Inalagaan pa rin ng Domestic Helper ang Matandang Amo kahit Walang Sahod; Matinding Pabuya pala ang Kapalit Nito
Napilitan ang ginang na si Linda na pumunta ng Saudi Arabia para maging isang domestic helper doon. Hindi na kasi magawang magtrabaho ng kaniyang mister dahil naaksidente ito sa koprahan na kaniyang pinapasukan. Bukod pa roon ay may tatlo silang anak na kailangang suportahan. Kaya kahit mahirap ang malayo sa kaniyang pamilya ay nakipagsapalaran siya sa ibang bansa.
Naging mabait naman ang kapalaran sa kaniya dahil maayos naman ang naging amo niya. Isang sundalo ang nagbigay sa kaniya ng trabaho. Ang matandang ina nito ang kaniyang pinagsisilbihan at inaalagaan. Tatlo silang Pinay na domestic helper doon.
Ngunit dahil nga matanda na ang amo ay madalas nang uminit ang ulo nito. Madalas kung masigawan nito ang mga kasambahay. Hindi nakaligtas doon si Linda.
Isang araw ay pinagbababato ng matanda si Linda at pinapaalis sa silid nito. Nais lang naman niyang palitan ang salawal ng matandang amo.
Habang papalabas ng silid ng matanda ay nakita si Linda ng kasamahang si Arlene.
“Bwisit talaga ang matanda ‘yan, ano? Siya na nga ang pinagsisilbihan mo ay siya pa ang galit! Sa totoo lang maayos naman sana talaga ang trabaho natin dito kung hindi lang dahil sa matandang ‘yan! Kung hindi lang maayos magpasahod ang amo nating sundalo ay lalayasan ko na ang matandang ‘yan!” saad pa ni Arlene.
“Matanda na si madam, Arlene. Inuunawa ko na lang. Noong inalagaan ko rin noon ang lola ko ay ganiyan din siya, laging aburido. Siguro dahil mahirap din ang kalagayan nila,” pahayag naman ni Linda.
“Kahit na! Parang hindi tayo tao kung ituring ng matandang ‘yan! Kung hindi lang masamang humiling ng masama sa kwapa ay ipinagtirik ko na ng kandila ‘yang si madam! Parang bruha kung umasta,” galit na sambt muli ni Arlene.
Kahit na minsan ay tinutubuan na rin ng inis itong si Linda dahil nga nasasaktan na siya ng matandang amo ay pilit na lang niya itong iniintindi. Sa kanilang tatlong kasambahay ay tanging siya lang ang matiyagang nag-aalaga sa matanda.
Isang araw ay napansin ng mga kasambahay na parang hindi na tumatawag ang amo nilang sundalo. Magkakatapusan na ng buwan at naghihintay na sila ng sahod para maipadala sa kanilang pamilya.
Pilit nilang tinatawagan ang sundalong amo ngunit hindi nila ito makontak.
“Subukan mo rin kayang tawagan si sir, Arlene? Baka sakaling makontak mo!” saad ni Linda sa kasamahan.
“Kahapon ko pa ‘yan sinusubukang tawagan pero wala rin. Ano na kaya ang plano niya sa atin?” saad naman ng ginang.
“Siguro ay hintayin na lang natin magkatapusan ng buwan. Kung wala pa talaga siyang ipapadala ay saka natin siya tawagan,” saad naman ng isang kasambahay na si Pilar.
“Oo nga. Pero sa totoo lang ay nag-aalala na rin ako sa kaniya. Kasi sa tagal natin dito ay hindi naman siya palaging tumatawag, dalawang beses sa isang linggo lang para kumustahin ang nanay niya. Wala naman sanang masamang nangyari sa kaniya,” saad naman ni Linda.
Lumipas ang araw at hindi na nga nagparamdam pa ang among sundalo. Patuloy na kinokontak ng mga kasambahay ang ginoo ngunit wala pa ring balita. Hanggang sa narinig nila ang matanda na umiiyak at nagwawala.
“My son is gone! My son is gone!” saad ng matanda.
Pilit na pinapakalma ni Linda ang matandang amo ngunit patuloy ito sa pagwawala. Hanggang sa nakita ng ginang ang pinapanood ng matanda. Patuloy pala ang giyera at sigurado ang matanda na nakasama sa pagsabog ang anak na sundalo.
Pinigilan ni Linda ang amo sa pagwawala sa pamamagitan ng pagyakap dito.
Nang malaman ng mga kasambahay na malaki ang posibilidad na wala na ang among sundalo ay nataranta sila.
