Ginamit ng Ginang ang Anak para sa Ambisyon na Makapagpatayo ng Bahay; Sa Huli ay Naudlot din ang Plano Niya
“‘Nay, tama nga kaya talaga ang desisyon ko na sumama kay Billy? Hindi ko pa naman gaano kakilala ‘yung tao.”
Sandaling napahinto si Imelda sa paglalagay ng damit sa maleta ng labing walong taong gulang niyang anak na si Jobelle. Pinukol niya ang anak ng isang hindi makapaniwalang tingin.
“Hindi ka ba nag-iisip? Swerte na ang lumapit sa’yo, papakawalan mo pa? Saan ka naman makakakita ng iba pang lalaki na dadalhin ka sa ibang bansa para bigyan ka ng magandang buhay?” inis na pakli niya sa sinabi ng anak.
Hindi agad ito nakaimik.
“Kasi, hindi po ba parang masyado pa akong bata para sumama–”
Pinutol niya na ang kung anumang idadahilan ng anak.
“G*ga ka ba? Hindi mo ba naiisip na kapag sumama ka kay Billy, mababayaran natin ang mga utang natin at magkakaroon tayo ng pampagawa ng bahay? Bola-bolahin mo lang si Billy. Malay mo ay mamat*y kaagad at ikaw pa ang maging tagapagmana,” nakangising litanya niya sa anak.
Nagpatuloy sa pag-eempake si Imelda. Naisip niya na kahit anong dahilan ni Jobelle ay hindi siya papayag na hindi ito matuloy sa pagpunta sa Amerika. Alam niya kasi na iyon lang ang kaisa-isa nilang tiyansa para umangat sa buhay.
Kinabukasan, maaga pa lang ay abala na sila sa paghahanda. Ihahatid kasi nila si Jobelle at ang nobyo nitong si Billy sa airport.
Kitang-kita ni Imelda na labag sa loob ng anak niya ang pag-alis, ngunit nagp*tay-malisya siya.
“Mag-iiba rin ang isip niya sa oras na makatikim siya ng marangyang buhay. Para sa kaniya rin ito,” sa isip-isip niya habang minamasdan ang eroplanong sinasakyan ng anak na unti-unting lumiliit sa kaniyang paningin.
At hindi naman siya nagkamali. Nang tumawag si Jobelle ay nakarating na raw ito sa bahay ng nobyo. Bakas sa mukha nito ang saya at aliw.
“‘Nay, grabe rito! Ang ganda-ganda!”
Napangiti siya sa sinabi ng anak.
“O, hindi ba? Sabi ko naman sa’yo, masasanay ka rin!” Bahagya niyang hininaan ang boses. “Basta kapag binigyan ka ni Billy ng pera, padalhan mo ako, ha!” bilin niya sa anak.
Agad na napalis ang magandang ngiti ni Jobelle dahil sa sinabi niya. Ngunit tumango naman ito ang nangako.
“Susubukan ko po, Nanay. Basta mag-ingat po kayo riyan!” masiglang bilin nito bago ito nagpaalam na ibababa na ang tawag.
Noong sumunod na linggo ay isang balikbayan box kasi ang dumating. Nang usisain niya ang laman ng bawat kahon ay agad na kumislap ang mata niya nang mamataan ang mga mamahaling bote ng alak.
Mayroon din doong mga pabango, dami, sapatos, at kung ano-ano pa na alam niyang hindi biro ang mga halaga.
Agad-agad ay tinawagan niya ang anak. Bakas sa mukha niya ang labis na kagalakan.
“”Nay! Natanggap niyo na ba’yung mga pinadala ko?” bungad nito.
“Oo, anak! Ang dami!” natutuwang kwento niya.
“Si Billy ang nagpadala nun, ‘Nay. Para raw sa inyo at sa mga kamag-anak natin,” anito.
Napangiti naman lalo si Imelda.
“O, sabi ko naman sa’yo, hindi ba? Mukhang ayos naman ‘yang si Billy!” komento niya.
