Inday TrendingInday Trending
Sa Larong Kasal-Kasalan, Isang Binabae ang Napiling Kapares ng Magandang Babae; Siputin kaya Siya Nito sa Altar?

Sa Larong Kasal-Kasalan, Isang Binabae ang Napiling Kapares ng Magandang Babae; Siputin kaya Siya Nito sa Altar?

Labis man ang pagtataka ay napilitan si Nova na sumama sa mga kaklaseng pinipilit siyang isama sa ” Marriage Booth” kung saan nagaganap ang pekeng kasal-kasalan ng buong campus. May masayang nagaganap ngayon sa kanilang eskwelahan at isa ang “Marriage Booth” sa pinagkakaguluhan ng mga estudyante.

“Sino ang groom ko?” taka niyang tanong.

Habang abala ang kaniyang mga kaklase sa pagsuot sa kaniya ng puting bestida na siyang props ng marriage booth na iyon.

“Si Joshua,” sagot ni Nancy, isa sa masayang-masaya niyang kaklase.

“Bakit si Joshua?” natatawa niyang sambit.

Sa dami ng kaklase niyang lalaki na pwedeng ipares sa kaniya bakit si Joshua pa? Si Joshua na may pusong babae!

“Para masaya ang kasal niyong dalawa. Nakakasawa na kasing makakita nang ikinakasal sa marriage booth na animo’y magkasintahan at seryosong nagpakasal. Kaya naisip namin na para kwela, ikaw at si Joshua ang hihilain namin sa booth,” masayang paliwanag ni Apple.

“Hindi ko nga lang alam kung nahila na ba ng mga boys si Joshua,” ani Nancy.

“Sisiputin kaya ako no’n? Baka mag-run away groom iyon,” komento niya.

Hindi pa man nangyayari’y nabubuo na sa isipan ni Nova ang mangyayari sa kasal nila mamaya ni Joshua. Kung hindi ito bubusangot at mahihiya sa lahat ay masuka-suka ito sa nagaganap at ngayon pa lang ay gusto na niyang humalakhak ng tawa.

Sa kabilang banda naman ay panay ang reklamo ni Joshua sa mga lalaking pilit siyang hinila patungo sa marriage booth at ngayon ay sapilitang pinapasuot ang amerikanong kulay abo upang kaniyang isuot sa kunwa’y kasal-kasalan.

“Hoy! Mga walang hiya! Ano bang pinaggagawa niyo sa’kin,” ani Joshua, gustong magalit pero mas natatawa.

“Ngayong araw ay ganap ka nang lalaki, Joshua, dahil ngayong araw ang kasal niyong dalawa ni Nova,” sagot ni Jefferson.

“Ano?!” nahihintakutang sambit ni Joshua.

Pilit tinatanggal ang damit na ngayon ay inaayos na ng mga kaklaseng lalaki.

“Huwag ka nang malikot, wala nang atrasan ‘to!” ani Simone, habang pilit sinasakto sa butas ang butones.

“Papayag ako kung lalaki ang ipapakasal niyo sa’kin, pero babae?! At si Nova pa? Susko! Ayoko nang tumuloy, nakapagdesisyon na ako huwag siyang siputin sa altar.” Natitilihang sambit ni Joshua.

Ang totoo’y girl crush niya si Nova, bukod kasi sa maganda ito ay nagtataglay pa ito ng ugaling nakakatawa at mabait. Sino ba naman ang lalaking ayaw maging groom ni Nova, kahit na ba biru-biruan lang. Pero hindi siya! Babaeng-babae pa siyang gumalaw kaysa sa dalaga at mas feeling nagmamaganda siya kaysa rito.

Imbes na gawin niyang the happiest day ang kasalang iyon ay magiging worst nightmare.

“Ipapahiya mo si Nova sa harapan ng lahat? Hindi ka ba naaawa sa kaniya?” nangongonsensyang sulsol ni Jefferson.

“Bakit kasi ako?!” irap niya sa lalaki.

“Kasi ikaw ang kaniyang destiny, kaya ikaw ang napili niyang groom,” natatawang segunda ni Dave.

Sabagay… laro lang naman ang lahat at totoong hindi kaya ng konsensya niyang paghintayin si Nova sa altar at mas lalong ayaw niya itong mapahiya. Kaya imbes na mag-inarte pa’y pumayag na siyang maging groom ng dalaga at binabawi na niya ang naging desisyon kaninang huwag itong siputin.

“Nandito na pala ang groom mo, Nova.” Kinikilig na wika ni Nancy.

Alam nilang lahat na binabae si Joshua at kunwari lamang ang kasal-kasalang iyon. Ngunit hindi kayang ipaliwanag ni Nova ang nangyayari, dahil nakakaramdam siya ng kilig at sa kabilang banda’y natatawa sa nangyayari. Sa suot ni Joshua na pormal na damit ay nagmukha itong tunay na lalaki na walang bahid ng pagkalambot.

“Handa na ba ang bride ko?” ani Joshua.

Nang tuluyang makalapit sa pwesto ni Nova. Pinilit nitong patigasin at buoin ang boses upang mag-boses tunay na lalaki, pero maya maya rin ay agad na napangiwi at nangisay na animo’y nandidiri, kaya hindi niya maiwasang matawa ng malakas, sabay palo sa balikat nito.

“Bawal kang maging b@kla ngayon, dahil ikaw ang groom ko. Kaya umayos ka!” natatawang babala ni Nova.

Agad namang tumango si Joshua at tumayo nang tuwid na animo’y isang barako. Kaso paminsan-minsan ay lumalabas talaga ang pagiging malambot nito. Lalo na noong kunwari inutusan na sila ng pari na mag-kiss bilang tanda na sila’y mag-asawa na.

Malakas na hiyawan at tawanan ng buong campus na lamang ang maririnig sa buong paligid. Kinikilig at natatawa sa nangyayari. Isang binabae at magandang dilag… ikinasal.

Ngunit kahit ganoon pa man ay masaya si Joshua dahil kahit kunwa-kunwarian lang ay naikasal siya sa babaeng labis niyang hinahangaan, at hanggang doon na lamang iyon. Hinalikan niya sa pisngi si Nova at agad na nangisay sa kilig na may kasamang pandidiri. Isang malakas na tawanan na ang sumunod na nangyari.

Advertisement