Sinampal ng Matapang na Kabit ang Pilay na Misis ng OFW; Makalipas ang Dalawang Taon ay Karma ang Kahaharapin Nito
Limang taon nang nasa Abu Dhabi si Jocar na nagtatrabaho bilang mekaniko. Naiwan sa Pilipinas ang asawa niyang si Leslie at ang kanilang dalawang anak na inaalagaan ng mabait at masipag niyang misis.
Matalino si Leslie at nakapagtapos sa kolehiyo ngunit may kapansanan, isa itong PWD o Person with Disabilities kaya naisip nito na sa bahay na lang at maging ulirang asawa. Napilay ang isang paa ng babae dahil sa isang aksidenteng nangyari matagal na panahon na ang nakalipas, ngunit kahit hirap makalakad at gumagamit na lamang ng saklay ay nagagawa pa rin nito ang obligasyon bilang ina sa mga anak.
Tuwing araw ng Sabado at Linggo ay tinatawagan ni Leslie ang mister para kumustahin ngunit sa halip na magandang kwentuhan at sulitin ang oras na magkausap sila ay walang ginawa si Jocar kundi ang magreklamo sa kabilang linya.
Ayaw na ayaw kasi ng lalaki na tinatawagan siya ng asawa, ang dahilan nito’y kahit sa ganoong mga araw ay sobrang abala nito sa mga ekstrang trabaho. Ginagawa raw iyon ng mister para may maipalamon sa kanila.
“Bakit tumawag ka na naman? Hindi ako pwede ngayong makipag-usap sa iyo dahil marami akong ginagawa dito. Umeekstra ako para malaki ang maipadala kong pera diyan. Ayaw mo pa ba niyon? Marami kayong pambili ng malalamon ninyo? Kaya huwag na huwag mo na akong tatawagan ha?” inis na sagot sa kanya ni Jocar.
“Pasensya ka na darling, nami-miss lang talaga kita, eh at tinatanong ka rin ng mga bata kung kailan ka tatawag. Hindi ka na kasi tumatawag mula nang ma-promote ka kamo sa trabaho mo,” paliwanag ni Leslie na hawak ang selpon habang nagluluto ng hapunan.
“Dinahilan mo pa ang mga anak natin. Sige na ibababa ko na ito, tinatawag na ako ng boss ko,” tugon ng lalaki at nawala na ito sa kabilang linya. Ni hindi nito hinintay na makapagpaalam siya o magsabi man lang ng ‘bye and love you darling’.
Dahil sobrang mapagpasensiya at maunawain si Leslie ay hinayaan na niya ang mister. Sanay na siya sa kanyang asawa kaya hindi na lamang siya kumibo. Alam din niya na hahaba lang ang sagutan nila at baka mauwi pa sa pagtatalo kapag kinontra pa niya ito. Sa isip niya ay napakasipag talaga ng mister niya na kahit araw ng pahinga ay nagtatrabaho pa rin para sa kanilang mag-iina.
Ang hindi niya alam ay iba pala ang tinatrabaho ni Jocar habang nasa Abu Dhabi. Kaya ayaw nito na tinatawagan niya ay dahil may iba itong babaeng kinakalantari sa Pilipinas.
Palusot lamang ng lalaki na mayroon itong ekstrang trababo pero ang totoo ay busy lang itong nakikipag-usap at nakikipagharutan kay Sylvia na nakilala nito sa chat. Dahil malambing at mapusok ang babae ay hindi na ito maalis sa isip niya hanggang sa nagkaroon na sila ng lihim na relasyon. Kapag bumalik nga siya sa Pilipinas ay doon muna siya didiretso sa babae niya bago umuwi sa totoo niyang pamilya. Wala ring kaalam-alam ang asawang si Leslie na napupunta sa kabit niya ang malaking porsyento ng kinikita niya sa Abu Dhabi.
“Babe, kumusta ka? Gustung-gusto na kitang makita nang personal para alam mo na…” malambing na bati ni Jocar sa babae habang nakikipag-videocall.
“Ayos lang, babe. Ito gustung-gusto na rin kitang makita. Kailan ka ba uuwi dito sa Pilipinas?” malandi naman nitong sagot.
“Ang totoo’y sa susunod na linggo na ang balik ko diyan. Hindi alam ng pilantod kong asawa ang pagbalik ko sa ‘Pinas, siyempre sa iyo muna ako bago ako uuwi sa kanya,” sabi niya rito.
Humagikgik naman si Sylvia at nilandi-landi siya.
“Talaga? Hihintayin kita, babe. Kabisado mo na ang ibinigay kong address? Doon mo ako pupuntahan ha? Baka kasi malaman din ng dyowa ko na nagkikita tayo kaya dun tayo sa bakanteng bahay ng tiyuhin ko sa Sampaloc. Huwag mong kakalimutan ang mga pasalubong ko lalo na ‘yung imported na pabango at ‘yung ipinangako mong mamahaling singsing at hikaw. Excited na ako sa pagdating mo, lalo na ito, excited na rin,” wika ng babae na tumayo sa kinauupuan at biglang hinubad ang suot na pang-ibabang saplot at ipinakita ang kaselanan nito sa kanya.
