Ilang Buwan Mula Noong Naghiwalay Sila ng Mister ay may Iba na Ito; May Galit nga ba Siya sa Dating Asawa?
Nagimbal ang lahat ng malalapit sa kanila nang malamang naghiwalay na sila ng kaniyang asawang si Jerico. Hindi makapaniwala ang iilan dahil ayon nga sa malalapit nilang kaibigan ay mahal na mahal siya ng asawa, at wala silang ibang makitang dahilan para maging sanhi ng pagtatapos ng kanilang relasyon.
Ngunit imbes na magsalita ay mas pinili ni Mia ang manahimik at huwag magpaliwanag sa kahit na sino. Kung anuman ang naging dahilan nilang mag-asawa’y sa kanila na lang muna iyon. Nirespeto naman iyon ng malalapit nilang kaibigan at pati na rin ng kani-kanilang kamag-anak.
Ngunit muling nagimbal ang pananahimik ng lahat nang mabalitaan nilang may ibang nililigawan na raw ang kaniyang nobya.
“Sa mga kilos at galaw nila’y hindi ko kayang isipin na nanliligaw pa lang si Jerico sa babaeng iyon, Mia. Ang hinala ko’y sila na talagang dalawa ang magkasintahan. Ano ba kasing naging dahilan ng paghihiwalay niyo?” usisa na Lira, isa sa matalik niyang kaibigan.
“Bakit ba kasi ayaw mo pang sabihin sa’min ang dahilan, Mia? Pino-protektahan mo pa rin ‘yong asawa mo— este dating asawa pala.” Gigil na litanya ni Maxine.
Isang malalim na buntong hininga lamang ang pinakawalan ni Mia saka muling ipinagpatuloy ang paglalaba. Tulog ang tatlo niyang anak kaya sinamantala niya iyon upang magbawas ng labahan. Hindi naman niya inaasahang dadating ang dalawang kaibigan para lang mag-usisa at mangulit sa kaniya.
“Hoy, Mia!” untag ni Lira. “Ganyan ka na lang? Wala kang ibang reaksyon? Hindi ka magsasalita?”
“Ano bang gusto niyong malaman?” bagot niyang tugon.
“Lahat! Kung ano ang nangyari? Kung bakit bigla na lang kayong naghiwalay ng asawa mo? At anong nararamdaman mo ngayon? Lahat! Kaya sabihin mo na, ilabas mo iyang nasa loob mo, Mia. Huwag mong kimkimin,” ani Maxine.
Isang manipis na ngiti lamang ang gumuhit sa mukha ni Mia at saka binitawan ang damit at tumayo sa harapan ng labahin upang harapin ang mga kaibigan.
“Ano bang nakita niyong itsura ni Jerico noong nakita niyo siya? Masaya ba o malungkot?” tanong niya.
Agad namang nagsalubong ang kilay nina Lira at Maxinesa naging tanong niya.
“Seryoso? Bakit kailangan mo pang malaman ang bagay na iyan?” takang tanong ni Lira.
Nagkibit-balikat lamang siya kaya muling nagsalita ang kaibigan.
“Masaya… sobrang saya ng mukha niya. Hindi ko man lang nakita sa mukha niyang nahihirapan siya o nasasaktan siya sa pagkahiwalay niyo. Masaya ang awra niya at parang balewala ka na lang sa kaniya. Iyon ang nakita ko sa mukha ni Jerico,” ani Lira.
Hindi niya intensyong saktan ang kaibigan, pero iyon ang totoong nakita niyang awra ni Jerico habang kasama nito ang bagong hinihinala nilang nobya.
“Kung gano’n ay masaya ako para sa kaniya,” ani Mia.
Agad namang pumalag ang dalawa sa sinabi niya at tinanong siya kung bakit.
“Kasi hangad ko ang kaligayahan niya, Lira at Maxine. At sa nalaman ko’y masaya ako na masaya na ngayon si Jerico, at iyon talaga ang hinahangad ko para sa kaniya. Hindi ako kailanman nagalit sa dati kong asawa, o sa tatay ng mga anak ko. Pareho naming naging desisyon ang paghihiwalay na ito, dahil hindi na maganda ang pagsasama namin.”
Umpisang paliwanag ni Mia, upang maklaro na isyung dapat ay matagal nang nawala.
“Walang nagloko, at hindi ako kailanman pinagbuhatan ng kamay ni Jerico, sadyang naisip lang namin na maraming bagay ang hindi pala namin napagkakasunduan. Marami pa pala kaming hindi alam sa isa’t-isa at napagtanto rin namin na hindi talaga kami ang panghabang-buhay.” Mapait na ngumiti si Mia.
“Kaya nagdesisyon akong makipaghiwalay sa kaniya, at sinang-ayunan niya iyon. Hindi ko kailangang ipilit ang relasyon na hindi talaga kayang mag-work kahit na anong pilit naming gawin. Pero kahit gano’n ang nangyari sa relasyon namin ay mananatili ang pagiging magulang namin sa tatlo naming anak. Kahit hindi kami nagtagumpay bilang mag-asawa, hindi ko hahayaan na pati sa pagiging magulang ay mabigo pa kaming dalawa,” dugtong ni Mia.
Hindi makapagsalita ang dalawa niyang kaibigan. Nalulungkot ang mga ito sa nangyari, ngunit naroroon ang dalawa uoang damayan si Mia. Hindi madali ang naging desisyon nito at alam nilang kahit hindi sabihin ni Mia ay nasasaktan rin ito sa nangyayari.
“Kaya wala akong ibang hinangad kung ‘di sana’y maging masaya si Jerico, kahit ang kasiyahan na iyon ay hindi na ako kasama. Kasi kapag nakita ng mga anak ko na masaya ang papa nila, magiging masaya rin sila at mas magiging masaya ako kapag nakita ko ang mga anak ko na masaya. Kaya anong silbi ng galit? Magagalit ako, isusumpa ko si Jerico, dahil ang bilis niyang nakahanap ng iba. Kapag nakita ako ng mga anak ko, magagalit rin sila sa papa nila, ‘di ba? Mas naging kumplikado pa tuloy ang lahat,” ani Mia saka tipid na tumawa.
“Bakit kailangan kong pahirapan ang mga anak ko? Nahirapan na nga silang intindihin kung bakit hindi na nakatira rito ang papa nila, tataniman ko pa ba sila ng galit? Huwag na! Mas gusto ko ng tahimik na buhay kasama ang mga anak ko.”
Mahirap tanggapin na ang taong labis mong minahal noon, ngayon ay hindi na parte ng buhay mo. Mahirap din ipaliwanag sa mga inosenteng bata kung bakit may mga magulang na kailangang maghiwalay ng landas. Pero kahit gano’n huwag maging makasarili. Hindi kailanman karapatdapat ang mga anak sa hirap at gulo ng mag-asawang mas piniling maghiwalay.
Piliin niyo pa ring maging mabuting magulang sa mga anak niyo, kahit na hindi niyo napagtagumpayan ang pagiging mabuting asawa sa isa’t isa.