Inday TrendingInday Trending
Pinagtatawanan ang Dalaga Dahil Iisa Lang daw ang Uniporme Nito; Taob Silang Lahat sa Kaniyang Narating sa Buhay

Pinagtatawanan ang Dalaga Dahil Iisa Lang daw ang Uniporme Nito; Taob Silang Lahat sa Kaniyang Narating sa Buhay

Napabuntong hininga na lang si Becky nang matalamsikan ng putik ang kaniyang uniporme dahil sa mabilis na patakbo ng isang kotse. Naglabas siya ng panyo upang punasan ito ngunit kitang kita pa rin ang mantsa.

Habang pilit na tinatanggal ni Becky ang mantsa sa kaniyang uniporme ay nadaanan siya ni Leila at mga kaibigan nito.

“Naku, mukhang hindi na makukuha ng laba ang mantsang iyan, Becky. Kawawa ka naman! Hindi ba’t iisa lang ang uniporme mo?” kantiyaw ni Leila sa kaklase.

“Huwag mo nang itanggi sa amin, Becky! Alam naming nag-iisa lang ang uniporme mo dahil noong isang araw ay minarkahan namin ng tinta ng ballpen ang blouse at palda mo. Pero nang sumunod na araw ay suot mo pa rin!” natatawang saad pa ng isang dalaga.

“Ganiyan ka bang kahirap, Becky? Ni wala kang pambili ng kahit isa pang pares nang uniporme. Hindi ka nahihiya! Siguro ay hindi mo pa nilalabhan ‘yan dahil wala kang pambili ng sabong panlaba. Nakakadiri na tumabi pala sa iyo!” muling pang-aalaska ni Leila.

“N-nilalabhan ko naman ang uniporme ko araw-araw. Natutuyo naman kaagad kaya hindi ko na kailangan pang bumili ng isa pa,” nakayukong depensa naman ni Becky.

“Alam mo bang limang pares ng uniporme ang mayroon ako? Isa kada isang araw. Kaya hindi ako nag-uulit ng uniporme sa isang linggo. Pero, ikaw, nakakadiri ka. Araw-araw mong suot ang uniporme na ‘yan! Tanong ko lang, Becky, nagpapalit ka ba ng panloob mo?” wika pa ng kaklase.

Hindi makalaban si Becky sa magkakaibigan dahil alam niyang malakas ang kapit ng mga ito sa kanilang paaralan. Kilala kasing negosyante ang ama ni Leila at ang ibang kaibigan din nito ay maykaya sa buhay. Isa pa, ayaw ni Becky na makipag-away dahil ayaw niyang mabalitaan ito ng kaniyang ina at mag-alala pa.

Tinapos na ni Becky ang pagpupunas ng kaniyang uniporme at pumasok na sa loob ng eskwelahan. Pagpasok ng dalaga sa silid-aralan ay tampulan siya ng tukso dahil nga sa mantsa sa kaniyang damit.

“Kawawa naman si Becky! Isusuot pa naman niya ang uniporme na ‘yan bukas! Tara na at mag-ambagan tayo para may pambili siya ng sabon para kahit paano ay malabhan naman ang uniporme niya. Baka mamaya ay tumatayo nang mag-isa ang damit na iyan sa sobrang kadumihan!” sambit ni Leila sa klase.

Dinig hanggang sa labas ng silid-aralan ang tawanan ng mga mag-aaral.

Nang recess ay mag-isang kumain si Becky malayo sa kaniyang mga kaklase. Pabalik na siya ng silid-aralan nang sadyain siyang banggain ni Leila. May dala pa naman itong inuming tsokolate. Ang lahat ng ito ay natapon sa uniporme ni Becky.

“Ay! Pasensya ka na, Becky, hindi ko sinasadya! Naku, paano na ‘yan? Matatanggal pa kaya ang mantsang iyan?” pananarkastikong saad ni Leila.

