Minaliit at Pinalayas ng mga Magulang ang Anak Nilang Ubod ng Bobo; Ito Pa Pala ang Tutupad sa Pangarap Nila
Pagtitinda ng bagoong ang ikinabubuhay ng pamilya ni Aling Lorena. Katuwang niya sa negosyo ang asawa niyang si Mang Larry. Mayroon silang apat na anak, ang panganay na si Lyra na disi otso anyos, sinundan ni Lucho na disi siyete anyos, Landon na katorse anyos at ang bunso ay si Lirea, sampung taong gulang.
Matalino ang panganay at pangalawa nilang anak na inaasahan nilang mag-asawa na mag-aahon sa kanila sa hirap ngunit nabigo sila sa panganay na si Lyra at sa pangalawang anak nilang si Lucho dahil parehong nag-asawa nang maaga ang mga ito na sa murang edad ay bumuo na agad ng pamilya. Ni hindi pa nakakatapos sa kolehiyo ang dalawang anak ay lumandi na agad. Hindi man lang nakatulong sa kanila kaya masamang-masama ang loob nila ng kanyang mister.
Ang tangi na lamang nilang pag-asa ay ang bunso nilang si Lirea ngunit baka uugod-ugod na sila ay saka pa lang nila maranasan ang ginhawa kapag ito ang inasahan nila dahil nga bata pa ito, sampung taon pa lang. Wala naman kasi silang maasahan sa ikatlo nilang anak na si Landon na mahinang-mahina ang utak, sa madaling salita ay saksakan ito ng bobo.
“Inay, ano po sa Ingles ang kumusta ka? Gagawa po sana ako ng love letter para sa crush ko sa school eh,” kakamut-kamot sa ulo na sabi ni Landon sa ina.
“Diyos ko naman, katorse ka na pero bopols ka pa rin! Kaya ka hindi makaalis-alis sa elementarya, eh, kasi Ingles lang ng kumusta ka hindi mo pa alam. How are you? ‘Yon ang tamang sagot sa tanong mo. Kahit kailan ay walang laman ang utak mo. Tapos saan mo kamo gagamitin? Gagawa ka ng love letter? G*go ka tlaga, ano? Imbes na pag-aaral ang iniintindi mo’y puro crush, crush na ang inaatupag mo! Tigil-Tigilan mo nga ‘yan! Kung ako ‘yung babaeng hinahangaan mo, hinding-hindi ako magdadalawang-isip na layuan ka dahil ayoko sa bobo!” inis na wika ni Aling Lorena sa anak na piningot pa ito sa magkabilang tainga.
Napasigaw sa sakit ang binatilyo na napatayo sa kinauupuan.
“Aray! Inay naman!”
“L*tse ka kasi! Ubod ka ng t*nga! Magbasa ka na nga lang ng leksyon mo sa eskwela imbes na kung anu-ano ang ginagawa mo!” singhal pa ni Aling Lorena.
Tumahimik si Landon na halatang napahiya sa sinabi niya. Wala itong imik na itinigil ang pagsusulat, dinampot ang libro at nagbasa.
“Ayan, ganyan dapat ang ginagawa mo, ang mag-aral dahil kapag nakakuha ka ulit ng bagsak na marka ay papalayasin na kita rito sa bahay,” pananakot niya sa binatilyo.
Puro line of 7 na pasang-awa ang lagi nitong nakukuha o ‘di kaya ay bagsak na marka kapag kinukuha niya ang report card ng anak. Sawang-sawa na siya sa pagiging mahina ng ulo nito. Suko na siya rito at hindi na umaasa na magbabago pa. Ilang beses na niya itong pinagsabihan na mag-aral nang mabuti at intindihin ang tinuturo ng guro sa eskwela pero wala, eh, mapurol talaga ang utak nito.
