Inday TrendingInday Trending
Ayaw Maniwala ng Dalaga sa Sakit na Kumakalat Kung Kaya’t Patuloy ang Lakwatsa Niya; Mapatunayan Kaya Niyang Haka-Haka Lamang ang Sakit?

Ayaw Maniwala ng Dalaga sa Sakit na Kumakalat Kung Kaya’t Patuloy ang Lakwatsa Niya; Mapatunayan Kaya Niyang Haka-Haka Lamang ang Sakit?

“Hoy, Tessie! Ayan ka na naman sa lakwatsa mo ha! Yung mga plato tambak na at hindi mo pa rin hinuhugasan hanggang ngayon,” sigaw ni Aling Evelyn sa kaniyang labing anim na taong gulang na anak na si Tessie.

Simula kasi alas singko ng hapon hanggang madaling araw ay wala itong inatupag kundi ang magbulakbol at tumambay sa kung saan saan. Minsan ay nasa kanilang barangay lamang at kung minsan naman ay dumadayo pa ito sa ibang bayan. Subalit sakit man sa ulo ang dalaga, hindi ito magawang itakwil ng kaniyang lola dahil wala na itong mga magulang.

Parehong may mga bagong pamilya na ang ama’t ina ni Tessie. Naghiwalay ang kaniyang mga magulang noong siya ay musmos pa lamang. Simula noon, ang lola na lamang niya ang nagpalaki at nag-aruga sa kaniya. Patuloy pa rin naman ang suportang pinansiyal ng kaniyang mga magulang kaya’t patuloy silang nakakakain sa araw-araw.

“Oho, ‘la! Mamaya po pagbalik ko, saglit lang ako!” tugon naman ng dalaga sa kaniyang lola at mabilis na tumakbo palabas ng kanilang eskinita.

Sa kaniyang pagtambay, tumpok tumpok na naman ang mga magbabarkada sa kanilang barangay. Maraming mga tao sa kanilang lugar ang palaging nagpapaalala kina Tessie na mag-iingat sila dahil sa sakit na kumakalat ngayong pandemya. Subalit pinakikinggan lamang nila ang mga payong iyon at inilalabas din naman kaagad sa kabilang tenga.

“Sus! Panakot lang sa’tin ‘yang sakit sakit na ‘yan! Hindi talaga iyan totoo. Panakot lang ‘yan sa’tin ng mga matatanda at ng gobyerno para hindi tayo lumabas,” ani ng isa sa mga kaibigan ni Tessie.

“Tama ka diyan, sis! Akala yata nila matatakot tayo. Aba! Anong sakit sakit? Hindi ‘yan totoo!” sagot naman ni Tessie habang ngumingisi ngisi pa. Nagpatuloy ang gabi ni Tessie at nakauwi ng halos maga-alas dos na ng madaling araw.

Kinabukasan, pagmulat ng mga mata ni Tessie, agad niyang naalala ang mga hugasin na iniuutos ng kaniyang lola. Nang makita niya ang lababo, malinis na ito at wala ng mga maruming plato. Hinanap niya sa kanilang bahay ang lola at nakita itong nakaupo sa kanilang likuran. Niyakap niya ang matanda nang mahigpit at binati ito ng magandang umaga.

“Anong umaga? Nakita mo ba kung anong oras na? Hapon na ‘neng!” singhal naman ni Aling Evelyn sa kaniyang apo.

“Lola naman. Nilalambing lang naman kayo ang sungit sungit mo pa! Magandang umaga sa lola kong pinakamabait!” patuloy pa na pambobola ng dalaga sa kaniyang matandang lola.

“Ikaw ha, tigil tigilan mo na pagtambay mo diyan sa labasan. Kung saan saan ka nagpupunta hindi kita mahanap kapag gabi. Kapag ikaw talaga nagkasakit diyan,” banta naman ng kaniyang lola.

“Lola, mahigit isang taon na nila sinasabing may pandemya. At isang taon mahigit na rin naman na hindi ako tumitigil sa paglabas ko. Tingnan niyo naman ako, malusog, walang sakit! Kaya huwag ka ng kabado diyan. Haka-haka lang ‘yang sakit na ‘yan!” paliwanag naman ni Tessie sa kaniyang lola. Hindi naman tumigili si Aling Evelyn na pagbawalan na ang dalaga. Subalit lubhang matigas ang ulo nito at tinatakasan pa siya pagpatak pa lamang ng alas singko ng hapon.

