Hindi na Kaya ng Mag-Asawang Tustusan ang Gastusin sa Ospital Kaya mas Pinili na Lang Nilang Huwag Ituloy ang Gamutan; May Himala Kayang Mangyari?
Nakatulala si Mang Delfin habang tinititigan ang bill ng ospital na ibinigay sa kaniya ng kahera. Malaking halaga na ang nailabas nila dahil sa pagpapagamot sa asawang may malubhang sakit, at kaunti na lang ay mauubos na ang perang hawak niya.
Matapos bayaran ang bill ay kinausap niya ang asawang si Ophelia, at ipinaliwanag ang estado ng pera nila. Agad naman iyong naintindihan ng asawa at walang pagdadalawang-isip na pumayag sa nais mangyari ni Mang Delfin.
Ititigil na lamang nila ang pagpapagamot rito sa ospital at uuwi na lamang sila sa bahay nila upang doon ipagpatuloy ang pagpapagamot ng asawang may sakit. Pupunta lamang sila ng ospital upang magpa-check-up pero hindi na muna magpapa-admit doon, dahil habang dumadaan ang araw ay lumalaki rin ang kanilang bayarin at hindi na nila iyon kayang bayaran pa.
“Ako na lang mismo ang mag-aalaga sa’yo sa bahay, Ophelia, pasensya ka na talaga. Paubos na ang perang naipon natin, kaya hanggang limang araw na lang tayong pwedeng manatili rito,” ani Delfin sa asawa.
Mangiyak-ngiyak na tumango si Ophelia saka ikinulong ng dalawang palad ang mukha ng asawang mula noong nalaman nilang may malubha siyang sakit ay hindi na siya nito iniwan at palaging nasa tabi niya upang siya’y alagaan.
“Walang problema iyon sa’kin, Delfin, hindi mo kailangang humingi ng tawad. Walang may gustong mangyari ito,” mangiyak-ngiyak niyang sambit sa asawa at niyakap ito.
Lingid sa kanilang kaalaman ay may lihim pa lang nakikinig sa kanilang usapan.
“Pasensya ka na… alam kong kailangan na kailangan mong manatili rito upang mapagamot, pero sadyang hindi na kakayanin ng pera natin ang gastusin,” maluha-luhang yuko ni Delfin sa asawa.
Ang hirap kalabanin ng sakit. Kahit anong gawin mo’y wala kang kalaban-laban. Kung tao pa lang ang sakit na mayroon sa katawan ni Ophelia, ay baka hinamon na ito ng suntukan ni Delfin, ang kaso’y wala siyang magawa. Paubos na ang pera niya at hindi na niya kakayanin pang bayaran ang ospital kung mananatili pa sila roon ng higit pa sa limang araw. Kaya mas maiging umuwi na lang sila at doon na sa bahay ipagpatuloy ang paggagamot nito.
Makalipas ang tatlong araw mula noong nagdesisyon si Mang Delfin na iuwi na lang ang asawang si Ophelia at sa bahay na lang ito magpapatuloy sa gamutan ay dahan-dahan ng nililigpit ni Mang Delfin ang mga gamit nila upang sa pang-limang araw ay mabilis na lamang silang makakaalis ng asawa.
“Mang Delfin, maaari ko ba kayong makausap?” ani Nars Diane.
“Hello po, oo naman po, ma’am. Para saan po ba iyon?” magalang na wika ni Delfin sa mabait na nars.
“Mang Delfin, ito po pala si Sir Christian.” Pakilala nito sa lalaking hindi pamilyar sa kaniya. “Naparito po siya upang tulungan kayo,” dugtong ni Nars Diane.
Tumikhim muna ang lalaking nagngangalang Christian saka nagsalita.
“Hello po, Mang Delfin, tama po ang narinig niyo na naparito ako upang tulungan kayo. Narinig ko po kasi ang usapan niyo noong nakaraang araw na hirap na kayong tustusan ang gastusin niyo rito sa ospital, kaya nagdesisyon kayong iuwi na lang ang misis niyo at doon sa bahay ipagpapatuloy ang pagpapagamot.” Paliwanag ni Christian.
Nanatiling tahimik si Mang Delfin at mas minabuting pakinggan lang muna ang binata.
“Sa ngayon po, Mang Delfin, hindi niyo na kailangang iuwi ang misis niyo dahil tutulungan po namin kayo sa gastusin niyo rito sa ospital. Isa ka po sa napili ng grupo naming tulungan, narinig ko po kasi lahat ang naging usapan niyo at pasensya na po kayo kung nakunan ko iyon ng bidyu. Nanghingi po ako ng tulong sa mga kasamahan ko at hindi po sila nagdalawang isip na mag-abot ng tulong. Kaya hindi niyo na po kailangang alalahanin ang bayaran niyo sa ospital dahil kami na po ang bahala no’n hanggang sa gumaling ang misis niyo,” ani Christian.
Hindi makapaniwala si Mang Delfin sa magandang balitang kaniyang natanggap. Hindi niya alam kung totoo ba iyon o nananaginip lamang siya. Ito na ba ang sagot sa himalang ilang araw na niyang hinihingi?
Hindi na nagawang magsalita ni Mang Delfin, dahil ang tanging kayang na lamang niyang sambitin sa ngayon ay walang iba kung ‘di ang pasasalamat. Salamat sa lalaki, at salamat sa mga kasama nitong handang tulungan ang mga kagaya nila.
“Hindi ko alam kung paano ka pasasalamat, hijo, pero hulog ka ng langit para sa’min ng asawa ko. Tiyak na magiging masaya rin iyon gaya ko kapag nalaman niyang may mabubuting tao ang tutulong sa’min. Maraming-maraming salamat.” Umiiyak niyang wika kay Christian at niyakap ito.
“Walang anuman po iyon, Mang Delfin, masaya ako na tulungan kayo,” nakangiting wika ni Christian.
Kung totoo nga ang himalang sinasabi ng karamihan ay ito na ang himalang dumating sa buhay nilang mag-asawa. Ang laki ng utang na loob nila sa binatang si Christian, at gaya ng pangalan nito’y taglay nito ang ugaling animo’y anghel na ipinadala galing sa kalangitan upang tulungan ang mga kagaya nila.