Pinagtawanan ng mga Kaklase ang Dalagang Nagbebenta Lamang ng Basahan Noon; Gulat Sila sa Biglaang Pagyaman Nito
Tandang tanda pa ni Denise ang mga mukha ng mga taong nanghusga ng kaniyang pagkatao noong siya ay nasa hayskul pa lamang. Bukod kasi sa kaniyang bag at malaking sobre na naglalaman ng kaniyang mga libro, bitbit niya rin ang isang malaking plastik na naglalaman ng mga basahan.
Sa tuwing mag-uuwian na, imbes na dumiretso ng bahay, humahanap ng pwesto si Denise sa tapat ng kanilang eskwelahan. Sa pwesto ring iyon niya kakainin ang baong tanghalian na itlog at kanin habang matiyagang inaalok sa mga dumaraan ang mga basahang dala.
Pagbabasahan kasi ang negosyo ng kaniyang pamilya. Paggawa lamang ng basahan mula sa mga patapong tela na binibili ng kaniyang ama ang tanging pinagkukunan ng kanilang panggastos sa araw-araw. Dahil sa nagkasakit na rin ang kaniyang ama sa tuhod, napilitang akuin ni Denise ang pagbebenta ng mga basahan habang gumagawa sa kanilang bahay ang mga magulang.
Gayunpaman, sa kabila ng lahat ng kaniyang sipag at tiyaga, wala siyang natanggap kundi ang kutya at katatawanan mula sa mga kaklase pati na sa mga kaibigan. May mga pagkakataong malakas siyang pagtawanan ng mga iyon habang nakaupo siya sa gilid ng eskwelahan at ibina-balandra ang kaniyang mga basahan.
Makalipas ang mahigit apat na taon, halos lahat ng kaniyang mga kaklase noon ay nagsipagtapos ng magagandang kurso. Ang iba ay matagumpay ng akawntant, may ibang nakapag-ibang bansa na bilang nars at mayroon na ring mga guro. Subalit habang matagumpay na ang buhay ng mga kaklase niya, nananatili si Denise bilang tagabenta ng mga basahan.
Isang gabi, napanood ni Denise ang isang banyaga kung saan nagbebenta ito ng mga basahan at mga lumang gamit. Ito ay sa pamamagitan lamang ng pagla-live. Sa harap ng kaniyang selpon ay isa isa niyang dini-disenyo ang mga binebentang gamit. Nang makita ito ng dalaga, naging buo kaagad ang kaniyang pasiya upang gayahin ang kaniyang napanood.
Kinabukasan, agad niyang kinolekta ang mga basahan na mayroong magagandang disenyo at kulay. Inisa-isa niya itong sinabit sa kaniyang silid at bumili pa ng magandang ilaw. At ilang oras lamang, agad niyang kinargahan ng pang internet ang selpon at sinimulan ang pagbebenta ng mga basahan.
“Bili na ho kayo diyan! Ito po gawa po ito mismo ng aking tatay at nanay. Murang mura lang naman po. Bili na po, pakilagay na lamang ang inyong komento,” alok ni Denise habang nakatapat sa kaniyang selpon.
Nagpatuloy ang ganitong gawain ni Denise kahit pa paisa-isa lamang ang nabili sa kaniya. Alam niyang balang araw ay maaabot niya rin ang rurok ng tagumpay kung palagi lamang siyang magtitiyaga. Dumaan pa ang mga araw at kung minsan pa nga ay walang nanonood sa kaniya. Inaabot lamang siya ng isa’t kalahating oras sa tuwing magbebenta siya sa online dahil kailangan pa rin niyang ilako ang mga basahan upang maubos ito.
Isang hapon, habang siya ay nagbebenta sa online, isa sa kaniyang mga kaklase ang nanood. Ang taong ito ay ikinalat ang kaniyang live hanggang sa dumami ang mga kaklase nilang nanonood rito.
“Siya yung nagbebenta ng basahan sa iskul dati, hindi ba?”
