Inakala ng Lalaki na sa Pagtira ng Kaniyang Ina sa Bahay Nilang Mag-asawa ay Magkakaroon Siya ng Kakampi; Leksyon pala ang Ibibigay Nito sa Kaniya
“Welcome po, mama!” masayang bati ng kaniyang asawang si Carmen sa inang si Aling Marieta habang si Ivan naman ay buhat-buhat papasok sa bakanteng silid sa kanilang bahay ang mga gamit at bagaheng dala nito. Paano kasi, pagkatapos ng ilang pahirapang pakikipag-usap sa kaniyang ina na tumira na ito kasama silang mag-asawa, sa wakas ay pumayag na ito. Ngayon ay lihim na nagbubunyi tuloy ang loob ni Ivan, dahil inaasahan niyang sa wakas ay magkakaroon na siya ng kakampi laban sa pang-aarya sa kaniya ng asawa sa paggawa ng gawaing bahay na noon ay hindi naman ipinagagawa sa kaniya ng kaniyang ina.
Mahal naman ni Ivan ang kaniyang asawang si Carmen, kaya lang ay hindi niya talaga gusto ang pamimilit sa kaniya nito na gumawa ng mga gawaing bahay simula nang isilang nito ang kanilang panganay. Naniniwala kasi si Ivan na ’yon ay gawain lang ng babae at ang trabaho lang niya bilang padre de pamilya ay ang buhayin ang mga ito sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa opisina.
Ngayon, siguradong mapapaliwanagan na ng kaniyang ina si Carmen tungkol sa pagkakaiba ng kanilang mga gawain ’tulad ng nakikita niyang ginagawa noon ng kanilang ama na hindi kailan man kwinestyon ng kaniyang ina.
Ilang araw na ang nakalilipas mula nang tumira sa kanilang tahanan ang kaniyang ina at talagang natutuwa si Ivan sa mga nangyayari. Paano kasi ay madalas siyang paboran ng kaniyang ina at dahil nahihiya sa kaniyang ina ay wala namang magawa si Carmen kundi ang pabayaan na lamang ang hindi niya pagsunod.
“Ivan, pakikarga naman muna si baby. May iniluluto kasi ako sa kusina, baka masunog,” isang beses ay pakiusap sa kaniya ng asawa habang nagluluto ito’t karga ang kanilang anak.
Ni hindi naman nag-abalang lumingon si Ivan sa asawa at nanatili lang na nakatutok sa kaniyang cellphone habang naglalaro ng mobile game. “Bakit kasi pinagsasabay mo? Ilapag mo muna d’yan si baby. Hindi ko naman gawain ’yan, sa akin mo ipinapasa. Alam mo namang pagod ako sa trabaho,” sagot lamang niya na agad namang nagpakunot sa noo ni Carmen.
“Oo nga, Carmen. Hindi ’yan gawain ng asawa mo. Hayaan mo siyang maglaro at ikaw na ang gumawa ng lahat ng ’yan. Akin na muna ’yang apo ko’t gusto kong makarga,” singit naman ng kaniyang ina na lihim pang nakapagpangisi kay Ivan.
Maya-maya pa ay kumalam na ang sikmura ni Ivan. Noon lamang niya naisipang tumayo mula sa pagkakaupo sa malambot nilang sofa. Naabutan niyang nakahain na sa kanilang hapag at nakaupo na roon ang kaniyang ina’t asawa na handa nang kumain.
“Hindi n’yo man lang ako tinawag, kakain na pala,” aniya na sabik na sabik pang kumuha ng sariling plato’t mga kobiyertos nang biglang paluin ng kaniyang ina ang kaniyang kamay.
“At bakit ka namin tatawagin? Si Carmen lang naman ang nagluto nito at tumulong ako sa kaniya sa pamamagitan ng pag-aalaga sa apo ko kaya kami lang ang kakain,” nakangisi namang sagot sa kaniya ng kaniyang ina na ikinagulat ni Ivan.
“Pero, mama, pamilya tayo sa bahay na ’to kaya dapat, sabay-sabay tayong kumain!” katuwiran naman ni Ivan.
“Anak, ang pamilya, nagtutulungan. Hindi pinababayaan ang isa dahil lang hindi mo ’yon gawain. Hindi dahil hindi mo nakita ’yon sa amin ng tatay mo noon ay hindi mo na rin gagawin sa sarili mong pamilya. Gusto mo bang mauwi rin kayo sa hiwalayan ni Carmen ’tulad ng nangyari sa amin ng tatay mo?” tanong pa sa kaniya ng kaniyang ina. Napakamot na lang sa ulo si Ivan dahil sa narinig.
“Ano, Ivan, ganito ba ang gusto mong mangyari? Kung ayaw mong tumulong sa asawa mo, huwag mo ring aasahang aasikasuhin ka niya, ipaghahain o aalagaan. Ang gusto mo pala’y magkaniya-kaniya kayo, e,” dagdag pa ng kaniyang ina na nagpayuko pang lalo kay Ivan. Ang buong akala pa naman niya ay magkakaroon na siya ng kakampi, ’yon pala ay leksyon ang ibibigay sa kaniya ng ina.
Ngunit napagtanto ni Ivan na tama pala ito. Talagang mali ang ginagawa niya sa kaniyang asawa. “S-sorry, ’Ma… sorry, Carmen. Pangako, hindi ko na uulitin pa ’yon,” nahihiyang sabi niya sa mga ito.
Nagkatinginan naman sina Carmen at Aling Marieta bago sila napangiti sa isa’t isa. Nang gabing ’yon ay masaya nilang pinagsaluhan ang iniluto ni Carmen.