Masayang-masaya si Imelda. Alam niya na iyon na ang simula ng pag-angat nila.
“‘Nak sa susunod, sana naman dolyar na ang mukha ko,” hirit niya pa bago ibinaba ang tawag.
Nang mga sumunod na buwan ay unti-unti na niyang naramdaman ang pag-angat ng buhay nila dahil sa mga dolyares na padala ni Jobelle. Nagsimula na rin nilang ipagawa ang kanilang bahay.
Kaya naman ganoon ng lang ang galit niya nang isang araw ay makausap niya si Jobelle. Umiiyak ito. Gusto na raw nitong umuwi sa Pilipinas!
“‘Nay, ayoko na rito! May ibang babae si Billy! Napaka-walang hiya niya! Ilang buwan pa lang kami ginaganito niya na ako!” galit na himutok nito.
Marahas siyang napailing.
“Hindi! Bakit ka uuwi? Paano na ang bahay natin? Kakasimula pa lang natin magpagawa ng bahay. Maging matalino ka. Tiyagain mo na lang muna ‘yan, anak!” aniya.
Hindi ito umimik. Ngunit dinig niya ang tuloy-tuloy nitong paghikbi.
“Dadaan talaga ang relasyon niyo sa temptasyon. Patawarin mo ang nobyo mo,” udyok niya sa anak.
Nang bahagya itong kumalma ay noon na siya humirit.
“‘Nak, sa susunod, baka naman pwedeng ibili mo ako nung usong selpon,” ungot niya.
Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito.
“Sige po, Nanay, kapag nagkapera ako,” anito.
Ngunit nang mga sumunod na raw, ipinagtaka niya ang hindi pagtawag ng anak. Nasanay kasi siya na araw-araw itong tumatawag dahil libre naman ang tawag sa Facebook.
Isang linggo ang matuling lumipas. Nagluluto siya sa kusina nang mapapitlag siya. Narinig niya kasi ang boses ni Jobelle.
“Nanay!” tawag nito mula sa labas ng bahay.
Taranta siyang napalabas ng bahay upang salubungin ang anak. Mukhang tuluyan nang napagdesisyunan ni Jobelle na bumalik sa Pilipinas!
Ngunit ikinagulat niya nang walang maabutang tao sa labas ng bahay. Wala doon si Jobelle. Siya lang ang nag-iisang tao roon.
“Baka guni-guni ko lang,” bulong niya.
Pagpasok niya ay tumutunog ang kaniyang selpon. Isang hindi kilalang numero ang tumatawag doon.
“Hello?”
“Kayo ho ba ang ina ni Miss Jobelle Castellano?” bungad ng lalaki sa kabilang linya.
“Ako nga ho, bakit ho?” agad niyang usisa.
Tila gumuho ang mundo niya sa sunod na sinabi nito.
“Ang embahada ho ito. Pinapaalam ko lang po sa inyo na napaulat na namat*y ang anak niyo, matapos siyang bugb*gin ng nobyo niyang si Mr. Billy Jones. Sa ngayon ho ay nakakulong na si Mr. Jones, habang ang mga labi ng anak niyo ay ipapadala namin sa inyo.”
Marami pang sinabi ang lalaki ngunit tulala lamang si Imelda. Hinihiling niya na sana ay masamang panaginip lang ang lahat.
“Ang anak ko! Ang anak ko!” walang patid niyang pagtangis habang nakalupasay sa sahig. Bumalik sa alaala niya ang lahat. Ang pagdadalawang-isip nito na sumama sa lalaki. Ang kagustuhan nitong umuwi na.
Tila siya ang nagtulak dito sa kamat*yan.
Patuloy ang pag-agos ng luha ni Imelda. Awang-awa siya sa anak. Dahil sa ambisyon niya ay nagbuwis ito ng buhay.
Ngunit magsisi man siya ay hindi niya na maibabalik pa ang buhay ng anak.