Hinamak ng Magkumare ang Pinakamatalinong Dating Kaklase sa Pagiging Tindera Nito; Mapapahiya Sila sa Kanilang Malalaman
Nagpunta ng Divisoria ang magkaibigang Sonya at Mildred upang mamili ng mga gamit sa bahay. Kakalipat lang kasi ni Sonya at nagpasama siya sa kaniyang kaibigan para puntahan ang mga bilihan ng sosyal na kurtina pero sa murang halaga lang.
“Grabe, napakarami pala talagang tao dito sa Divisoria. Kung hindi lang ako makakatipid tulad ng sinasabi mo ay hindi ako pupunta rito!” saad ni Sonya kay Mildred.
“Magtiwala ka sa akin. Malaki ang matitipid mo dito sa Divisoria. Saka sa mall din naman tayo mamimili kaya hindi tayo maiinitan. Hindi pa rin mawawala ang pagkasosyal mo, sis! Saka marami akong kilala na mayayaman pero dito pa rin namimili. P’wede ka namang bumili ng tela at ikaw ang magpatahi kung may naibigan kang disenyo. Ganoon ang ginagawa ko. Kaya nga sobrang hanga ka sa itsura ng bahay ko, ‘di ba?” sagot naman ng kaibigan.
Patuloy ang paghahanap ng dalawa. Napapahanga si Sonya sa mura ng bilihin sa Divisoria ngunit hindi katulad sa mamahaling mall ay inaalala niya palagi ang dala niyang bag at pitaka.
“Dyahe lang dito talaga dahil kailangan mong magdala ng pera. Napakaraming tao pa naman. Halo-halo ang tao. Pero s’yempre madalas na namimili rito ay ‘yung mga walang pera. Kaya natatakot akong madukutan,” saad pa ni Sonya.
“Basta ilagay mo lang ang bag mo sa harapan at lagi kang maging alerto. Huwag kang mag-alala at malapit naman na tayo sa pupuntahan natin,” dagdag pa ni Mildred.
Sa patuloy na paglalakad ng dalawa ay nakita nila ang dating kaklase na si Agnes. Nakatayo ito sa tapat ng isang tindahan at may mga bitbit na plastik at tila may hinihintay.
“Hindi ba’t si Agnes ‘yun? Ano kayang ginagawa niya rito?” pagtataka ni Sonya.
“Tingnan mo ang mga dala niya. Tiyak akong online seller ‘yan! Nakakapagtaka kasi hindi ba’t siya ang pinakamatalino sa batch natin noong hayskul? Sa tindig niya at suot, tiyak akong tindera ‘yan! Baka nga mamaya ay dito pa siya nagtitinda!” natatawang saad naman ni Mildred.
“Para malaman natin ay lapitan natin! Grabe ubod ng talino pero sa pagtitinda lang din nauwi. Wala talaga sa pinag-aralan ang kinabukasan mo. Tingnan mo tayo wala naman tayong medalya pero maganda pa rin ang buhay natin! Mabuti na lang at swerte tayo sa mga napangasawa natin!” muling saad ni Sonya.
Nilapitan ng dalawa ang dating kaklase.
“Kita mo nga naman, Agnes, matagal na panahon rin tayong hindi nagkita. Dito pa talaga tayo pinagtagpo!” wika ng ginang.
“Kinagagalak kong makita kayong muli, Sonya at Mildred. A-anong ginagawa n’yong dalawa rito? Sa suot n’yo ay parang hindi kayo sanay na magpunta dito sa Divisoria,” sagot naman ni Agnes.
“Napansin mo rin pala. Sa totoo lang ay hindi talaga ako pala-punta dito sa Divisoria. Sa mga mamahaling mall talaga ako lagi. Itong si Mildred may ipapakita raw sa aking bilihan ng mga kurtina. Titingnan ko kung totoong makakamura ako. Bumili kasi kami ng asawa ko ng bagong bahay kaya nais kong gayakan. Ikaw? Kumusta ka na? Nakatapos ka ba ng pag-aaral? Natatandaan kong ikaw ang pinakamatalino noon sa klase natin,” dagdag pa ni Sonya.
“Oo, nakatapos naman ako ng kolehiyo. Kaso sa kasamaang palad ay nagsara ‘yung kompanyang pinasukan ko. H-hindi na ako nakahanap pa ng bago,” sagot pa ng dating kaklase.
“Tindera ka?” deretsong tanong naman ni Mildred.
Tumango naman si Agnes.