Kaya ang lahat ng atensyon niya ay itinuon na niya sa bunso nilang anak. Ito ang tinutukan nila para balang araw ay ito ang tumupad sa mga pangarap nila. Pinabayaan na nila si Landon na kahit kailan naman ay hindi makakatulong sa kanila.
Isang araw, nakakuha ng napakataas na marka ang bunso nilang si Lirea sa exam nito sa Math at English kaya halos magtatalon sa tuwa ang mag-asawa.
“Wow, ang galing-galing talaga ng bunso namin! Naku, ikaw talaga ang pag-asa namin na mag-aalis sa atin sa kahirapan,” masayang bati ni Mang Larry na ipinakita pa sa mga kapitbahay nila ang score ng anak.
“Di tayo bibiguin nitong si Lirea natin. Ang batang ito ang magpapayaman sa atin ‘di tulad ng iba mong anak at ng bobong si Landon,” sabad naman ni Aling Lorena.
Habang nagdiriwang ang mag-asawa ay malungkot na nakasilip si Landon sa siwang ng pintong nakabukas sa kwarto nito. Narinig ng binatilyo ang sinabi ng ina.
“Mabuti pa si Lirea, ipinagmamalaki nina inay at itay. Bobo kasi ako, eh, mahina ang ulo kaya wala silang pakialam sa akin, pero pagsusumikapan kong makakuha rin ng mataas na grade para mapansin din nila ako at maipagmalaki,” malungkot niyang bulong sa sarili.
Lumipas ang mga linggo at kuhaan na naman ng report card sa eskwela. Ang sinabi ni Landon na pagsusumikapan ang mataas na marka ay hindi natupad. Nang makita ni Aling Lorena ang marka niya ay nalukot ang mukha ng ginang dahil inasahan na nito ang resulta. Puro 75 na naman ang marka niya at may dalawa pang bagsak. Nag-init na naman ang ulo nito at pagdating sa bahay ay katakut-takot na mura at bulyaw ang ipinatikim sa kanya.
“P*tangna ka talaga, g*go, l*tse! Sakit ka ng ulo sa amin ng tatay mo, ano itong mga grades sa report card mo? Puro pasang-awa na naman at may mga bagsak pa! ‘Di ba sabi ko sa iyo ayoko nang makakita ng bagsak sa card mo? Ano bang utak meron ka ha? Mas maliit pa yata sa langgam ang utak mo, eh, o wala ka talagang utak? Wala kang silbi rito kaya lumayas ka na lang, sayang lang ang pampaaral at pinapalamon namin sa iyo!” pagtataboy ni Aling Lorena sa sariling anak.
“Inay naman, ginawa ko naman po ang lahat, pero iyon lang po talaga ang kaya ng utak ko, eh,” sagot ni Landon sa ina na ‘di na napigilang maiyak.
“Binigyan na kita ng pagkakataon pero pumalpak ka pa rin kaya mabuti pa ay umalis ka na! Hindi namin kailangan ng bobong anak! Layas!” walang patumanggang sabi ni Aling Lorena habang kinaladkad na palabas ng bahay ang binatilyo.
“Maawa kayo sa akin, inay, itay,” pagmamakaawa ni Landon na halos lumuhod na sa harap nila ngunit parang bato na ang puso ni Aling Lorena na hindi man lang nahabag at ipinagtabuyan pa rin ang anak.
Hindi na rin siya pinigilan ng mister sa pagpapaalis kay Landon. Ang totoo ay hindi naman sila nag-aalala sa ginawa nila rito dahil alam nila kung saan ito pupunta, sa lolo at lola nito na nakatira lang sa kabilang kanto.
Habang naglalakad ay lugmok na lugmok na lumuluha si Landon. Ang iniisip ng mga magulang niya na pupunta siya sa lolo at lola niya ay hindi niya ginawa sa halip ay nakitira siya sa kaibigan niya na nakatira malapit sa palengke.
