Inday TrendingInday Trending
Silang Mag-Asawa ang Nagpalaki sa Bata Mula Noong Abandonahin Ito; May Karapatan ba Silang Ipaglaban Ito Ngayong Kinukuha na ng Ina?

Silang Mag-Asawa ang Nagpalaki sa Bata Mula Noong Abandonahin Ito; May Karapatan ba Silang Ipaglaban Ito Ngayong Kinukuha na ng Ina?

“Hindi ako papayag sa gusto ni Wilma na ibigay na lang basta-basta sa kaniya si Andre! Iniwan niya lang basta-basta ‘yong bata noon tapos ngayong gusto niyang makuha’y gano’n-gano’n na lang? Hindi ako pumapayag! Kung kinakailangang umabot sa husgado, aabot tayo roon, basta hindi pwede ang gusto niyang mangyari!” galit at nanggigigil na litanya ni Mang Alex.

Nagpunta kasi sa bahay nila kanina si Wilma, ang totoong ina ng ampon nilang si Andre at nakikiusap itong ibalik sa kaniya ang anak na matagal na nawalay sa kaniya. Dalawang buwan pa lang noon si Andre nang iwanan ito ng ina na parang bagong silang na aso, na matapos ilabas mula sa sinapupunan ay basta-basta na lang nitong iniwan sa inuupahang bahay.

Nangungupahan nila noon si Wilma, buntis na ito nang makilala nila. Ilang buwan din itong nangupahan sa pinapaupahan nila nang isang araw ay bigla na lang itong nawala at hindi nila alam kung saan nagpunta. Narinig na lamang nila ang malakas na iyak ng sanggol na iniwan nitong mag-isa sa loob ng kwarto nito.

Umaasa sila noon na hindi iniwan ni Wilma ang anak na mag-isa at baka may binili lamang ito sa labas. Ngunit lumipas ang ilang taon ay hindi na tuluyang nagpakita ang babae, kaya nagdesisyon silang mag-asawa na legal nilang ampunin ang bata at ipinangalan nila ito sa apelyido nila.

Kaya masakit para sa kanilang mag-asawa ang gagawin ni Wilma na basta-basta na lamang nitong kukunin ang anak nitong basta na lang nito iniwan nito makalipas ang labing pitong taon ay saka lang ito nagpakita at sasabihing handa na itong maging ina sa anak na matagal nang kinalimutan.

“Pero siya ang tunay na ina ni Andre, Alex,” umiiyak na sambit ni Aling Yshang, ang asawa ni Mang Alex. “Ayoko rin ibigay si Andre, dahil napamahal na siya sa’tin, pero ano’ng laban natin? Siya ang tunay na ina,” hagulhol pa nito.

“Legal nating inampon si Andre, Yshang! Legal natin siyang anak kahit na ba hindi talaga siya nanggaling sa’tin! Minahal natin siya at inaruga na parang tunay na atin, at sapat na iyon upang panigan tayo ng husgado!” ani Mang Alex.

“Pero ang anak nating si Andre ang mas mahihirapan, Alex. Siya ang maiipit sa gulong mangyayari, at ayokong mangyari iyon sa bata,” umiiyak pa ring wika ni Aling Yshang.

Hindi na alam ni Mang Alex kung ano ang kailangan niyang gawin. Ayaw niyang ibigay si Andre, at gusto niyang labanan ang tunay nitong ina. Pero tama rin ang kaniyang asawa na si Andre ang mas mahihirapan sa lahat.

Hindi naman nila inilihim kay Andre kung ano ang tunay niting pagkatao kaya ngayong bumabalik na ang tunay nitong ina at gustong makipag-konek sa kanya’y hindi na nagulat pa ang binata. Ayaw niyang iwanan ang papa at mama na kinalakihan niya, ngunit sa kabilang banda ay nais niya ring makilala ang tunay na ina. Kaya nahihirapan siyang magdesisyon.

Masinsinang kinausap nina Mang Alex at Aling Yshang ang anak na si Andre at napagkasunduan nilang ibalik na lamang ang anak sa totoo nitong ina. Nangako naman ang binatang dadalaw-dalawin palagi ang kinalakihang magulang. Gusto lamang niyang pagbigyan ang pakiusap ng ina na makasama ito at mas makilala pa nila ang isa’t-isa.

Habang nakakasama ni Andre ang totoong ina ay mas namimiss niya ang presensya ng kinalakihan niyang magulang. Namimiss niya ang luto ng Mama Yshang niya, at namimiss niyang kakwentuhan ang kaniyang Papa Alex. Hinahanap-hanap niya palagi ang presensya ng dalawa, kaysa sa kaniyang tunay na ina.

“Anak, may problema ka ba?” usisa ni Wilma sa nananahimik na anak.

Mag-iisang buwan na rin mula noong nakuha niya si Andre sa poder ng kinalakihan nitong magulang. At totoong hanggang ngayon ay pinapakibagayan niya pa rin ang ugali ng sariling anak. Maraming siyang hindi alam na ugali ng anak, marami siyang nalampasan tungkol rito, dahil sanggol pa lang ito noong iniwan niya.

Siya ang nanay at totoong kadugo nito, pero pakiramdam niya’y ibang tao siya para sa anak. At may kaunti sa puso niya ang nasasaktan na hindi niya pwedeng isisi at isumbat sa anak. Kasalanan niya kung bakit kay layo ng loob nito sa kaniya.

“Ma, pwede na po ba akong umuwi kila Mama Yshang at Papa Alex?” tanong nito. “Miss na miss ko na po kasi sila, ma.”

Gustong humagulhol ng iyak ni Wilma. Mas namimiss nito ang mga taong hindi nito kadugo kaysa sa kaniya.

“‘Ma, huwag po sana kayong magtatampo, pero mas mabigat po kasi sa puso ko ang kinalakihan kong mga magulang, sorry po talaga, ‘ma.” Humihinging pasensyang yumuko si Andre.

“Mula po kasi pagkabata sila na ang nakasama ko’t itinuring na mama at papa. Hindi po nila kailanman inilihim sa’kin kung ano ako, ‘ma, palagi nga nilang ipinapakita ang nag-iisa mong litratong mayroon sila, upang ipaalala na ikaw ang tunay kong mama,” anito.

“Pero ni minsan, hindi pinaramdam ni mama at papa na ampon ako at hindi kasama sa pamilya, kahit ‘yong iba kong kapatid, mahal na mahal nila ako kahit alam nilanb hindi ko sila tunay na kapatid at miss na miss ko na po silang lahat.” Hagulhol nito. “Gusto ko na silang makita at makasamang lahat,” dugtong ni Andre.

Umiiyak na kinabig ni Wilma ang anak at mahigpit na niyakap. Ngayon niya mas nakumpirma, na simula noong araw na nagdesisyong siyang iwanan ang anak sa inuupahang bahay ay hindi niya ito pag-aari, dahil pag-aari na ito ng mga taong nakasama nito sa maraming taon.

Pinayagan na niya itong bumalik sa poder nina Alex at Yshang at nakita niya ang masayang mukha ng anak nang makita nitong muli ang kinalakihang pamilya. Ibinigay na niya ulit ito sa pamilyang nakasanayan na nito, ngunit isa lamang ang naging pakiusap niya… iyon ay hayaan siyang makasama kahit paminsan-minsan ang anak, na agad namang sinang-ayunan ng mababait na mag-asawa.

Kahit papaano’y nagpapasalamat pa rin siya dahil napalaki nina Alex at Yshang ang anak niya. Minahal at inaruga ng dalawa ang sanggol na iniwan niya labing pitong taon na ang nakakalipas.

Advertisement