Inday TrendingInday Trending
Bigla na lang Itinapon ng Babaeng Ito ang Pagkaing Ibinigay ng Binata sa Pulubi; May Dahilan Pala ang Ginawa Nito

Bigla na lang Itinapon ng Babaeng Ito ang Pagkaing Ibinigay ng Binata sa Pulubi; May Dahilan Pala ang Ginawa Nito

Nakatanaw si Kathy mula sa bintana ng kaniyang opisina at pinagmamasdan ang isa-isang paglabas ng kaniyang mga empleyado. Lunch break na ngunit wala siyang ganang kumain dahil katulad ng dati ay wala na naman siyang kasabay. Wala kasing ni isang gustong makisabay sa kaniya sa pagkain dahil ang tingin sa kaniya ng mga tao sa opisina nila’y isang masungit at nakatatakot na manager.

May katotohanan naman iyon. Talaga namang istrikta si Kathy pagdating sa paghawak sa kaniyang mga kaopisina, dahil ayaw niya nang maulit pa ang nangyari noon dahil sa pagiging napakabait niyang manager. Nagkaroon kasi ng anomalya sa kanilang kompaniya dahil nagkaisa ang mga empleyado nila na gumawa ng kalokohan sa pag-aakalang kaya niya lang din ’yong palampasin dahil mabait naman siya. Inabuso siya ng mga ito kaya naman simula noon ay binago niya ang pamamalakad. Nagsimula siyang magpakita ng pangil at kamay na bakal sa kanila na naging epektibo naman dahil ngayon ay kinatatakutan na siya ng mga empleyado nila, ngunit kapalit n’on ay ang paglayo rin ng loob nila sa kaniya.

Nasa ganoong pag-iisip si Kathy nang makita niya ang isa sa mga empleyado niyang si Jake na nilalapitan ang isang pulubi. Kasama nito ang mga kaibigan at katrabaho nitong sina Miguel at Conrad at mukhang balak nilang abutan ng pagkain ang nasabing pulubing iyon…

Napasinghap ang lahat sa ginawa niya. “B-bakit mo ginawa ’yon, hija? Gusto ko lang namang kumain?” naiiyak pang tanong sa kaniya ng naturang pulubi ngunit napailing lang si Kathy.

Dali-daling tumakbo pababa ng opisina si Kathy at dumiretso sa puwesto ng mga ito. Naabutan niyang hawak na ng pulubi ang pagkaing ibinigay dito ni Jake at akmang kakainin na iyon nang bigla ay malakas iyong tinabig ni Kathy na dahilan upang tumilapon iyon sa kalsada.

“Ma’am, alam po naming boss namin kayo pero mali naman yata ’yong ginawa n’yo?” sabi naman ng isa sa kaniyang mga empleyado na sinundan na ng iba pang bulungan mula sa mga nakakita.

“Kaya kong palitan ang pagkaing ’yon. Sumama muna kayo sa akin sa opisina,” masungit lamang na tugon niya sa kaniyang mga empleyado. Wala namang nagawa ang mga ito kundi ang tumalima sa kaniya.

“Alam kong mali ang ginawa kong ’yon pero may dahilan ako kung bakit ko ’yon ginawa. Gusto kong kayo mismo ang makakita kaya pinaakyat ko kayo rito,” sabi niya bago ipinakita sa mga ito ang kuha ng CCTV kung saan makikitang dinuraan muna ni Jake ang pagkaing iyon bago ibinigay sa naturang pulubi!

Napasinghap muli ang lahat at hindi agad sila nakapagsalita, kaya naman si Kathy na ang muling bumasag ng katahimikan.

“Maaaring masungit at nakatatakot nga akong boss pero hindi masama ang ugali ko para basta na lang mang-api ng walang kalaban-labang matanda. Lalong hindi ako papayag na ang mga empleyado ko pa ang gagawa ng ganitong klaseng kalokohan, dahil hindi ito makatao!” malakas na aniya. Dumagundong pa sa buong opisina ang kaniyang boses na nagpanginig naman sa kalamnan ng tatlong tunay na may sala sa nangyari.

Binalingan ni Kathy sina Jake, Miguel at Conrad na ngayon ay halos isubsob na ang mukha nila sa pagkakayuko dahil sa labis na pagkapahiya. “Kayong tatlo, ito na ang huling araw na makikita ko ang mga pagmumukha ninyo sa opisinang ito, dahil hindi ko kayo kailangan. Baguhin n’yo ang mga ugali n’yo. Matuto kayong mag-isip nang tama. Hindi dahil pulubi itong matanda’y gagawan n’yo ng ganitong kasamang bagay! Magsilayas na kayo ngayon at ipaaayos ko ang mga sweldo n’yo!” sigaw pa niya at dali-dali namang nagpulasan ang tatlong mokong na empleyado.

“Ikaw naman, Jessa, um-order ka ng pagkain na kakasya para sa ating lahat. Iyong masasarap para naman makatikim ng malinis at maayos na pagkain itong si tatay,” baling naman ni Kathy sa kaniyang sekretarya.

“Maraming salamat sa tulong mo, hija,” taos puso namang sabi ng matandang pulubi na tinugon ni Kathy ng isang matamis na ngiti.

Dahil sa pangyayaring iyon ay nag-umpisa nang makita ng kaniyang mga empleyado ang kabutihan sa puso ni Kathy, sa kabila ng kaniyang matapang at nakatatakot na personalidad. Iyon din ang naging simula ng pakikipaglapit ng mga ito sa kaniya kahit pa naroroon pa rin ang kanilang takot. Naging idolo pa siya ng karamihan sa kanila.

Advertisement