Minaliit ng Dalaga ang Trabaho ng Nobyong Tumutustos sa Luho Niya; Bakit Agad Siyang Nagsisi sa Ginawa?
“Mahal, may regalo ako sa’yo!” masayang untag ng nobyo niyang si Josh.
Hindi pinansin ni Gwen ang lalaki, lalo na’t abalang-abala siya sa paglalagay ng kung ano-anong kolorete sa kaniyang mukha.
Naagaw lang nito ang atensyon niya nang ipakita nito ang isang paperbag kung saan naka-imprenta ang tatak ng isang kilalang kompanya.
Sabik niya iyong hinablot mula sa nobyo saka tiningnan ang nasa loob. Lumawak ang kaniyang ngisi nang makita niya ang damit na matagal niya ng pinapabili rito.
Agad-agad niya iyong sinukat, tuwang-tuwa na may maidadagdag na naman siya sa koleksyon niya.
“Pasensya ka na at natagalan. Pinag-ipunan ko pa kasi ‘yan. Alam ko kasing hindi mo tatanggapin kapag mumurahin lang ang ibigay ko sa’yo,” hinging paumanhin nito.
Ngumisi siya sa nobyo.
“Mabuti naman at alam mo. Siya nga pala, pupunta ako sa bar kasama ang mga kaibigan ko. Iinom kami kaya kailangan ko ng pera,” ungot niya sa lalaki.
Nabuntong-hininga ito ngunit walang salitang dumukot ng pera mula sa bulsa. Napangisi na lang siya dahil alam niyang hindi siya kayang tiisin ng nobyo na noon pa man ay humaling na humaling sa kaniya.
Tatlong taon na silang magkarelasyon kaya alam na alam na nito ang ugali niya at ang pagmamahal niya sa mga materyal na bagay.
Hindi siya nagsusuot ng mumurahing damit at sapatos. Ang gusto niya ay mamahalin ang lahat ng mga gamit niya. Mabuti na lang at tinutustusan ni Josh ang lahat ng luho niya.
Palaging sinasabi ng mga kaibigan niya na ang swerte siya kay Josh. Mabait daw kasi ito at halatang mahal na mahal siya pero para sa kaniya ay mas swerte ang lalaki. Ito ang pinili niyang sagutin mula sa mga nagkakandarapa niyang manliligaw, kaya dapat lang na ibigay nito ang lahat ng gusto niya.
“Oo nga pala, bukas may party sa kumpanya namin, kaya baka gabi na ako makauwi,” pagpapaalam nito sa kaniya.
Nilingon niya ang lalaki.
“Party? Anong party ‘yan? Pwede bang sumama?” kuryoso niyang tanong. Mahilig kasi siyang magpunta sa mga lugar na may sosyalan at makisalamuha ang mga mayayamang tao.
Kunot man ang noo nito sa tanong niya ay sumagot pa rin ito.
“Birthday kasi ng may-ari ng kumpanya at i-aanunsyo na rin kung sino mapo-promote na empleyado ngayong taon. Pwede ka naman sigurong sumama kung gusto mo, wala namang sinabing hindi pwede,” panyaya nito.
Wala sana siyang interes, ngunit nang malaman niya na sa isang mamahaling hotel gaganapin ang party ay pumayag siya. Ni minsan kasi ay hindi pa siya nakarating doon.
Sa araw ng party, sinuot ni Gwen ang pinakamahal at pinakamaganda niyang damit para sa okasyon.
Nang makarating siya sa lugar, binati siya ng eleganteng disenyo ng lugar at ng mga taong alam niyang mayayaman at may sinasabi sa buhay.
Maya-maya pa ay nakita niya ang mga empleyado na mga naka-uniporme pa. Nagtipon-tipon ang lahat sa gitna para makinig sa sinasabi ng host ng programa.
Hinanap niya ang nobyo mula mula sa kumpulan ngunit nabigo siyang mahanap ito.
Susuko na sana siya nang may mahagip ang kaniyang mata. Nakita niya kasi si Josh,
‘Yun nga lang, ang suot nitong uniporme ay kagaya ng suot ng mga janitor at janitress na kausap nito. Malayong-malayo ito sa suot niya na isang mamahaling gown.
