Inday TrendingInday Trending
Sinigawan at Pinagmalupitan ng Babae ang Matandang Nakatayo sa Tabi ng Kaniyang Sasakyan; Mapapahiya pala Siya kapag Nalaman ang Dahilan

Sinigawan at Pinagmalupitan ng Babae ang Matandang Nakatayo sa Tabi ng Kaniyang Sasakyan; Mapapahiya pala Siya kapag Nalaman ang Dahilan

Kararating lang ni Sasha sa kanilang opisina at nagmamadali siyang bumaba sa kaniyang sasakyan. Huli na siya para sa presentation na inihanda niya para sa kanilang kompaniya dahil hindi niya inaasahang maiipit siya sa matinding trapiko dahil sa isang aksidente sa daan. Alam niyang hindi maaaring idahilan ’yon sa kanilang mga boss kaya naman ganoon na lang ang kaba ni Sasha na baka hindi siya makahabol.

Lalo pang nakadagdag sa nararamdamang inis ni Sasha nang bago pa man siya tuluyang makapasok sa conference room ng kanilang kompaniya ay nakita niyang naglalabasan na mula roon ang miyembro ng kanilang board. Hindi na raw kasi siya kayang hintayin pa ng kanilang boss dahil may ibang importante pang meeting itong dadaluhan.

Bagsak ang balikat ni Sasha nang lumabas siya sa opisina. Nagpasiya siyang umuwi na lang muna ngayon at magpahinga, dahil talagang nanlulumo siya sa nangyari. Nasayang lang kasi ang ilang araw niyang pagpapagod dahil sa presentation na ’yon na sinira lang ng lintik na trapikong ’yan!

Ngunit hindi pa pala ’yon ang huling makakapagpainit ng ulo niya, dahil hindi pa man siya nakalalapit sa kaniyang sasakyan ay namataan niya ang isang marungis na matanda na nakatayo sa tabi ng kaniyang kotse at nakasandal pa roon habang kumakain ng instant noodles!

Agad na nag-init ang ulo ni Sasha sa nakita kaya naman dali-dali niyang nilapitan ang naturang matanda upang komprontahin… “Ano hong ginagawa n’yo d’yan sa sasakyan ko? Wala ba kayong ibang lugar na p’wedeng kainan?!” galit na anas niya paglapit na paglapit pa lamang niya sa nasabing matanda.

“N-naku, hija, pasensiya ka na, pero kasi—”

Ngunit imbes na pakinggan ang paliwanag nito ay muli itong sinigawan ni Sasha. “Wala ho akong pakialam sa dahilan n’yo! Umalis na ho kayo sa pagkakasandal ngayon sa sasakyan ko at baka marumihan pa ’yan. Naparungis n’yo nga, o! Nakakainis!” nanggagalaiti pang dagdag niya na nagpayuko na lamang sa matanda.

Akma sanang aalis na ito nang biglang lumapit sa kanila ang isa sa mga street sweeper na palaging namamataan ni Sasha sa tapat ng kanilang opisina. Bumaling ito sa matandang sinigawan niya kani-kanina lang. “O, ano? Dumating na ba ang may-ari nitong kotse? Sabi ko naman sa ’yo ay iwan mo na ’yan. Kasalanan naman ng may-ari kung mananakawan siya. Iniwan niyang bukas ang sasakyan niya gayong napakaraming kawatan sa paligid. Bakit ba kasi nagtitiyaga kang bantayan ’yan?” tuloy-tuloy na tanong pa ng nasabing street sweeper dito na ikinabigla naman ni Sasha.

Bigla siyang nakaramdam ng pagkapahiya sa kaniyang sarili matapos malaman ang totoong dahilan kung bakit ito nakasandal sa kaniyang sasakyan. Iyon pala’y naiwan niyang bukas ang bintana niya at nakita nitong may mahahalagang gamit sa loob na maaaring pag-interesan ng masasamang loob kaya nagmalasakit itong bantayan ang kotse niya para sa kaniya! Pagkatapos ay pang-iinsulto’t paninigaw pa ang isinukli niya rito dahil lang mainit ang kaniyang ulo! Halos mahiling niyang sana ay lamunin na lamang siya ng lupa dahil sa sobrang kahihiyan!

Dahil doon ay agad na nag-isip ng paraan si Sasha upang makabawi sa matanda. Naglakas-loob siyang lapitan ito ulit upang humingi ng sinserong tawad sa matanda…

“Pasensiya na po kayo, Tatay. Hindi ko po sinasadyang sigawan at insultuhin kayo. Sobrang pangit lang po talaga ng araw ko ngayon at sa inyo ko naibuhos ’yon. Sana po ay mapatawad n’yo ako,” nayuyukong aniya sa matanda na mabilis naman siyang pinatawad.

“Ayos lang ’yon, hija. Natutuwa ako’t marunong kang umako ng ’yong pagkakamali. Sa susunod ay mag-iingat ka na lang, ha?” paalala naman nito sa kaniya at akmang aalis na ulit nang muli niya itong pigilan.

“Sandali lang po, ’tay. Ang totoo po ay gusto ko rin pong magpasalamat sa inyo dahil sa ginawa n’yong pagmamalasakit sa sasakyan ko kaya sana po ay hayaan n’yo akong ilibre kayo ng masarap na pagkain. Nakita ko po kasing instant noodles lang ang pananghalian n’yo, e,” nahihiyang sabi pa ni Sasha. Hindi naman na tumanggi pa ang matanda at agad na pinaunlakan si Sasha. Kumain sila sa isang maganda at eleganteng restawran na may masasarap na pagkain.

Kinabukasan, hindi akalain ni Sasha na kakausapin siya ng kaniyang boss at sasabihing binibigyan pa siya nito ng isa pang pagkakataong mag-present dahil nasaksihan nito ang ginawa niya para sa matanda! Natuwa ito sa ginawa niyang pag-ako ng kasalanan at sinserong paghingi ng tawad kaya naman naisipan nitong gawin ’yon. Tuwang-tuwa naman si Sasha. Laking pagpapasalamat niya sa matanda, dahil tila naging hulog pa ito ng langit sa kaniya. Dahil doon ay naging regular na ang panlilibre niya sa nasabing matanda na naging kaibigan ni Sasha pagkatapos.

Advertisement