“Grabe naman hanggang ngayon basahan pa rin. Hindi na umasenso. Tsk!”
“Ganiyan talaga kapag walang pangarap sa buhay at hindi nakapagtapos.”
Ilan lamang ang mga iyang sa mga komentong kaniyang nabasa ng hapon na iyon. Isang komento ang hindi na nakapagpigil pang magpaiyak kay Denise.
“Kilala ko ‘yang babaeng ‘yan. Walang kwenta kasi mga magulang niyan kaya hanggang ganiyan na lang ang buhay niyan nila. Walang pagbabago,” anang isa sa mga nagkomento sa kaniyang live.
Tumulo ang mga luha ni Denise sa kaniyang nabasa. Ilang minuto lamang at itinigil na rin niya ito. Buong gabi, walang ibang inisip si Denise kundi ang magpatuloy sa kaniyang buhay para sa kaniyang mga magulang na may sakit at para na rin sa kaniya.
“Kung hindi ito para sa akin, sa kalye na lang ako magtitinda. Kaya ko ‘to!” pag-aalo ng dalaga sa kaniyang sarili.
Ilang sandali pa at muling lumabas si Denise ng kaniyang silid bitbit ang mga basahang naka-disenyo. Balak na kasi niyang itigil ang pagbebenta online dahil wala naman siyang napala kundi mga komentong hindi nakakatulong sa kaniya. Sa lahat ng kaniyang desisyon, palagi lamang nakasuporta ang kaniyang mga magulang na lubos siyang ipinagmamalaki.
Kinabukasan, agad na sinilid ni Denise ang kaniyang mga basahan sa isang malaking plastik bag. Sa kaniyang paglalakad sa kalsada, laking pagtataka niya dahil maraming mga tao ang nakatingin sa kaniya. Pinunasan pa nga niya ang kaniyang mukha sa pag-aakalang may dumi o anuman rito subalit wala naman. Sa kaniyang pagpapatuloy, isang grupo ng mga kabataan ang lumapit.
“Ate, pwede po ba magpakuha ng larawan?” masayang wika nito sa kaniya. Isa pa ring palaisipan para kay Denise kung ano ang nangyayari.
“A-ako? Oh, sige. Sige lang,” nagtatakang tugon ng dalaga.
Matapos magpakuha ng litrato, bumili rin ng basahan ang mga kabataang iyon. Doon rin napag-alaman ni Denise na umabot na pala sa milyon milyon ang mga nakakita ng kaniyang bidyo habang siya ay nagbebenta online.
Mabilis na naubos ang mga basahan ni Denise noong araw na iyon. Pagod rin ang kaniyang mukha dahil kakangiti sa mga taong nagpapakuha ng litrato sa kaniya. Nang siya ay makauwi, masaya niyang ibinalita sa mga magulang na naubos na niya ang lahat ng kaniyang mga paninda sa araw na iyon.
Muling pumasok si Denise sa kaniyang silid at tinignan ang kaniyang bidyo. Naantig ang puso ni Denise sa mga mabubuting komento na naroon. Muli siyang nagkaroon ng lakas ng loob upang magbenta ulit online dahil marami ang nagtatanong.
Sa muling pagharap ni Denise sa kaniyang selpon, libu-libo ang mga taong nanood at bumili ng kaniyang mga basahan. Marami rin ang nagpaabot lamang ng tulong sa kaniya. May iilan pa ring mga taong nagbabato ng masasamang komento subalit wala na itong epekto sa dalaga.
Pagkalipas ng mahigit dalawang taon, isa-isa nang lumalapit kay Denise ang kaniyang mga kaklase noon. Ito ay matapos makapagpatayo ni Denise ng maraming pagawaan ng mga basahan at iilang mga negosyo na nagbebenta ng mga damit. Nagtagumpay ang noon ay batang nagtitinda lamang ng basahan. Laking pasasalamat ni Denise na ang lahat ng kaniyang binuhos na sipag at tiyaga, ngayon ay nasuklian na ng mas higit pa sa kailangan nila ng kaniyang pamilya.