Inday TrendingInday Trending
Nawalan ng Panahon ang Ginoo para sa Kaniyang Mag-iina; Tunay ngang Nasa Huli ang Pagsisisi

Nawalan ng Panahon ang Ginoo para sa Kaniyang Mag-iina; Tunay ngang Nasa Huli ang Pagsisisi

“Brando, hindi na makapaghintay ang mga anak mo sa susunod na linggo. Panay bilang na nga ng mga araw. Nakahanda na rin ang mga gamit nila noong isang araw pa. Kinukulit na rin ako na ipaalala sa iyo araw-araw ang pagpunta natin sa resort para hindi mo raw makalimutan,” saad ni Mae sa kaniyang asawa.

“Ay, oo nga pala! Nakalimutan ko na ang tungkol sa lakad natin sa isang linggo. Baka naman p’wede nating iurong kasi marami akong kailangang tapusin sa trabaho. Hindi ako maaaring lumiban,” tugon naman ng mister.

“Ano ka ba naman, Brando! Ilang buwan nang nakaplano ang lakad natin. Hindi ka basta p’wedeng umatras na lang nang dahil na naman sa trabaho. Malulungkot ang mga anak mo! Kung makikita mo lang sila kung gaano sila kasaya dahil papalapit na nang papalapit ang araw. Huwag mo namang dismayahin ang mga bata,” dagdag pa ni Mae.

“Unawain n’yo naman ako, Mae. Imbes na ginigisa mo ang konsensya ko ay bakit hindi mo na lang ako tulungan na magpaliwanag sa mga anak mo? Hindi naman ako basta lang naglalamyerda. Nagtatrabaho ako at ginagawa ko ito para magkaroon ng magandang buhay! Para sa inyo rin naman ito, e!” bulyaw pa ni Brando.

“Para sa amin nga ba, Brando, o para diyan sa pride mo? Aminin mo na kasi na ayaw mong nagpapadaig sa kapatid mo kaya kahit kami ng mga anak mo ay kaya mong kalimutan para lang diyan sa sinasabi mong magandang buhay. Ayos naman kami ng mga anak mo. Hindi naman kami naghahangad pa ng magarbong buhay, ang nais lang naman namin ay makasama ka!” pahayag pa ng ginang.

“Tigilan mo ako sa mga sinasabi mo, Mae. Walang maganda sa buhay natin! Hindi ito ang buhay na gusto ko! Gusto ko ng malaking bahay, magarang sasakyan, makapunta sa ibat’t ibang lugar. Mapag-aral ko ang mga bata sa prestihiyosong paaralan at mabilhan ka ng mamahaling gamit. Malayo pa ang buhay na ito sa pinapangarap ko kaya tigilan mo ang pag-iinarte mo at sabihin mo sa mga anak mo na hindi tuloy ang lakad dahil kailangan kong magtrabaho!” sigaw muli ng mister.

Nasaktan nang lubusan si Mae. Hindi na niya napigilan pa ang maluha dahil sa sakit ng mga sinabi ng kaniyang asawa. Papalabas na sana siya ng pinto ng kanilang silid upang paliwanagan ang mga anak nang bigla siyang nagsalita.

“Nakakalungkot lang isipin, Brandon, na hindi mo makita ngayon ang magpapasaya sa iyo. Kasi sa amin ng mga anak mo, makasama ka lang ay maligaya na kami,” lumuluhang sambit muli ni Mae.

Nang gabing iyon ay labis ang pagkadismaya ng mga bata dahil hindi matutuloy ang kanilang outing. Mabuti na lang ay nakaisip ng magandang paraan itong si Mae para makabawi sa mga anak.

Makalipas ang isang buwan ay naghahanda naman itong si Mae para sa kaarawan ng panganay na anak. Walang ibang nais ang bata kung hindi makasama sa araw na iyon ang kaniyang ama, ngunit tulad ng dati ay abala ito sa trabaho.

Halos hindi na nga makita ng mag-iina ang haligi ng kanilang tahanan. Kahit anong pakiusap naman ng mga ito ay wala pa ring tigil sa pagkasubsob sa trabaho ni Brando.