“Ano ang gagawin natin ngayon? Kailangan ng pamilya ko ang pera! Hindi pa nila tayo nababayaran!” saad ni Arlene.
“Bahala na kayo riyan! Pero aalis na ako! Hindi ko na kaya pang manatili sa lugar na ito kung hindi lang din ako pasasahurin! Narito ako sa Saudi para magtrabaho. Hindi ko kayang alagaan ang matandang iyan lalo na kung libre!” sambit naman ni Pilar.
“Sandali lang naman! Hindi natin p’wedeng iwan si madam. Masyado na siyang matanda para pabayaan! Maghintay pa tayo ng ilang sandali para malaman natin ang gagawin. Baka naman hindi pa nasawi ang amo natin, o baka mamaya ay may tulong na darating! Huwag naman nating iwan si madam sa ganitong kalagayan!” pakiusap ni Linda.
“Kung kaya mong magtrabaho sa bruha na ‘yan na walang bayad ay ikaw na lang, pero aalis na rin ako! Maghahanap na lang ako ng ibang amo! Tutal hindi ko na rin naman gustong alagaan ang matandang ‘yan. Salamat at makakawala na ako sa kaniya!” dagdag naman ni Arlene.
“Pero may kontrata tayo! Huwag muna kayong umalis basta-basta, kawawa naman ang matanda!” muling pigil ni Linda sa mga kasamahan.
Wala nang nagawa pa si Linda para pigilan ang mga kasamahan. Tuluyan nang umalis ang mga ito bitbit ang ilang gamit bilang kabayaran daw sa kanila sa buwang hindi nabayaran ang kanilang serbisyo.
Ngunit hindi umalis si Linda. Nanatili siya sa piling ng matandang amo kahit na wala pa ring bayad. Dahil dito ay unti-unting naging mabuti sa kaniya ang matanda.
“Linda, you should go, too. I don’t have any money to pay for your service. My son is gone. I don’t have any means now,” wika pa ng matandang banyaga.
“It’s okay, madam. I will stay because somebody needs to take care of you. We will find a way to survive,” saad naman ni Linda.
“You have a very great heart, Linda. I hope one day I could repay your kindness,” muling sambit pa ng amo.
Mabuti na lamang at kahit paano ay may ipon itong si Linda kaya may naipapadala pa rin siya sa kaniyang pamilya sa Pilipinas. Ni hindi niya masabi sa asawa ang nangyari dahil ayaw niyang mag-alala pa ito.
Ngunit nangangamba na rin si Linda dahil hindi na sasapat ang kaniyang ipon para makauwi siya sa Pilipinas.
Isang araw ay wala nang makain si Linda at ang matanda. Kumakalam na ang sikmura ni Linda ngunit ibinigay pa rin niya ang natitirang pagkain sa kaniyang matandang amo.
Alalang-alala na si Linda dahil wala siyang kilalang kamag-anak nito. Hindi rin niya alam kung saan hihingi ng tulong upang may makain sila.
Hanggang isang araw ay may nagbabalik. Tila nakakita ng multo sa pagkabigla itong si Linda nang makita ang sundalong amo sa kaniyang harapan. May benda ang ulo nito at ibang bahagi ng katawan.
Kaya naman pala hindi ito nagpaparamdam ay nasugatan ito sa giyera. Mabuti na lang at hindi ito napuruhan at nakaligtas pa rin.
Dali-daling pinuntahan ng binatang sundalo ang ina upang tingnan ang kalagayan. Napaluha na lang ito nang malaman kung ano ang tunay na nangyari habang wala siya.
Labis ang pasasalamat nito kay Linda dahil sa ginawang pag-aaruga sa ina habang wala siya.
“Your heart is so big, Linda. Thank you for taking care of my mother while I am away. You impressed me by looking after her even without pay. You are truly a kind person. I want to repay your kindness,” saad ng sundalo.
Ang hindi alam ni Linda at ng matandang amo ay na-promote ang sundalo. Sa palasyo na ito maninilbihan. Lilipat na rin sila ng bahay, at dahil doon ay kukuha pa ito ng mga kapalit na kasambahay. Si Linda na ang magiging mayordoma!
Bukod pa roon ay nagbigay ng malaking halaga ang sundalo sa pamilya ni Linda. Naipagawa tuloy ng ginang ang kanilang bahay sa probinsya. Nagkaroon na rin ng pampuhunan ang kaniyang mister para sa isang negosyo. Ang dating tauhan lang ng koprahan ay may-ari na ngayon ng taniman.
Sadyang nag-iba ang buhay ni Linda at ng kaniyang pamilya, at ang lahat ng ito ay dahil sa mabuti niyang kalooban.