Pinagtangkaan ng Kawatang Ito na Gawan ng Masama ang Batang Anak ng Mayamang Negosyante; ‘Henyo’ pala ang Makakalaban Niya
“’Yan na ba ang target na sinasabi n’yo?” tanong ni Jano sa kaniyang mga kasamahan sabay hithit sa hawak niyang sigarilyo habang ang mga mata nila ay nakatingin sa labas ng kanilang sinasakyan.
Sa labas ay kabababa lang ng batang pinag-uusapan nila bilang ‘target’ na pagkakaperahan. Anak kasi ito ng isang mayamang negosyante na matagal nang tinitiktikan ng grupo nina Jano. Maliit lang ang nasabing bata at halatang walang laban sa kanila.
“Madali lang ’to. Abangan n’yo na lang kami mamaya sa hideout at siguradong dala-dala ko na ang magpapayaman sa atin,” ngingisi-ngisi pang sabi ni Jano sa mga kasamahan na naghiyawan naman pagkasabi niya noon.
Bumaba ng sasakyan si Jano at nagsimula nang magmasid sa paligid ng eskuwelahan na pinapasukan ng batang si Christian Morelo, anak ng isang kilalang negosyante na nagmamay-ari ng mga sikat na five star hotel sa iba’t ibang parte ng Pilipinas. Sa nakikita niya ay hindi naman kasi gaanong mahigpit ang seguridad para sa bata kaya naman madali lang para sa kaniya ang trabahong ito.
Noon pa man ay pinapangarap na ni Jano ang yumaman kaya naman kung anu-anong ilegal na gawain ang pinapasok niya. Masiyado kasi siyang tamad para magtrabaho at maghintay na yumaman sa paggawa ng marangal kaya naman ganitong landas ang pinili niya. Dahil doon, maging ang kaniyang sariling pamilya ay itinakwil na siya at pinabayaan. Ngayong mag-isa na siya sa buhay ay lalo niyang inilubog ang sarili sa masamang gawain.
Maya-maya pa ay tumunog na ang bell sa naturang eskuwelahan, indikasyon na awasan na ng mga bata. Dahil doon ay naghanda na rin si Jano sa kaniyang masamang balak. Pumuwesto siya sa gate ng kanilang eskuwelahan at doon ay maingat na inabangan ang batang si Christian. Nang mamataan niyang lumabas na ito ng eskuwelahan ay agad siyang lumapit dito, ngunit sa pagtataka niya ay biglang tumakbo ang bata.
“Natunugan yata ako!” sabi niya sa sarili. Nilingon kasi siya ng naturang bata bago ito tumakbo kaya naman ngayon ay hahabol-habol si Jano. Makailang beses siyang napamura dahil sa liksi nito ngunit hindi siya susuko sa paghabol dito!
Idinaan siya ng bata sa palengke, sa simbahan at sa kung saan-saang eskinita hanggang sa siya at mapagod na katatakbo kaya naisipan na lang niyang tawagan ang mga kasamahan niya. Hindi naman nagtagal ay pinuntahan siya ng mga ito at sama-sama nilang hinabol ang bata sakay ng kanilang sasakyan.
“Napakaliksi ng batang ’yan, p’re! Napagod ako kahahabol,” inis na reklamo ni Jano sa mga kasamahan.
“Tama nga siguro ang nakalap kong impormasyon tungkol sa batang ’yan kanina. Ayon kasi doon ay henyo raw ’yan at isa sa mga nangunguna sa kanilang paaralan. Ngunit hindi ko inaasahang matutunugan niya tayo nang ganoon na lang kabilis,” iiling-iling namang pagsang-ayon ng isa pa.
“Wala na tayong magagawa. Habulin na lang natin ang batang ’yan. Bata lang naman ’yan at kayang-kaya natin ’yan kaya bilisan n’yo pa ang pagmamaneho!” utos naman ni Jano sa mga kasamahan na agad naman siyang sinunod. Tumagal pa ng ilang minuto ang habulan at nakikita nilang napapagod na rin ang bata. Dahil doon ay lalo pa silang naengganyong sundan ito at habulin!
Ngunit lingid sa kaalaman nina Jano na ang tinatahak na pala nilang daan ay ang daan patungo sa police station na ngayon ay nasa kanila nang harapan! Hindi nila inaasahan kanina pa pala nakatagawag si Christian sa mga pulis kaya naman naalerto ang mga ito na dadaan nga ang grupo ng mga kawatan! Nagulat na lang sina Jano nang bigla silang harangin ng mga pulis at palibutan habang nakataas ang mga armas at nakatutok sa grupo nina Jano! Ngayon ay wala na silang ligtas!
Timbog ang grupo ng masasamang loob na nagtangkang gumawa ng masama sa batang henyong si Christian na noon pa man ay naturuan na ng kaniyang mga magulang kung paano maging alerto sa kaniyang paligid. Kaya naman nang makita pa lang nito ang kahina-hinalang sasakyan na dinagdagan pa ng masama at kakaibang pagtitig sa kaniya ni Jano ay tumakbo na siya’t tinahak ang istasyon ng pulisya. Ngayon ay wala nang ibang patutunguhan pa ang grupo nina Jano kundi sa likod ng selda. Laking pagsisisi nila na masiyado nilang minaliit ang kakayahan ng batang hindi nila inaasahang isa palang henyo.