Isang araw ay nais kausapin ni Mae ang kaniyang asawa, ngunit hindi niya ito magawa dahil abala pa raw ito.

“Iskedyul? Pati ba ako ang pakikipag-usap sa asawa mo ay kailangan mong hanapan pa ng panahon, Brando? Kakausapin kita kung kailan ko gusto! Pagod na ako sa ganitong buhay. Ni hindi ko maramdaman na may asawa pa ako at may tatay pa ang mga anak ko!” galit na sigaw ni Mae.

“Nagtatrabaho ako, Mae, para matupad ko naman ang pangarap ko para sa sarili ko at para sa inyo rin! Mamahalin mo ba ako kung hindi ko kayo mabigyan ng magandang buhay?” pasigaw na sagot rin ni Brando.

“Mahal naman kita, Brando, noon pa man at kahit sino ka man! Kaya nga ikaw ang pinili ko at pinakasalan. Mahal na mahal ka rin ng mga anak mo! Hindi naman sila naghahangad ng mamahaling laruan o magarbong byahe. Simple lang ang gusto namin – ang makasama ka. Kung ayaw mo na rin lang kaming bigyan ng panahon ay mabuti pang itigil na rin natin ang relasyon na ito. Maghiwalay na tayo, Brando. Isasama ko na ang mga bata. Pagod na pagod na akong saktan sila nang dahil lang sa palagi kang abala para sa pagtupad ng pangarap mo. Hindi lang lagi ang pagkakaroon ng maraming pera ang solusyon sa kaligayahan. Narito kami, Brando, at naghihintay kami ng atensyon mo. Aalis muna kami sa buhay mo ngayon, baka sakaling mapagtanto mo ang kahalagahan namin,” pagtangis pa ni Mae.

Sa pag-alis ni Mae sa tanggapan ni Brando ay hindi na nag-abala pa ang ginoo na habulin ang asawa.

“Babalik din kayo sa akin kapag wala na kayong panggastos. Doon n’yo lang mapapagtanto ang sinasabi kong pera ang solusyon sa lahat!” sambit naman ng mister.

Umuwi si Mae sa kanilang bahay upang kunin ang mga anak at ang kanilang ibang gamit. Nakapagdesisyon kasi ang ginang na manirahan muna sila sa kaniyang ina nang sa gayon ay makapag-isip din si Brando.

Ngunit habang nagmamaneho si Mae patungo sa kaniyang mga magulang ay may bigla na lamang rumaragasang trak na nawalan ng preno at binangga ang sasakyan ng mag-iina.

Sa tindi ng pagkabangga ay hindi na nabuhay pa si Mae at kaniyang mga anak.

Nang mabalitaan ni Brando ang nangyari ay doon pa lang napukaw ang kaniyang atensyon. Agad siyang sumugod sa lugar ng pinangyarihan ng aksidente pero nasa morge na raw ang kaniyang mag-iina.

Nangangatog ang buong katawan ni Brando nang makita ang walang buhay na mga katawan ni Mae at kanilang mga anak.

“H-hindi ito maaari! Panaginip lang ang lahat ng ito!” halos mapatid ang litid sa leeg ni Brando sa hinagpis.

“Gumising ka na, Mae! Gumising na kayo, mga anak! Narito na ako! Handa ko na kayong bigyan ng oras at panahon. Parang awa n’yo na, magsigising na kayo!” patuloy sa pagtangis ang ginoo.

Ngunit kahit anong sigaw pa niya ay hindi na nito mamaibabalik pa ang buhay ni Mae at ng dalawa nilang anak.

Tila naging totoo ang sinabi ni Mae na mawawala na sila sa buhay ng ginoo, ngunit sa pagkakataong ito ay permanente pala ang kanilang pagkawala.

Hawak man ni Brando ang lahat ng tagumpay na kaniyang pinapangarap noon ay wala namang mapaglagyan ang kaniyang kalungkutan dahil wala na ang kaniyang mag-iina.

Saka lang niya napagtanto na walang halaga ng pera ang makatutumbas sa kaligayahan na dala ng buong pamilya.

Advertisement