Pinamulahan ng pisngi si Jocar at nakaramdam ng pag-iinit sa ginawa ng babae.
“Tigilan mo nga ‘yan, babe. Ireserba mo ‘yan pagdating ko. Tiyak na malalasp*g ka sa akin,” sagot niya sabay pahid ng pawis sa noo dahil sa nakita.
Humalakhak ang babae.
“Sabi mo ‘yan ha? Kapag narito ka na ay magsama na tayo at iwan mo na ang walang silbi mong asawa. Aanhin mo ang pilay mong misis? Hindi ka na niya mapapaligaya sa kama kaya layasan mo na ang babaeng ‘yon. Sa piling ko ay para kang tumama sa lotto,” pangungumbinsi nito.
“Huwag kang mag-alala, iyan talaga ang balak ko. Kaunting tiis lang at darating din tayo diyan, babe,” tugon niya. Ilang sandali pa ay natapos na ang pag-uusap nila.
Lumipas ang isang linggo at sumapit na ang araw ng pagbalik ni Jocar sa Pilipinas. Walang kaalam-alam ang asawa niyang si Leslie na uuwi na siya at hindi sa bahay nila siya pupunta kundi sa pugad ng kabit niyang si Sylvia. Ang paalam pa niya sa misis ay mas magiging abala siya sa trabaho kaya huwag na huwag siya nitong tatawagan.
Samantala, sa bahay nila ay aburido na si Leslie kung saan kukuha ng panggastos nilang mag-iina. Ubos na kasi ang kakarampot na ipinadalang pera ni Jocar na kulang na kulang pa sa pang-araw-araw nila. Hindi naman niya matawagan ang mister dahil siguradong pagagalitan siya at magrereklamo na naman ito. Napilitan tuloy siyang gumawa ng paraan para may makain silang mag-iina.
Dahil ilang araw na hindi nagpapadala ang kanyang mister ay naisip niyang mag-apply ng trabaho. Wala kasing mangyayari kung tutunganga siya. Masuwerte naman siyang natanggap sa isang BPO company. Work from home siya roon kaya hindi na niya kailangang umalis ng bahay at iwan ang mga anak. Saka na niya sasabihin kay Jocar na may trabaho na siya kapag nagkausap sila.
Ngunit isang araw ay tinawagan siya ng HR na kailangan daw niyang pumunta sa site para magpasa ng kulang niyang requirements kaya wala siyang nagawa kundi umalis at bumiyahe. Kahit hirap sa kalagayan niya ay agad siyang bumiyahe. Sa isip niya ay saglit lang naman iyon at makakauwi naman siya nang maaga. Pagbaba niya sa taxi ay nilakad niya ang kalyeng papunta sa main office ng pinagtatrabahuhan niya. Napatigil siya sa harap ng isang simbahan, papasok sana siya sa loob para saglit na manalangin ngunit laking gulat niya nang makita ang ‘di inaasahang tanawin na bumungad sa kanya. Kilalang-kilala niya ang lalaking lumabas sa simbahan na may kasamang babae na panay ang harot dito.
Walang iba kundi ang kanyang mister na si Jocar at ang kabit nitong si Sylvia.
Nagulat din ang mga ito nang makita siya. Sa una ay hindi nakapagsalita si Leslie sa nasaksihan niya ngunit tinatagan niya ang loob at nilapitan ang dalawa.
“Ang sabi mo’y abalang-abala ka sa Abu Dhabi, iyon pala ay iba ang pinagkakaabalahan mo at nakabalik ka na pala? Hindi ka man lang nagpasabi. Kaya pala ayaw mong tumawag ako sa iyo ay dahil narito ka na at may ibang kinukutingting,” sambit ni Leslie.
Hindi nakasagot ang asawa niya pero si Sylvia ay tinaasan lang siya ng kilay. Tiningnan pa siya nito mula ulo hanggang paa at matapang siyang hinarap.
“Ito ba ang asawa mo, babe? Eh, wala nga talagang kuwenta ito, pilay na nga, hindi pa kagandahan. ‘Di hamak na mas bata, maganda, sariwa at normal ako kumpara sa babaeng ito,” natatawang sabi ng babae na dinuro-duro pa siya.
Hindi napigilan ni Leslie na pagsalitaan ang karibal sa asawa.
“Kahit anong sabihin mo, kabit ka pa rin. Hindi na kayo nahiya, pumasok pa kayo sa bahay ng Diyos, eh, nagtatampisaw naman kayo sa kasalanan,” matapang niyang sabi.
Tila na-imbyerna sa kanya ang babae at bigla siya nitong sinampal sa harap ng kanyang mister na muntik na niyang ikabuwal, mabuti na lang at matibay ang pakakatindig niya sa kinatatayuan at hindi niya hinayaan ang sarili na matumba. Sa ginawa ng kabit ay hindi pa rin kumikilos at nagsasalita si Jocar.
“Yan ang bagay sa iyo, pilantod! Huwag na huwag mo ulit akong pagsasalitaan ng ganoon dahil hindi lang ‘yan ang aabutin mo sa akin,” galit na galit na wika ng babae.
