ako’y tutulungan ko kayong magkakapatid at sa awa naman ng Diyos ay hinayaan akong manalo ng napakalaking halaga. Kaya nga nakapagpatayo ako ng sarili kong bahay, bahay para sa aking mga magulang at negosyong restawran. Pinalaki ko rin ang maliit kong shop at ako na rin ang nagpapa-aral sa aking kapatid. Nagtayo rin ako ng foundation na tumutulong sa mga mahihrap na gustong makatapos sa pag-aaral at iyon ang ginamit ko para matulungan kayong magkakapatid. Matagal ko na rin kasing gustong tumulong sa mga kagaya natin na salat sa buhay na gustong tuparin ang kanilang mga pangarap. Maging ako man ay nakatapos na rin ng pag-aaral, maikling kurso lang iyon sa pagnenegosyo kaya masasabi kong may maipagmamalaki na ako sa iyo, mahal ko, Ngayon na unti-unti nang natutupad ng mga kapatid mo ang pangarap nila at ikaw naman ay naabot mo na rin ang iyo, baka pwedeng pagbigyan mo naman ang sarili mong lumigaya sa piling ko?” sabi ni Tristan na muling naglabas ng singsing at inilahad sa kanya.
“This time, will you marry me?” nagsusumamo nitong tanong.
Naluha na si Angela sa tagpong iyon na hindi na napigilang yakapin si Tristan, ang lalaking pinakamamahal niya.
“Oo, Tristan, sa pagkakataong ito, oo na ang sagot ko. Mahal naman talaga kita, eh at hindi iyon kailanman nawala. Patawad kung tinanggihan kita noon, naduwag lang ako at natakot sa mangyayari sa buhay natin at alam mo naman na….” hindi na siya nakapagsalita at tuluyang napahagulgol.
“Sshh… Ang mahalaga ay tuloy na tuloy na talaga ang kasal natin. Wala nang makapipigil pa,” tugon ni Tristan ni pinahid ang luha niya sa mga mata.
“Salamat, Tristan, salamat.”
Bukod sa mga nagsipagtapos ay pinalakpakan din sila ng mga taong naroon na kanina pa pala sila pinapanood na kilig na kilig sa kanilang dalawa. Tuwang-tuwa naman ang magulang at mga kapatid ni Angela sa eksena nilang iyon ni Tristan na para bang happy ending sa pelikula.
Napakasuwerte niya kay Tristan dahil totoo at wagas ang pagmamahal nito sa kanya at sa kanyang pamilya.
Ipinakita sa kuwento na ang tunay na pag-ibig ay nakapaghihintay. May tamang oras at panahon para makamtan ang habambuhay na kaligayahan.