Inday TrendingInday Trending
Hindi Naniniwala ang Dalaga sa Pag-Ibig at Panghabambuhay na Pagsasama; May Lalaki pa Kayang Sumeryoso sa Kaniya?

Hindi Naniniwala ang Dalaga sa Pag-Ibig at Panghabambuhay na Pagsasama; May Lalaki pa Kayang Sumeryoso sa Kaniya?

Habang nasa isang dinner date ay in-order ni Glenda ang lahat ng pagkaing kaniyang gusto at walang kahiya-hiyang kinain iyon lahat sa harapan ng kaniyang manliligaw na si Blast.

Apat na buwan na rin ang lumilipas mula noong nagsimulang manligaw ang binata sa kaniya. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito sumusuko sa panliligaw sa kaniya. Hinihintay niya lamang na sumuko ito at umatras sa panliligaw, at halos lahat ng nakakadismayang ugali’y kaniya nang ipinakita, ngunit hanggang ngayon ay nandito pa rin ang binata.

“Dahan-dahan lang, Glenda, baka kasi mabulunan ka,” ani Blast. Halata ang pinipigilang pagtawa.

Hindi pagkadismaya ang nababasa niyang sinasabi ng mga mata nito, kung ‘di pagkaaliw pa kaya medyo naiinis na siya dahil ano pa bang paraan ang gagawin niya para lang umatras na ito sa panliligaw?

Nauubusan na siya ng mga gagawin pang panghihiya sa sarili. Halos lahat kasi’y kaniya nang ginawa. Nagmumura nang malutong sa harapan nito, kahit na ilang beses na nitong sinabi na ayaw nito sa babaeng palamura ay kaniya pa ring ginagawa. Umutot sa harap ng lalaki. Umiinom ng alak at kung ano-ano pa. Pero hindi pa rin ito nadidismaya sa kaniya.

Nang matapos kumain ay nagdesisyon muna silang maglakad-lakad sa pinakamalapit na parke. Apat na buwang mahigit na ring nanliligaw si Blast sa kaniya at baka ito na ang oras para ibigay niya ang kaniyang sagot.

“Blast.” Mahina niyang tawag sa pangalan nito. “Ano bang nakita mo sa’kin bakit mo ako gusto?” tanong niya.

Deretso ang mga tingin niya sa mata ng binata at nais niyang malaman kung ano ang totoong sagot nito. Hindi siya naniniwala sa pag-ibig at panghabambuhay na pagsasama dahil kahit ang lolo’t lola niya, pati na mga magulang niya’y hindi nagtagumpay sa bagay na iyon. Laki siya sa isang wasak na pamilya.

Nasaksihan niya na lahat ng mga failed marriages kumbaga, at iyon ang naging dahilan kaya isang anti-bride ang tawag niya sa sarili. Hindi siya naniniwala sa pag-ibig, sa pagsasamang panghabambuhay, at lalo na sa kasal. Pakiramdam niya’y hindi iyon para sa kaniya— sa lahi nila.

“Hindi ko rin alam, Glenda,” seryosong wika ni Blast. “Basta ang alam ko’y gusto kita, gustong-gusto talaga kita. Ilang beses mo nang ipinaramdam sa’kin na hindi ikaw ang babaeng nababagay para sa kagaya ko, pero ikaw talaga ang hinahanap ng puso ko.”

Gustong maiyak ni Glenda dahil sa sinasabi ng binata. Posible ba talagang mahal siya ng lalaki kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin ito umaayaw sa kaniya? Posibleng ngayon ay mahal siya ng lalaki, at baka bukas mawala rin iyon.

“Alam kong takot kang magmahal, Glenda, pero bakit hindi mo subukang sumugal? Ang pag-ibig ay parang isang sugal, kung hindi ka tataya, hindi mo malalaman kung matatalo ka ba o mananalo,” ani Blast.

“Paano kung matalo ako, Blast, sa dulo?” alanganin niyang tanong.

“Malalaman mo iyan kung nandoon na tayo,” sagot nito. “Ang mahalaga kahit ano pa man ang mangyaring resulta sa dulo, at least sumubok tayo, Glenda. Hindi ko man kayang ipangako ang lahat, ang kaya ko lang ibigay na pangakong panghahawakan mo’y mamahalin kita kahit ano pa man ang mangyari sa’ting dalawa. Mamahalin kita ngayong ganyan, mamahalin kita kapag dumating ang araw na hindi na kita maintindihan at mamahalin kita kahit kumupas ang gandang mayroon ka ngayon, dahil mahal talaga kita, Glenda, sa paraang hindi ko rin talaga kayang ipaliwanag,” mahabang pag-amin ni Blast.

Gumalaw ang braso ni Glenda upang yakapin si Blast. Tama ito… paano niya malalaman ang resulta kung hindi siya susugal o susubok na mahalin rin ito. Paano niya malalaman kung ito na pala ang lalaking para sa kaniya kung una pa lang ay ititinataboy niya na ito palayo.

“Susubok ako, Blast, susugal ako, kahit na sa totoo lang ay natatakot ako sa pwedeng kahantungan ng relasyon natin,” ani Glenda, hindi na kayang pigilan ang luhang kanina pa nais mag-unahan.

“Iingatan ko ang puso mo, Glenda.”

Isang malalim na pangakong panghabambuhay na panghahawakan ng dalagang si Glenda.

Apat na taon na ang nakakalipas mula noong sinagot ni Glenda si Blast at ngayon nga’y ikakasal na silang dalawa. Totoong walang perpektong relasyon, hindi araw-araw ay masaya, at hindi araw-araw ay puro lambingan lang ang mangyayari sa dalawang nagmamahalan. Dumadating sa puntong magkakasawaan at puro problema na lang, pero dahil mahal niyo ang isa’t isa, kailangan mong piliin ang palaging makasama ang taong mahal mo.

Maraming beses na niyang napatunayan na mahal siya ni Blast at kung anuman ang mangyayari pa’y handa siyang sumugal nang sumugal para sa lalaki. Pinipili mo ang iyong kapalaran at kung sino ang iyong makakatadhana, at si Blast ang pinipili niyang lalaking habambuhay niyang mamahalin.

“I love you, Glenda,” malambing na usal ni Blast, matapos iabot ang kamay ng kaniyang bride.

“I love you more, Blast,” tugon naman ng dalaga saka hinalakan ang groom.

Agad na naghiyawan ang mga tao sa paligid. Hindi pa man nagsasabi ang pari ng “you may now kiss the bride” ay ang bride na mismo ang humalik sa groom!

Advertisement