Dahil pinalayas na siya ng mga magulang at hindi na pinag-aral ay gumawa siya ng paraan para mabuhay. Pumasok siyang kargador at tindero sa palengke para kumita ng pera hanggang sa tumuntong na siya sa edad na disi nuwebe ay ipinasok naman siya ng kaibigan niya sa pabrika na pinagtatrabahuhan nito.
“Salamat, Robin sa pagpasok mo sa akin dito. Mas malaki ang kikitain ko rito at mas makakaipon ako para kina inay,” sambit niya sa kaibigan.
Kung narinig lamang ng mga magulang niya ang sinabi niya ay baka maawa ang mga ito at pabalikin na ulit siya sa bahay dahil kahit bobo siya ay makakatulong na siya sa mga gastusin. Ilang taon na rin kasi ang nakalipas, hindi pa rin siya nagpapakita sa kanyang pamilya. Gusto niya pagbalik niya roon ay may maipagmamalaki na siya.
Naging masipag si Landon sa bago niyang trabaho. Kahit mahirap ang ilang mga gawain doon ay talagang inaral at inintindi niya. Unti-unti siyang nahasa at nagamay ang lahat ng trabaho at pasikot-sikot sa pabrika kaya laking bilib sa kanya ng mga boss niya.
“Alam mo, Landon, noong una ay nagdadalawang-isip kami na tanggapin ka rito dahil hindi ka man lang nakatapos sa elementarya at hindi pa nakatuntong sa hayskul. Binigyan ka lang namin ng pagkakataon dahil sa pakiusap ng kaibigan mong si Robin na isa sa mahuhusay naming trabahador, pero habang tumatagal ay ipinapakita mo na kayang-kaya mo ang mga trabaho rito at namamangha kami dahil napakalaki ng improvement mo kaya mas lalo mo pang pagbutihan ha?” nakangiting sabi ng may-ari ng pabrika.
“Opo, sir! Salamat po sa pagtitiwala,” aniya.
Sa tulong ng kaibigan niya at iba pang kasamahan niyang trabahador na na-inspire sa kanya ay mas gumaling pa siya sa trabaho hanggang sa ma-promote siya bilang supervisor. Hindi siya makapaniwala na kahit mahina ang utak niya at hindi nakatapos sa pag-aaral ay kumikita na siya ng malaking halaga.
Nang magbalik siya sa kanila ay nanlaki ang mga mata ng nanay at tatay niya nang malaman ng mga ito na may trabaho na siya at supervisor pa. Inabutan niya ang mga magulang niya ng pera at sinabing hindi lamang iyon ang regalo niya sa mga ito, kundi nakabili na rin siya ng bahay at lupa na bago nilang tirahan. Sinabi rin niya na siya na ang magpapa-aaral sa bunso niyang kapatid na si Lirea at ipagtatayo din ng bagong negosyo ang mga magulang bukod sa negosyo nilang pagtitinda ng bagoong.
Napaluha si Aling Lorena at si Mang Larry sa narating niya. Pinagsisisihan ng mga ito ang ginawang pagpapalayas sa kanya noon at sa lahat ng masasakit na sinabi sa kanya.
“Anak, patawarin mo kami sa ginawa naming pagmamaliit sa iyo at patawad din kung pinagdudahan namin ang kakayahan mo. ‘Di namin akalain na ikaw pa ang tumupad sa mga pangarap namin. Sorry talaga, anak,” lumuluhang sabi ng kanyang ina.
“Patawad anak, sana ay mapatawad mo kami,” wika naman ng tatay niya.
Nakangiti naman na niyakap ni Landon ang mga magulang.
“Kalimutan na po natin iyon, ang mahalaga ay natupad ko po ang pangarap ninyo. Mula ngayon ay hindi na tayo maghihirap,” sambit niya.
Sa wakas ay napatunayan na niya sa nanay at tatay niya ang kanyang sarili, na hindi pinag-aralan ang sukatan ng pagtatagumpay sa buhay kundi sipag, tiyaga at determinasyon.