Inday TrendingInday Trending
Ikinahihiya ng Dalaga ang Amang Puno ng Peklat sa Katawan; Hindi Niya Akalain ang Istoryang Bumabalot Dito

Ikinahihiya ng Dalaga ang Amang Puno ng Peklat sa Katawan; Hindi Niya Akalain ang Istoryang Bumabalot Dito

“‘Tay, ilang beses ko na po bang sinasabi sa inyo na huwag na kayong pupunta pa rito sa eskwelahan ko? Bakit po ba kayo nandito?” naiinis na tanong ni Monica sa kaniyang amang si Mang Danny.

“Pasensya ka na, anak. Naiwan mo kasi itong folder. Naisip ko kasing kailangan mo ito sa eskwela dahil kagabi mo pa ito ginagawa,” tugon naman ng ama.

Pahablot na kinuha ni Monica ang naturang folder.

“Sige na po, umalis na kayo at babalik na ako sa loob. Sa susunod po ay hayaan n’yo na lang akong bumagsak kaysa naman kayo pa ang magdala ng mga kailangan ko dito sa eskwela! Nakakahiya!” muling sambit ng dalaga sa ama.

Nalulungkot si Mang Danny sa ginawang ito ni Monica. Ngunit ayaw rin naman niyang mapahiya ang kaniyang anak. Hindi niya kayang pagtawanan ito nang dahil lang sa kaniyang itsura.

Malaki ang peklat sa buong katawan at mukha ni Mang Danny. Dahil dito ay nahihiya si Monica na makita siya kasama ng ama. Batid kasi niyang hindi lang pang-aalipusta ang gagawin sa kaniya ng mga kaklase. Sandamakmak na panghuhusga rin ang gagawin ng mga ito.

Noong bata pa kasi si Monica ay sinundo siya ng ama sa eskwelahan. Natakot ang ilang kaklase niya nang makita ng mga ito si Mang Danny. Napakasakit para kay Monica nang pagtawanan siya dahil anak daw siya ng isang halimaw.

Pagbalik ni Monica sa loob ng eskwelahan ay tinanong siya ng ilang kaklase.

“Kilala mo ba ang taong iyon? Nakakatakot ang itsura niya! Akala namin kung ano na ang gagawin sa iyo,” saad ng isang kaklase.

“A, iyong lalaking nag-abot sa akin ng folder na ito? Kapitbahay namin. Nakita kasi niyang papunta ang daddy ko sa eskwelahan. E, alam n’yo naman ang daddy ko, ‘di ba, maraming trabaho. Kaya nagboluntaryo na lang daw ‘yung kapitbahay namin na dalhin sa akin itong project ko dahil dito rin naman ang tungo niya,” halos magkanda buhol-buhol ang dila ni Monica sa pagsisinungaling.

“Akala talaga namin ay ‘yun na ang tatay mo! Grabe, isipin ko pa lang na madidikit ako sa balat niya ay kinikilabutan na ako! Ano kaya ang nangyari sa taong iyon, ano?” sambit pa ng kaibigan.

“Siguro ay nakulam o baka talagang may lahing halimaw. Baka kung sa akin ibibigay ang folder ay mapatili ako sa takot,” saad naman ng isa pang dalaga.

Hindi na alam ni Monica ang gagawin sa pagkukubli. Lalo ngayon na alam na niya ang tingin ng kaniyang mga kaibigan.

Pag-uwi ng dalaga ay masaya siyang sinalubong ng ama na tila walang nangyari.

“Anak, kumain ka na muna. Pinagluto kita ng paborito mong ulam,” bungad ni Danny sa anak.

“‘Tay, nasaan ba talaga ang nanay ko? Baka p’wedeng ibigay mo na lang ako sa kaniya. Hindi ko na makayanan kasi talaga ang makasama pa kayo. Ni hindi ko man lang maiharap ang sarili kong ama sa mga tao dahil ganiyan ang itsura n’yo! Takot na takot ako na pagtawanan nila ako!” tugon naman ni Monica.