Kahit napahiya ay bumuntung-hininga lang si Leslie at pilit na pinipigilan ang sarili. Hindi kasi siya sanay sa away kaya mas minabuti niya na kumalma at magtimpi ngunit hindi niya hahayaan na ganoon na lang ang sapitin niya, bubuweltahan niya ang babae sa ibang paraan.
“Tapos ka na? Alam mo hindi kita papatulan dahil may pinag-aralan akong tao ‘di gaya mo na asal kalye. Oo, nasaktan mo ako ngayon, nagtagumpay ka sa pagkakataong ito pero tandaan mo na ang karma ay hindi lang digital kundi parang sinehan din na ‘coming soon” kaya antayin mo na lang. Ang Diyos na ang bahala sa iyo at sa mister ko,” sabi niya at tumalikod na.
Narinig niyang pinagmumura pa siya ng babae pero ‘di na niya ito pinansin, tuloy-tuloy lang siya sa paglalakad kahit hirap sa saklay na dala. Wala siyang ginawa kundi ang umiyak habang palayo sa lugar na iyon.
Dahil sa nangyari ay mas lalo siyang nagpursige sa buhay. Hiniwalayan na niya ang mister at hinayaan na ito sa kabit nito. Lalo niyang pinaghusay ang trabaho hanggang sa maikling panahon lang ay na-promote agad siya at nakaipon. Makalipas ang dalawang taon ay nakapagpundar na siya ng bahay at lupa at nakapagbukas ng maliit na negosyo na ‘di nagtagal ay lumago at nakilala sa buong bansa. Kahit nagtatrabaho ay isinasabay niya ang pagnenegosyo na nagbigay sa kanya ng mas malaking kita at magandang buhay sa kanilang mag-iina.
Isang araw, napadaan ulit siya sa simbahan kung saan niya natuklasan na may ibang babae ang dati niyang asawa. Sinubukan niyang pumasok sa loob ngunit sa labas niyon ay napansin niya ang dalawang pamilyar na mukha. Nagbebenta ng mga kandila at basahan ang lalaki at babae sa gilid ng simbahan. Hindi niya inasahan na sa ganoong eksena niya makikita ang dati niyang mister na si Jocar at ang kabit nitong si Sylvia. Marumi ang kasuotan ng dalawa, halatang hirap na sa buhay. Nang makita siya ng mga ito ay parehong tumungo ang dalawa at hiyang-hiya sa kinasapitan ng mga ito.
Lumapit si Leslie sa kinaroroonan ng dalawa.
“Jocar?” tanong niya.
Nahihiya itong tumango. Ang babae naman na kasama nito na dati ay ubod ng tapang ay hindi na makatingin sa kanya ngayon nang diretso.
“A-anong nangyari sa inyo? Bakit kayo narito?” naaawang sabi niya.
“Hindi na ako nakabalik sa Abu Dhabi. Nagkasakit ako ng TB kaya hindi na ako tinanggap ng employer ko. Naubos din ang ipon ko sa pagpapagamot, hanggang ngayon nga ay naggagamot pa rin ako. Mula noon ay hirap na akong makahanap ng magandang trabaho kaya nauwi na lamang sa pagtitinda sa labas nitong simbahan ang ikinabubuhay namin ni Sylvia. Nang malaman ng boyfriend niya na may relasyon kami ay pinagbubugb*g siya nito at nakunan. Sinawimpalad na mabuhay ang una sana naming anak. Ang sabi ng doktor, dahil sa nangyari ay hindi na siya maaaring magkaanak pa. Pinalayas at itinakwil na rin siya ng kanyang pamilya nang malaman ng mga ito na kumabit siya sa may asawa. Ito na yata ang sinabi mong karma namin,” nahihiyang pag-amin ng lalaki.
Nakakaunawang napatango na lang si Leslie. Hindi niya naiwasang malungkot sa kinahantungan ng dalawa. Napansin naman niya na naluluha na ang babaeng katabi ni Jocar na kinakain ng kunsensiya ang sarili sa mga ginawa nito sa kanya noon.
Binuksan ni Leslie ang bag niya at kumuha roon ng tseke. Sinulatan niya iyon ng malaking halaga at iniabot kay Jocar.
“Kulang pa ang nararanasan ninyo ngayon sa sakit na naramdaman ko noon, pero tapos na iyon. Sino ba naman ako para hindi magpatawad? Kaya tanggapin ninyo ‘yan. Ngayong kayo naman ang naghihirap ay hayaan ninyo na tulungan ko kayo. Malaki ang magagawa ng halagang ‘yan upang kayo ay makapagbagong buhay,” sabi niya at tumalikod na.
Naiwan ang dalawa na lumuluha sa labis na pagsisisi. Sinampal sila ng reyalisasyon na ang inapi nila noon ang siyang nakakaangat ngayon na nagbigay pa ng tulong sa kabila ng kanilang mga naging kasalanan.
Sadyang mabuting tao si Leslie na mas pinili ang magpatawad kaysa sa gumanti kaya tinatamasa niya ngayon ang suwerte sa buhay na nararapat lamang sa tulad niyang malinis ang kalooban.