“Siyempre, hindi na, Leila. Pupusta ako na bukas ay makikita pa rin natin ang mantsang ‘yan dahil ‘yan pa rin naman ang kaniyang suot! Kawawa naman. Magkano lang naman ang pares ng uniporme, hindi pa bumili!” saad ng isang kaibigan ni Leila.

“Paano nga bibili, e, mahirap pa nga siya sa daga!” tumatawang sambit pa ng dalaga.

Naiiyak na itong si Becky. Hindi kasi niya alam kung ano ang kaniyang ginawa kay Leila at sa mga kaibigan nito para gawan siya ng ganitong bagay.

“Alam n’yo naman palang nag-iisa lang ang uniporme ko ay bakit mo pa tinapunan ng tsokolate, Leila? Alam n’yo, hindi ko alam kung bakit kayo inis na inis sa akin, wala naman akong ginagawang masama sa inyo! Lagi n’yo na lang akong pinapahiya at kinukutya. Tandaan n’yo darating din ang araw na hindi n’yo na ako mapagtatawanan pa!” mariing sambit ni Becky.

“Hihintayin ko ang araw na ‘yan, Becky. Pero baka naman puti na ang lahat ng buhok ko ay mahirap ka pa rin! O siya, aalis na kami dahil nakakahiya na makasama ka. Baka akalain ay kaibigan ka pa namin!”

Iniwan ni Leila at ng mga kaibigan niya si Becky na marumi ang damit. Kahit na panay ang tingin at pagtawa ng ibang kamag-aral ng dalaga ay hindi na lang niya ito pinansin. Patuloy lang siya sa pag-aaral.

Nangingilid na ang luha ni Becky habang tinitingnan niya ang kaniyang uniporme. Pagdating niya sa bahay ay agad niyang hinubad ang uniporme at saka muna niya ibinabad upang matanggal ang mantsa.

“Kumain ka na muna, anak, bago ka maglaba. Binigyan nga ako ni Sir Lino ng ulam kaya may pagkain tayo ngayon,” wika ng ina.

Napansin ng ina na masyadong abala ang anak sa pagtatanggal ng mantsa.

“A-anak, anong nangyari sa iyo? Nadisgrasya ka ba? Bakit napakarumi ng uniporme mo?” pag-aalala ng ina.

“Hindi po, ‘nay. Natalsikan lang po ako ng putik kanina saka natapunan ng inumin. Malas lang po ngayong araw! Huwag po kayong mag-alala,” paliwanag naman ni Becky.

“Kailangan mo iyang ibabad nang matagal para matanggal ang mantsa. Bakit kasi ayaw mo pang bumili ng isa pang uniporme? Nahihirapan ka tuloy. Hayaan mo at babale ako kay Sir Lino sa isang linggo ‘pag naglaba ako ulit sa kanila. Mabait naman ‘yun at tiyak kong pahihiramin ako,” dagdag pa ng ina.

“Huwag na po, ‘nay, ayos lang po ako. Isang taon na lang naman din po ay makakapagtapos na ako ng pag-aaral. Titiyagain ko na po ito. Ayos pa naman po. Kayang-kaya pa matanggal ang mantsa,” saad naman ni Becky.

“O siya, ako na ang maglalaba niyang uniporme mo at kumain ka na. Baka mamaya ay abutin ka na naman ng gabi sa pag-aaral. Alam mo namang wala tayong kuryente. Ayaw kong mahirapan ka at lumabo ang mga mata mo dahil lang sa kakarampot na ilaw ng gasera,” wika muli ng ina.

Ang totoo ay naaawa si Becky sa kaniyang ina. Halos hatiin na nga nito kasi ang katawan para lang magkaroon ng pagkakakitaan para hindi siya mahinto sa pag-aaral.

Araw-araw ay problema pa ng ina ang kanilang kakainin kaya ayaw nang dumagdag ni Becky sa problema. Malas lang ng dalaga dahil mayroon siyang kaklaseng laging pinahihirapan ang kaniyang buhay.