Kinagabihan, sa kalagitnaan ng kanilang pagtambay, bigla na lamang nila nakita ang kulay asul at pulang ilaw. Kasabay nito ay ang malakas na wang wang- hudyat na paparating na ang mga pulis.

Mabilis na nagsikalat ang mga tambay sa kalsada at kani-kaniya rin sila ng takbo at tago. Habang si Tessie naman kasama ng kaniyang kaibigan ay napadpad sa isang bakuran kung saan hindi ito nilalapitan ng sinuman sa kanilang barangay dahil nakabukod ang pamilyang nakatira rito. Pinaghihinalaan kasing nakuha ng pamilya ang sakit na nakakahawa kung kaya’t ang lahat ay nilalayuan ang mga ito.

Nang mapansin ng dalawa ang kanilang kinalalagyan, mabilis na nataranta ang kaniyang kaibigan dahil natakot itong mahawaan ng sakit. Tumakbo ito palabas ng bakuran at sakto namang dumaan ang mga pulis kung kaya’t nahuli ito. Naiwan doon si Tessie na nagtatago.

Makalipas ang ilan pang mga minuto, patuloy pa rin ang mga pulis sa paghahanap ng mga tambay sa kalsada na nagsipag tago raw. Nang makita ni Tessie na palapit ang mga pulis sa bakuran, agad siyang tumakbo papasok sa loob ng bahay nang mapansin na bukas ang pinto nito. Nagpalipas ng halos dalawang oras si Tessie sa loob ng bahay at kumuha pa ng tubig at uminom doon.

Siniguro naman ni Tessie na wala ng mga pulis sa labas bago siya bumalik sa kanilang tambayan. Nang makita niya ang pwesto nila, simangot pa ang dalaga dahil nagsi uwian na pala ang lahat. Kaya kahit maaga pa, napilitan na lamang na umuwi si Tessie.

Lumipas ang mga araw at patuloy sa paggagala ang dalagita kasama ang kaniyang mga kaibigan. Laking pagmamayabang din niya na hindi naman daw siya nagkakasakit gayong pumasok pa siya sa loob ng bahay ng pamilyang may sakit daw.

Pagkaraan ng dalawang linggo, gulantang ang reaksiyon ni Tessie nang makita ang kaniyang lola na kahit hapon na ay hindi ito lumalabas ng kaniyang silid. Pinakiramdaman niya ito at napansin niya ang mainit nitong temperatura. Hirap din makahinga ang matanda kung kaya’t tumawag na siya kaagad ng tulong upang maihatid sa ospital ang lola.

Dahil hindi pa maaaring magpunta sa ospital si Tessie, sa selpon lamang niya nakakausap ang matanda. Laking gulat ng dalagita nang sabihin ng doktor na nahawa na rin ng sakit ang matanda. Nagbalik lamang sa alaala ni Tessie ang kaniyang ginawa sa loob ng bahay ng pamilyang may sakit.

“’La, sorry po. Sorry po talaga…” atungal naman ni Tessie habang kausap sa selpon ang kaniyang lolang nanghihina na.

“Ssh. Tahan na, apo ko. Wala kang kasalanan… Huwag mong sisisihin ang sarili mo. Tandaan mo palagi na mahal na mahal ka ng lola,” mabagal na sambit ng kaniyang lola bago ito tuluyang malagutan ng hininga.

Sa muling pagkikita nina Tessie at Aling Evelyn, bumuhos ang luha at matinding emosyon ng dalagita dahil tanging abo na lamang ng lola ang kaniyang mayayakap. Bumaha ng luha habang inililibing sa lupa ang mga abo ng kaniyang lola. Laking pagsisisi ni Tessie na hindi siya naniwala sa sakit at patuloy na naging matigas ang ulo. Simula noon, kinuha na si Tessie ng kaniyang ina. Subalit patuloy na tatatak sa puso’t isipan ng dalaga ang kasalanan na kailanman ay hindi na niya kayang maitama pa.

Advertisement