“H-hindi mo naman ako kailangang ipakita sa kanila, anak, kung ayaw mo. Masakit man sa akin na kinakahiya mo ako nang ganito ay naiintindihan kita. Sino ba naman ang hindi matatakot sa kalagayan ko? Ni hindi mo na nga makita ang tunay kong itsura,” pahayag muli ng ama.

“Huwag n’yong iparamdam sa akin na mali ako dahil nagsasabi lang naman ako ng totoo. Nahihirapan na po ako dahil ikaw ang kasama ko. Kaya baka p’wedeng ibigay n’yo na lang ako sa nanay ko kung nasaan man siya. Sigurado akong hinahanap n’ya rin ako. Sa inyo na nanggaling noon na ayaw nyo kasi akong mawalay sa inyo kaya n’yo ako kinuha sa kaniya! Pero alam n’yo po ba ang tingin ko? Makasarili ka! Sarili mo lang ang iniisip mo! Hindi mo iniisip kung anong magiging tingin sa akin ng tao dahil anak ako ng ganyan ang itsura. Kung ayaw n’yong ituro sa akin kung nasaan ang nanay ko ay ako na lang ang hahanap sa kaniya!” sambit pa ni Monica sa ama.

Tinalikuran ng dalaga si Mang Danny at saka umalis ng bahay. Balak mang sundan ng ginoo ang anak ay natatakot siyang baka lalo itong magalit dahil ayaw nga nitong nakikita ng iba na sila ay magkasama.

Kilala ni Mang Danny ang anak. Magpapalipas lang ito ng sama ng loob at saka uuwi rin.

Ngunit ilang oras na ang nakalipas at dumidilim na. Nag-aalala na si Danny kung nasaan talaga ang kaniyang anak. Imposible kasing makita pa nito ang ina.

Kaya nagdesisyon na ang ginoo na hanapin si Monica.

Kabang kaba itong si Danny na baka kung anong masama na ang nangyari sa anak. Hinanap niya ang anak sa mga lugar na alam niyang pinupuntahan nito. Hanggang sa nakita niya si Monica na nasa parke, mag-isa at umiiyak.

“Tara na, anak, umuwi na tayo. Sa bahay na natin pag-usapan ang lahat ng ito,” saad ni Danny sa anak.

Ngunit nagmatigas si Monica.

“Kung hindi mo sasabihin sa akin kung nasaan ang nanay ko at kung hindi mo ipapaalam sa akin kung sino ba talaga siya ay pinapangako ko sa iyo na hinding-hindi mo na ako makikita pa kahit kailan. Parang awa mo na, ‘tay, ibigay mo na ako sa nanay ko! Gusto ko nang makaranas ng normal na buhay!” pagtangis ng anak.

Patuloy na inaamo ni Danny ang anak.

Hanggang sa isang lalaki ang lumapit sa kanila dahil akala nito ay kung ano na ang ginagawa ng ginoo sa kaniyang anak.

“Ayos lang ba ang lahat dito? Mawalang galang na, ano ba ang nangyayari sa inyo?” pangingialam ng lalaki.

Nang makita nito ang mukha ni Danny ay nagulat ito.

“Tingnan mo, pati ang lalaking may malaking pangangatawan ay natatakot din sa itsura mo! Sige na,’tay, layuan mo na ako!” sigaw pa ni Monica.

“Nagkakamali ka, binibini. Hindi ako nagulat nang dahil lang sa itsura niya. Nagulat ako dahil hindi ko akalain na dito ko makikita ang matagal ko nang hinahanap na kaibigan!” dagdag pa ng ginoo.

“D-danny, ikaw ba ‘yan? Ako ito si Jaime. Ang tagal na nating hindi nagkita!” saad ng ginoo.

“Ako nga ito, Jaime, kumusta ka na? Pasensya ka na kung naabala ka namin ng anak ko. May kailangan lang kaming pag-usapan,” tugon naman ni Danny.

