Inday TrendingInday Trending
Mukhang Ito na Raw ang Huling Akyat-Bahay na Gagawin ng Lalaking Ito; Mabigat na Halaga Pala ang Kaniyang Makukulimbat

Mukhang Ito na Raw ang Huling Akyat-Bahay na Gagawin ng Lalaking Ito; Mabigat na Halaga Pala ang Kaniyang Makukulimbat

“Manoy, nakita mo na ba ‘yung bagong bahay sa Makiling subdivision? T@g!na, pare! Big time! ‘Yung isang kwarto raw doon ay pinagawang vault! Pare, ito na talaga! Kapag nakuha natin ang laman nun ay mukhang titigil na tayo sa pagnanakaw!” wika ni Eman sa kaniyang kaibigan.

“Paano naman natin mapapasok ‘yung ganon? Parang napaka-imposible naman yata ng gusto mong akyatin ngayon!” mabilis na kontra ni Manoy.

“Sasabihin ko ba sa’yo ito kung hindi ko pa planado? S’yempre nagawa ko na ‘yun! Kaibigan ko ‘yung nagpintura nung loob ng vault at magiging kasama na natin siya kapag nagkataon. Ihanda mo nalang ang mga gamit na kailangan natin kasi ang balita pa, palagi raw wala sa bahay ‘yung may-ari. Mas malaki ang posibilidad na jackpot tayo kaagad!” masayang siwalat muli ni Eman sa lalaki.

Kinamulatan na ni Eman ang pagnanakaw at ito na rin ang nakagisnan niyang hanapbuhay. Nakarating na siya sa iba’t ibang lugar para lamang gumawa ng krim*n. Mali man sa kahit anong aspeto ngunit dito raw magaling ang lalaki.

Hinanda na nila ang mga kailangan, nakabili na sila ng malaking bag kung saan nila ilalagay ang makokolektang mga gamit mula sa vault na papasukin nila. Ang sasakyan at ang plano kung paano nila mapagtatagumpayan ang pinakamalaking akyat bahay na gagawin ni Eman sa buhay niya.

“Put@ng!na, pare! Dito pa lang sa salas nila jackpot na tayo. Simulan ko na kayang hakutin ‘tong mga ‘to?!” manghang wika ni Manoy nang makapasok na sila sa nanakawang bahay.

“Huwag mo nang galawin ‘yan, mas marami tayong makukuha sa loob ng vault!” natatawang sagot ni Kevin, ang isa pang kasamahan sa pagnanakaw.

Ngunit bago pa man sila nakarating sa kinaroroonan ng vault ay biglang bumalik ang may-ari ng bahay na siyang nagpagulo ng lahat. Kaya naman wala silang nagawa kung ‘di ang gawin ang wala naman sana sa plano nila.

“O, hindi kami masamang tao. Buksan mo na lang ‘yung vault at aalis na kami agad. Hindi ka namin sasaktan at walang dugo na dadanak,” sigaw na utos ni Eman sa ale.

“Wala naman kayong makukuha riyan sa vault namin,” naiiyak na wika ni Gemma, ang may bahay. May edad na ito kaya naman makikitang nanginginig ang babae sa takot habang nakatutok ang mga baril ni Eman at ng kaniyang kasamahan.

“Magpapagawa ba kayo ng ganyan kung walang laman ‘yan! ‘Nay, buksan mo na, dali!” sigaw muli ng lalaki rito.

Dali-dali ay binuksan naman ito ng babae at kaagad siyang tinalian at binusalan ang bibig. Natulala ang lalaki, maging ang mga kasama niya nang makita nila ang laman ng vault.

“Pare, ano ‘to,” bulong ni Manoy na nagsimula nang umikot sa loob.

Saglit na hindi nakapagsalita si Eman sa kaniyang nakita at takang-taka pa rin. Hanggang sa tinanggal niya ang busal sa bibig ng ale.

“Bakit ganito ang mga tinatago niyo rito? Nasan ang pera, ang mga ginto?” baling ng lalaki rito.

“Wala, wala kaming ganon kasi nasa mga anak na namin iyon. At lahat sila ay may kani-kaniya nang pamilya kaya naman naisipan namin gumawa ng kwarto kung saan pwede namin balikan ang mga nakaraan. Lahat ng nandito ay memorya ng mga anak ko at mga apo ko,” naluluhang paliwanag ng ale.

“Pare, tara na, baka ano pang mangyari. Tara na, wala naman tayong mahihita rito, tara na!” yaya ni Kevin dahil sa takot niyang kung ano pa ang sunod na maisip ni Eman dahil sa nakikita niyang galit mula rito. Tinalian nilang muli ang matanda at saka sila umalis na walang kahit anong dala.

“Pare, anong nangyari sa’yo? Pasensya ka na, ‘di ko rin naman alam na ganon lang pala ang ilalagay nila sa vault. Hindi naman tayo m@mat@y tao, magnanakaw lang tayo kaya niyaya na rin kita talaga kanina para makaiwas sa gulo,” paliwanag ni Kevin kay Eman na siyang nakatulala lamang at tahimik na nakaupo sa hagdan.

“Wala pare, ayos lang ‘yun. Hindi lang ako makapaniwala na may mga taon pa rin palang hindi sinasamba ang pera katulad natin. Natatahimik ako kasi sa totoo lang, wala… Hayaan mo na,” sagot ng binata rito at saka tumayo.

Hindi lamang masabi ng lalaki na noong makita niya ang loob ng vault ay may kung anong pagbabago siyang gustong gawin sa sarili at sa buhay niya. Bigla niyang napatunayan na hindi lahat ng tao, salapi lamang ang mahalaga o tinatago dahil may mga tao pa rin na mas pinahahalagahan ang pagmamahal, memorya at oras sa isa’t isa. Simula noon ay pinangako ng lalaki sa kaniyang sarili na hindi na siya magnanakaw at maghahanap na siya ng maayos na trabaho. Dahil gusto niya balang araw, may babalikan ang pamilya niya o siya mismo sa lahat ng maliit na bagay na pinaghirapan niya para sa mga ito.

Advertisement