Inday TrendingInday Trending
Nagtataka ang Binatang Ito sa Biglang Pagtahimik ng Kaniyang Ina, Mali pa Rin Pala Siya ng Akala

Nagtataka ang Binatang Ito sa Biglang Pagtahimik ng Kaniyang Ina, Mali pa Rin Pala Siya ng Akala

“’Ma, nakakapagtaka ka naman, dati simula nung bata ako ay palagi kang umiiyak sa tuwing magtatapos ako, may medalya man o wala, pero ngayon mukhang wala yatang luha na bumabagsak sa mata ng nanay ko?” pang-aalaska ng binata sa kaniyang ina na si Aling Cecilia.

“Malaki ka na, hindi na ako iiyak saka mamaya kapag umiyak ako ay masira pa ang make-up ko,” sagot ng ale sa kanya at nginitian lamang ang anak na abalang-abala sa pag aayos ng buhok nito.

Nakapagtapos na si Juswa ng kursong accounting at katulad ng kaniyang mga magulang ay isa rin itong sertipikadong accountant na siyang ipagdiriwang nila ngayon. Nag-iisang anak lamang ang lalaki at para kay Aling Cecilia ay nabigay niya ang lahat sa anak para maging matagumpay ito sa buhay.

“’Ma, tara na kain na tayo sa paborito mong restawran. Dahil CPA na ako ngayon ay ililibre ko naman kayong dalawa ni papa,” muling wika ng lalaki sa kanyang ina matapos ang seremonya ng kaniyang pagpirma sa pagiging CPA.

Tumango at ngumiti lang ang ale saka ito nauna sa kanilang sasakyan.

“’Pa, hindi mo ba napapansin? Bakit simula na lang nung nakapagtapos ako ng kolehiyo ay parang lagi na lang galit si mama sa akin? Bakit siya ganyan? Magme-menopause na ba ‘yang si mama?” tanong ng binata sa kaniyang ama.

“Hindi mo ba napapansin? Dahil ‘yan sa nobya mo!” natatawang sagot ni Mang Rodel, ang tatay ng binata.

“Sabi ko na, parehas tayo ng iniisip! Kunwari pa siyang boto kay Chelsea pero ang totoo niyan ay hindi naman talaga,” sagot ni Juswa at sabay na nagtawanan ang dalawa. Hanggang sa makarating sila sa restawran kung saan nandoon na rin ang nobya ng binata. Naging maayos naman ang simpleng selebrasyon kaya lamang ay nababahala ang binata sa matamlay na pakikitungo ng kaniyang ina sa kanya.

“’Ma, gusto mo ba hiwalayan ko na si Chelsea?” diretsong tanong ng binata sa kaniyang ina.

“Ha? Ano na naman pinagsasabi mo? Ikaw ngang bata ka, hindi kita pinalaki para lang magpaiyak ng babae. Tandaan mo, lahat ng babaeng sasaktan mo at paglalaruan mo ay parang ako na rin ang gin@go mo,” baling kaagad ni Aling Cecilia.

“Ibig sabihin, boto ka kay Chelsea? E bakit simula nung nakilala mo siya ay pakiramdam ko lagi ka nang galit sa akin?” tanong muli ng binata sa kaniyang anak.

“Wala, akala mo lang ‘yun!” baling ng ale at iniwan na ang kaniyang anak. Gusto pa sanang kulitin ni Juswa ang ale ngunit dumiretso na ito sa kwarto.

“Ikaw naman, kinakausap ka ng anak mo, ano bang problema mo? Napapansin mo ba ang sarili mo nitong mga nakaraang buwan? Palagi kang galit at tahimik. May sakit ka ba? May problema ba?” tanong ni Many Rodel sa kaniyang asawa.

“Wala, hayaan mo lang ako,” baling muli ng babae.

“Ano ngang problema? Ayaw mo ba sa nobya ng anak natin kaya ka ganyan?” muling tanong ng lalaki.

“Wala nga,” naluluha nang sagot ng babae.

“O, tapos ngayon umiiyak ka na. Ano na bang nangyayari sa’yo?” mabilis na nilapitan ng lalaki ang kaniyang misis.

“Wala lang, sinasanay ko lang ang sarili ko na mawalay sa anak mo. Simula nang nakapagtapos na siya sa kolehiyo ay nagkaroon na siya ng sariling desisyon sa buhay. Hindi na nya ako kailangan, bukas makalawa mag-aasawa na ‘yan. Wala na talaga siya rito sa atin,” hagulgol ng ale.

“Hindi ko lang akalain na ganito kabilis ang panahon. Parang kailan lang kailangan pa ako ng anak natin, araw-araw, oras-oras, kailangan niya ng tulong ko. Tapos biglang sa isang idlap, ayon na siya. Nalulungkot lang ako, Rodel, dahil pakiramdam ko mag-isa na lang ako ngayon. Napakatahimik ng bahay sa tuwing uuwi ako, wala nang nagtatanong sa akin ng mga gagawin tungkol sa math o accounting. Alam ko, alam ko na sasabihin mong parte ito ng buhay natin kaya nga tinatago ko nalang. Para masanay ako na wala nang may kailangan sa akin,” dagdag pa nito at saka bumuhos ang luhang matagal na niyang pinipigilan. Hindi nagsalita si Rodel at niyakap lamang ang kaniyang asawa. Dahil maski man siya ay iyon din ang nararamdaman ngunit sa ibang paraan nga lang niya pinapakita.

“Kaya naman pala nag da-drama ang nanay ko kasi namimiss na ako! ‘Ma, huwag kang umiyak. Pasensya ka na kung sa tingin niyo po ay abala na ako sa buhay ko at mukhang ‘di ko na kayo kailangan pero hindi iyon ang totoo. Kasi sa’yo pa rin ako tatakbo, ‘ma, ikaw pa rin ang iiyakan ko. Kaya huwag mong isipin iyon, may condo unit lang ako pero kayo pa rin ang bahay na uuwian ko,” biglang singit ni Juswa na napakinggan pala ang buong hinaing ng kaniyang nanay.

“Anak, masaya ako sa kung ano man ang narating mo at kung ano man ang mayroon ka ngayon. Huwag mo sanang masamain. Hindi ko lang talaga alam paano sasanayin ang sarili ko unti-unti, may sarili ka ng buhay. Lumaki ka sa’kin, tapos ngayon. Sorry, ‘nak, masaya ako para sa’yo, maniwala ka,” lumuluhang paliwanag ng ale sa kaniyang unico hijo.

Parte na ng pagiging magulang ang maiwan kapag dumating na ang tamang oras na magkakaroon na rin ng sariling pamilya ang kanilang mga anak. Hindi man siguro natin nakikita sa lahat ngunit may kirot sa puso nila lalo na nga na malaking bahagi ng kanilang buhay ay inalay nila sa pagiging isang ina o magulang at tila sa isang idlap ang mga anak ay biglang nakakalimot at nagiging abala sa takbo ng mundo.

Aminado rin naman si Juswa na naging abala talaga siya sa sarili niyang buhay ay tila ba binalewala niya ang mga magulang dahil para sa kaniya ay nagsisimula palang ang kaniyang karera at hindi niya naisip na malulungkot ang mga ito.

Si Aling Cecilia naman at Mang Roben ay naghanap ng iba nilang mapagkakaabalahan lalo na ngayo na sila na lang lagi sa bahay. Para sa mag-asawa, bagong kabanata naman ito ng kanilang buhay. Sa huli, naging maayos naman ang lahat kahit maraming pagbabago sa buhay nila.

Advertisement