“Ikaw ang kumusta, Danny, wala na kaming narinig sa iyo matapos ang aksidente. Saan ka na nakatira ngayon? Nakapag-asawa ka pa ba? I-ito ba ang batang iniligtas mo noon?” patuloy sa pagtatanong si Jaime.

Labis namang nabigla itong si Monica. Hindi niya inaasahan kasi ang sinabi ng lalaki.

“N-nakapag-asawa? Napulot? ‘Tay, anong ibig sabihin po ng lahat ng ito?” tanong ni Monica sa ama.

“H-hindi pa ba sinasabi sa iyo ni Danny ang lahat? Ito marahil ang dahilan kaya ganiyan mo na lang ituring ang taong pinagkakautangan mo ng buhay mo!” wika ni Jaime.

“Kasamahan ko dati sa trabaho itong si Danny. Naglalakad kami pauwi ng bahay isang madaling araw nang mapansin naming may malaking sunog sa isang bahay. Sigaw nang sigaw ang babae ngunit walang tumutulong sa kanila. May tumawag man ng bumbero ngunit alam namin ni Danny na magiging huli na ang lahat bago pa dumating ang mga ito. Nang marinig nitong si Danny na may umiiyak na bata ay hindi siya nagdalawang-isip na lusubin ang apoy upang iligtas ang mag-ina. Ngunit binawian na ng buhay ang babae at natira lang ang anak nito. Habang si Danny naman ay nakaratay sa ospital dahil sinangga niya ang apoy upang iligtas ang bata. Hinanap ng mga awtoridad ang mga kamag-anak at ama ng bata pero walang gustong umako ng responsibilidad sa kaniya. Pero si Danny, hindi niya inalintana ang hirap at kinuha ang bata. Ikaw ang batang iyon, Monica, at hindi mo dapat ginaganyan ang tatay-tatayan mo dahil handa niyang ibigay ang lahat pati buhay niya para lang sa’yo!” kwento pa ng ginoo.

Napatitig na lamang habang patuloy sa pagtangis itong si Monica sa kaniyang ama.

“Totoo ba ang sinasabi ng lalaking ito? Hindi mo raw ako tunay na anak?”

“Siguro ay masaya ka na, anak, dahil nalaman mong hindi ako ang tunay mong ama. Hayaan mo at tutulungan kitang makita mo ang iba mong kamag-anak nang sa gayon ay sa kanila ka na manirahan. Hindi mo na kailangan pa akong itago,” umiiyak na sambit naman ni Danny.

Bigla na lang niyakap ni Monica ang anak.

“Kaya pala hindi mo masabi sa akin kung nasaan ang nanay ko. Hindi mo maikwento sa akin kung paano kayo kinasal o kung ano ang tunay na nangyari sa kaniya dahil hindi mo naman ako tunay na anak! Patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko, ‘tay! Patawarin mo po ako!” patuloy sa paghagulgol ang dalaga.

“Kahit kailan ay hindi ako nagtanim ng sama ng loob sa iyo, anak. Simula nang mahawakan kita noong bata ka pa lang ay nakaramdam na ako ng matinding koneksyon sa iyo. Narito lang ako palagi para sa iyo upang maging tatay mo kung nanaisin mo man,” tugon naman ni Danny.

“Lagi mong mamahalin itong Tatay Danny mo dahil tiyak kong marami ang kaniyang sinakripisyo para lang sa iyo. Ganiyan ka niyan kamahal,” saad naman ni Jaime.

Umuwi ang mag-ama sa kanilang bahay nang gabing iyon. Simula noon ay nag-iba na nang tuluyan ang tingin ni Monica sa kaniyang ama. Hindi na rin niya ito itinatago at ikinakahiya pa.

Kinabukasan ay inamin kaagad ng dalaga sa kaniyang mga kaibigan ang tunay na katauhan ng kaniyang ama. Sa pagkakataong ito ay buong puso niyang ipinagmamalaki ang kaniyang Tatay Danny. Dahil hindi lang ito basta bayaning nagligtas ng kaniyang buhay kung hindi ama na handang ibigay ang lahat para lang mabigyan siya ng magandang bukas.

Advertisement