Kinabukasan ay pinagtatawanang muli nila Leila at ilang kaklase itong si Becky. Halata pa rin kasi ang mantsa sa damit nito. Hindi na ininda ni Becky ang tawanan ng mga kaklase. Lalo na lang niyang pinaghusayan ang kaniyang pag-aaral.

Bandang huli ay tinantanan na rin siya ni Leila at ng grupo nito.

Lumipas ang isang taon at araw na ng pagtatapos ng klase.

Inaabangan nila Leila at ng kaniyang mga kaibigan ang susuotin ni Becky sa araw ng pagtatapos. At laking gulat nila nang makitang suot nito ang nag-iisang uniporme.

“Talagang hanggang sa huli ay wala ka pa ring pambili ng uniporme? Ganiyan bang kahirap ang pamilya mo para hindi ka bilhan ng mga magulang mo ng bagong isusuot?” pang-aalipusta ni Leila sa dalaga.

Hindi na sumagot pa itong si Becky. Hindi niya hahayaan na masira ni Leila ang araw na matagal na niyang pinakahihintay.

Tinawag na ang lahat ng magtatapos para sa mga sertipiko. Ngunit nagulat ang lahat nang tawagin naman si Becky dahil siya ang nakakuha ng pinakamataas na parangal.

Pumunta si Becky sa entablado upang magbigay ng kaniyang talumpati.

“Sa loob ng toga na ito ay suot ko ang kaisa-isang uniporme na mayroon ako. Kinukutya man ako ng marami dahil iisa lang ang uniporme ko ay hindi ako pinanghihinaan ng loob. Bagkus ay ginamit ko iyong inspirasyon para makapagtapos ng pag-aaral na may karangalan. Ipinagmamalaki ko ang uniporme ng ito dahil ito ang natatanging kasama ko sa pag-abot ko ng tagumpay. At mananatiling simbolo ang uniporme na ito sa dedikasyon kong makapagtapos at matulungan ang aking ina,” pahayag pa ni Becky.

Napayuko sina Leila at iba pang kaklase dahil sa pahayag na ito ni Becky. Hindi nila akalain na ang babaeng kanila palang pinagtatawanan ang pinakamatalino sa kanilang batch.

Lumipas ang mga taon at nagpatuloy si Becky ng pag-aaral upang maging isang ganap namang doktor.

Suot ni Becky ang puti niyang uniporme ay muli silang nagkita ng dating kaklaseng si Leila. Hindi niya ito halos makilala dahil malaki ang pinagbago nito.

Halos hindi makatingin sa mga mata ni Becky itong si Leila. Nalugi kasi ang negosyo ng kaniyang ama at naghirap ang kanilang buhay. Nabuntis pa si Leila nang maaga ilang buwan lang matapos ang kanilang graduation. Hindi na ito nakapagtrabaho pa, at ang masaklap pa doon ay iniwan ito ng asawa.

Hindi naging maganda ang takbo ng buhay ni Leila. Samantalang si Becky ay ang bago nang direktor sa naturang ospital.

“Hayaan mo na kung ano man ang nangyari sa atin noon, Leila. Hindi ko naman na iniisip pa ‘yun,” sambit ni Becky.

“Pasensya ka na sa lahat ng nasabi ko sa’yo noon, Becky. Tama ka nga, darating ang araw na wala nang kayang magtawa sa iyo. Kasi tingnan mo naman ang narating mo sa buhay. Maling mali ang ginawa ko sa iyo noon. Tingnan mo at ibang klase na ang uniporme na suot mo ngayon,” pahayag naman ni Leila.

Iniwan na ng dalawa sa nakaraan ang sigalot na nangyari sa kanila noon. Mabuti na rin at malaki ang puso nitong si Becky para sa pagpapatawad.

Nagsilbing malaking aral kay Leila ang lahat. Hindi rin niya akalain kasi na isang araw ay magkikita silang muli ng dating inaalipustang kaklase at sa pagkakataong ito ay tuluyan na itong nakakaangat sa kaniya.

Advertisement