Nilapitan niya ito at noon din ay kinompronta niya ang nobyo.
“Anong ibig sabihin nito, Josh? Bakit ‘yan ang suot mo?” Hindi niya maitago ang disgusto sa pananalita.
Takang tiningnan nito ang unipormeng sagot. “Anong mali sa suot ko?”
“Janitor ka? Janitor ka lang? Ang sabi mo sa akin regular ka sa trabaho mo at kumikita ka ng sapat na pera? ‘Yun pala ay napakababa ng posisyon mo sa kumpanyang ‘to,” dismayado niyang litanya.
“Hindi naman ako nagsinungaling. Kumikita naman talaga ako nang maayos sa trabaho ko, hindi man kalakihan,” paliwanag na lalaki.
“Isa pa, anong masama sa pagiging janitor? Bakit pakiramdam ko minamaliit mo ‘ko?” takang tanong nito.
Ngumiwi siya sa lalaki na hindi makuha-kuha ang kaniyang punto.
“Anong gusto mong gawin ko? Ipagmalaki ka gayong tagalinis ka lang pala ng banyo at tagalampaso ng sahig?” sarkastikong banat niya sa opisina.
“Marangal na trabaho ang pagiging janitor, Gwen. At saka hindi naman habang buhay ganito, mapo-promote din ako,” seryoso nitong saad.
Umirap lang siya. “Kailan pa mangyayari ‘yon? Ah, basta, maghiwalay na tayo. Ngayong alam ko na ang totoo, hindi ko na kayang makipagrelasyon pa sa’yo.”
“Hihiwalayan mo ako dahil lang nalaman mong janitor ako?” hindi makapaniwalang bulalas nito.
“Oo, ‘yun ang dahilan. Tingnan mo nga ang hitsura mo ngayon, hindi ka nababagay sa akin. Masyado akong maganda at matalino para magtiis sa’yo. Pwedeng-pwede naman akong humanap ng iba na mayaman at maibibigay ang lahat ng gusto ko,” maanghang niyang sagot.
Aalis na sana siya sa harap nito nang saktong marinig niya ang anunsyo ng host ng party. Binanggit kasi nito ang pangalan ni Josh.
“Tinatawagan po namin si Sir Joshua Reyes sa harapan. Ang bagong manager ng ating department.”
Sinundan iyon ng palakpakan. Kitang-kita niya ang dating nobyo na taas-noong naglalakad papunta sa harap. Nagpalakpakan ang mga tao habang siya naman ay tila natuod sa kaniyang pwesto. Hindi makapaniwala sa narinig.
“Para sa mga bisita nating hindi nakakaalam, isa po sa mga janitor natin si Sir Josh. Ilang taon na namin siyang empleyado at sa loob ng ilang taon, kitang-kita namin ang kaniyang potensyal at kasipagan kaya nagdesisyon kaming i-promote na siya sa wakas. Gusto naming makita ng ibang empleyado na pantay-pantay kaming lahat sa kompanya. Aangat ka basta’t maging masipag at determinado,” paliwanag ng nagsasalita, na umani ng malakas na palakpakan.
Parang nabingi si Gwen sa narinig. Hindi inaasahan na iyon pala ang totoo!
Nang matapos ang party ay agad niyang nilapitan ang dating nobyo.
“Pasensya ka na kanina. Hindi mo naman kasi sinabi agad na mapo-promote ka na pala. Nabigla lang tayong dalawa kanina, hindi ba?” malambing niyang wika sa lalaki.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niyang hindi sumang-ayon ang lalaki sa sinasabi niya.
“Hindi ko babaguhin ang sinabi ko kanina. Naiintindihan ko na ngayon na ang totoo mas mahalaga sa’yo ay pera at materyal na bagay kaysa sa taong nagpapahalaga sa’yo,” malamig nitong tugon.
Matapos nitong sabihin iyon ay walang lingon-likod itong umalis. Naiwan siyang nanghihinayang at balot ng matinding pagsisisi.