Inday TrendingInday Trending
Hinamak ng Manager ang Aplikante dahil Nakayapak Siyang Dumalo sa Interview; Magbabago ang Ihip ng Hangin sa Pagdating ng Boss Nito

Hinamak ng Manager ang Aplikante dahil Nakayapak Siyang Dumalo sa Interview; Magbabago ang Ihip ng Hangin sa Pagdating ng Boss Nito

Magandang nasimulan ang araw ni Jacob. Handang-handa na siya para sa kaniyang interview sa ina-apply-an niyang kompaniya. Ito ang unang beses na siya ay mag-a-apply ng trabaho pagkatapos niyang makatapos ng kolehiyo kaya naman magkahalong kaba at kasabikan ang nararamdaman niya. Suot ang bagong sapatos na ibinili sa kaniya ng ina ay humayo na si Jacob paalis ng bahay.

Inagahan ni Jacob ang pagbiyahe dahil sa takot na abutan pa siya ng mabigat na pagdaloy ng trapiko. Ayaw niya namang mahuli sa unang interview niya. Ngunit hindi inaasahan ni Jacon na sa kaniyang pagbaba sa sinasakyang jeep ay mamamataan niya ang isang mamá na bagama’t nakasuot nang maayos at magarang damit ay nakapaa naman. Hindi niya maiwasang mawirduhan at magtaka nang sabay habang tinitingnan ang nasabing lalaki.

“Nasira ang sapatos ko sa gitna ng daan at mukhang naipit na sa traffic ang driver ko. Nakakahiya itong hitsura ko, ano, hijo?” iiling-iling na biglang saad ng lalaki kay Jacob habang pilit na tinatawanan ang sarili. Halata ang pagkapahiya sa mukha nito.“Ganoon po ba?” Hindi naman naiwasan ni Jacob na maawa sa kalagayan ng mamá. “Malayo pa naman ang bilihan ng mga sapatos sa lugar na ’to,” aniya pa.

“Kaya nga, e. Hindi ko naman kasi napansin na sira pala ang sapatos na naisuot ko kanina dahil sa sobrang pagmamadali ko. May importanteng meeting kasi akong dadaluhan ngayon at mukhang hindi na ako makahahabol pa. Hindi ako maaaring humarap sa kanila na ganito ang hitsura ko,” dagdag pa nito na halos bumagsak na ang balikat.

“Mukhang malaki po ang mawawala sa inyo kapag hindi kayo nakadalo sa meeting na ’yon.” Napaisip si Jacob. “Gusto n’yo po bang kunin na lang muna’t isuot itong sapatos ko para naman makadalo na kayo roon ngayon na?” alok pa niya na mabilis namang nakapaghatid ng aliwalas sa mukha ng mamá!

“Talaga, hijo? Hindi na ako tatanggi! Naku, maraming salamat! Mabuti na lang at napadaan ka rito!” Hindi magkamayaw sa pagpapasalamat ang mamá.

“Nandito po kasi ako para sa unang interview ko sa trabaho. Sige na ho at baka mahuli pa kayo. Hahayo na rin po ako,” sagot naman niya. Maya-maya pa ay naghiwalay na ng landas ang dalawa ngunit sa pagkakataong ito ay si Jacob na ang nakapaa.

“Ano’ng klaseng hitsura ’yan, Mr. Terano? Bakit nakapaa kang dumating dito sa unang interview mo?” ngunit bungad ng HR Manager na sana’y mag-i-interview ngayon kay Jacob nang makitang wala siyang suot na saplot sa paa. Napakamot na lang siya sa kaniyang ulo at nahihiyang sumagot.

“P-pasensiya na po, sir—”

“Pasensiya?” putol nito sa sasabihin niya. “Huwag mong sabihing kahit maayos na tsinelas man lang ay wala kang pambili?” Nakataas ang isang kilay nito habang may ngiting sumisilay sa isang sulok ng kaniyang labi na para bang nang-iinsulto.

“Hindi naman po. Pasensiya na po talaga, pero baka naman po maaari ninyo akong pagbigyang ituloy ang interview na ito, sir?” pakiusap pa rin ni Jacob kahit na ang totoo ay mukhang imposible na siyang pagbigyan pa nito.

Humalakhak ang manager. “Marami pang naghihintay na aplikante, Mr. Terano. Iyong may mas maaayos na hitsurang pumunta rito at hindi katulad mong marungis at ni wala man lang sapin sa paa,” nangingiwi namang tugon nito.

Akma na sanang tatayo si Jacob sa kaniyang upuan nang biglang may isang pamilyar na tinig na nagsalita sa likuran niya. “Heto na ang sapatos na ‘hiniram ko’ sa kaniya, Mr. Arevalo. Maaari mo na bang ituloy ang interview niya?” Ikinagulat ni Jacob nang sa kaniyang paglingon ay nakilala niya ang lalaking pinahiram niya kanina ng sapatos! “O maaari ding huwag na dahil tinatanggap ko na si Jacob sa kumpaniya ko, dahil siya ang nagsalba sa akin ngayong araw mula sa muntik nang pagkasira ng meeting ko sa mga investors dahil sira ang sapatos na inilagay mo sa kotse ko, Mr. Arevalo,” mariin pang sabi nito.

Nanlaki ang mga mata ni Jacob, pati na rin ng manager na nag-i-interview sa kaniya kanina dahil sa sinabi ng mamá na napag-alaman niyang siya palang may-ari ng kompaniyang pinag-a-apply-an niya ngayon. Walang iba kundi si Mr. Ferrer! Dahil doon ay labis tuloy ang paghingi ng tawad ng manager na si Mr. Arevalo sa kanyia at kay Mr. Ferrer na mabilis namang tinanggap ni Jacob. Tuwang-tuwa siya sapagkat ngayon ay uuwi siyang dala ang isang magandang balita, matapos siyang tanggapin ni Mr. Ferrer sa kompaniya nito bilang personal assistant! Dahil iyon sa walang pagdadalawang-isip na pagtulong ni Jacob sa kabila ng sariling pangangailangan.

Advertisement