“Kaya pala ganiyan ang gayak mo! Alam mo, napatunayan kong wala pala talaga sa pinag-aralan ang mararating mo sa buhay. Ikaw ang pinakamatalino pero tingnan mo at tindera ka lang. Kami itong laging hindi pumapasa noon pero kami ang maraming pambili! Huwag mong masamain, Agnes, walang masama sa trabaho mo pero sadyang namamangha lang ako sa mga pangyayari,” wika muli ng mapagmataas na si Sonya.
“A-ano naman ang sama sa pagtitinda, Sonya? Marangal na trabaho naman ito. Sa katunayan nga ay nagpapasalamat ako dahil hindi na ako nakahanap pa ulit ng trabaho. Ngayon ay mas malaya na ako na magawa ang mga gusto ko. Inaalagaan ko ang mga anak ko palagi. Naaasikaso ko ang pamilya ko,” nakangiting sambit naman ni Agnes.
“Pero iba pa rin kasi ang may sariling pera. Kahit na may kaya ang asawa ko ay nagtatrabaho pa rin ako, ayaw ko kasing ikahiya ako ng anak ko. Kaya sinikap ko na magkaroon ng magandang trabaho. Ano na lang sasabihin ng anak ko kung hindi ko nagamit ang pinag-aralan ko, hindi ba? Tulad mo, parang nasayang lang ang tinapos mo dahil sa pagtitinda lang din pala ang uwi mo,” pananarkastiko pa ng ginang.
Naiinis na si Agnes sa mga sinasabi ni Sonya kaya naman dumepensa na siya.
“Alam mo, Sonya, hindi mo dapat minamaliit ang tingin mo sa mga tindera. Marangal na trabaho ang pagiging tindera, at walang masama kung wala sa linya ng ginagawa ko ngayon ang tinapos ko. Ang mahalaga ay maunlad ang buhay namin at nakakatulong pa ako sa iba!” dagdag pa ni Agnes.
“A-ano ang ibig mong sabihin na maunlad ang buhay at nakakatulong sa iba?” wika naman ni Mildred.
Ilang sandali pa ay nariyan na ang asawa ni Agnes at iba pang tauhan.
“Hon, tayo na? Maglakad na lang tayo papuntang parking lot. Malapit lang naman ‘yun dito. Tuwang-tuwa ang mga kliyente natin. ‘Yung isang hilera ng mga tindahan doon sa pasilyong iyon ay sa atin na rin mag-aangkat ng mga paninda. Ibang klase talaga ang galing mo sa pakikipag-usap. Sa tingin ko ay kailangan pa nating bumili ng isa pang warehouse para sa mga karagdagang stocks natin!” saad ng mister ni Agnes.
Nagugulumihanan ang magkumare sa kanilang mga narinig.
“I-ikaw ang nagsusuplay sa lahat ng mga tindahan dito? P-paanong nangyari iyon?” gulat na wika ni Sonya.
“Sinabi ko naman sa iyo na walang masama sa pagtitinda, hindi ba? Kahit na hindi ko nagamit ang pinag-aralan ko ay maunlad pa rin ang buhay ko. Ang pagkawala ng trabaho ko ang nagtulak sa akin at sa asawa ko na magnegosyo. Hindi nagtagal ay napaunlad namin ito. Kaya heto na kami ngayon. Halos lahat ng tindahan dito sa mall ay sa amin nag-aangkat ng produkto. Sa susunod, Sonya at Mildred, huwag kayong nanghuhusga agad ng tao. Saka kahit kailan, kahit gaano na katayog ang lipad niyo at gaano na kataas ang antas ninyo sa buhay ay wala kayong karapatang mangmaliit ng kapwa. O siya, aalis na ako. Ipapasalubong ko pa itong mga binili ko para sa mga anak ko at anak ng mga trabahador ko. Nawa’y makita ninyo ang mga hinahanap ninyo rito! Magandang araw!” nakangiting sambit pa ni Agnes.
Hindi mapakali si Sonya kaya tinanong niya sa isang tauhan ang tunay na katayuan ni Agnes sa buhay.
“Isa po si Ma’am Agnes at Sir Rico sa pinakamalaking supplier dito sa Pilipinas. Nakakatuwa nga po ang mag-asawang iyan. Kahit gaano na sila kayaman ay hindi mo mahahalata sa kanila dahil mapagkumbaba sila. Marahil sa ugali nilang gano’n ay lalo silang pinagpapala,” pahayag naman ng lalaki.
Sobrang napahiya ang magkumare lalo na itong si Sonya dahil sa pangmamata na ginawa niya sa dating kaklase. Hindi niya akalain na ubod pala ng yaman itong si Agnes nang dahil lang sa kaniyang pagtitinda.