
Sawi ang Puso ng Dalaga Nang Mapadpad sa Baryo Masayahin; Sa Lugar na Iyon Kaya Maghilom ang Puso Niyang Durog?
“Ano ho? Magpapakasal na ulit kayo sa isang buwan?! Pero ma!” Pakiramdam ni Diana ay may bombang sumabog sa harap niya dahil sa ibinalita ng ina. Ilang buwan niya itong hindi naringgan ng balita dahil abala raw ito sa negosyo na itinayo nito at ng namayapa niyang ama, ngunit iyon pala ay iba ang pinagkakaabalahan nito.
“Eh a-anak, mahal ko naman ang Tito Arthur mo…” nagsusumamo ang tinig ng inang si Adela. Matalim ang tingin na ipinukol ng dalaga dito. Kilala niya ang Arthur na iyon bilang simpleng empleyado lang nila, tapos ngayon pakakasalan nito ang ina niya? Hindi maganda ang pakiramdam niya at tutol talaga siya! Lalo lang lumalim ang tampo niya sa ina nang malamang sa isang buwan na ang kasal. Ibig sabihin lamang ay nakapagdesisyon na ito at ipinaaalam lang sa kaniya.
“Gawin niyo ho ang gusto niyong gawin, mukha namang hindi na mahalaga sa inyo ang nararamdaman ko,” malamig na sabi niya saka tumalikod dito. Mas malapit siya sa ama kaysa sa mama niya, ngunit nang pumanaw ang una ay mas naging abala naman sa negosyo ang mama niya. Hindi rin nito naibigay ang atensyon at kalingang kailangan niya.
Masamang-masama ang loob niya kaya’t dumiretso siya sa apartment ng pinakamatalik na kaibigan na si Celine. Hindi na siya nag-abalang kumatok nang makitang bukas naman ang pinto, ngunit isang tagpo ang sumalubong sa kaniya na nagpamanhid sa buo niyang katawan. Kung kanina ay parang may sumabog na bomba sa harap niya dahil sa sinabi ng ina, ngayon pakiramdam niya ay isang patalim ang tumuhog sa kaniyang puso. Ang bestfriend niya at ang boyfriend niya, pinagtaksilan siya!
Pabalibag na isinara ni Diana ang pinto, narinig niyang hinabol siya ng mga ito ngunit tila wala na siyang naririnig. Agad na sumakay si Diana sa unang bus na nakita niya, dala-dala ang puso niyang nagkandalasug-lasog dahil sa tindi ng mga rebelasyon sa buhay niya. Hindi niya alam kung saan siya papunta, pagbaba sa bus ay bumili siya ng alak sa convenience store at muling sumakay ng isa pang bus.
Nakatulog siya at naalimpungatan lang nang pababain na siya ng driver. Tulala pa ring basta na lang bumaba si Diana sa gitna ng kawalan, at nagsimulang maglakad. Tila natauhan lang siya nang biglang may humawak sa kaniyang braso. Napasigaw siya at handa na sanang tumakbo nang makitang dalawang babae lang pala iyon, ang isa ay lola na at isang tila kasing-edad niya.
“Ay naku ineng! Nagulat naman ako sa iyo, oo! Kako ay saan ka papunta at madilim na. Delikado nang maglakad dito sa gilid ng talahiban!” sabi ng matanda sa kaniya.
Doon niya lang napansin na pagabi na pala. At bigla ulit nagpanumbalik sa alaala niya ang lahat ng nangyari, ang kataksilan ng ina at bestfriend niya. Hindi siya papayag na ganoon na lang, gaganti siya sa mga ito. Nagtanong siya ng direksyon sa dalawa ngunit sinabi ng mga ito na wala na palang bus na dumadaan doon kapag ganoon oras.
“Ako pala si Lily! At heto si Nanay Senyang. Kung gusto mo, sumama ka na lang muna sa baryo namin at doon makituloy ngayong gabi. Huwag kang mag-alala hindi kami masasamang tao,” matamis ang ngiting sabi ng dalagang ka-edad niya. Dahil wala naman siyang choice at mukhang mabait naman ang mga ito ay sumama na siya.
Nakahinga siya ng maluwag nang makarating sila sa isang baryong maraming tao. Isang matandang lalaki ang naghubad ng sombrero at kaswal na bumati kay Nanay Senyang.
“’Gandang gabi Senyang,” sabi ng matandang si Manong Nonoy. Sa mga sumunod na araw ay nagpasya na lang munang manatili doon si Diana. Ang kaniyang biglaang desisyon ay dala na rin sa nakikita niyang kabaitan sa kaniya ng lahat ng baryo. At katulad ng pangalan nitong “Baryo Masayahin”, lahat nga ng tao doon ay talagang tila laging nakangiti. Maliit lang ang baryo at kung magturingan ang mga tao doon ay parang pamilya, nagtutulungan, nagtatalo din paminsan, ngunit nag-aayos din.
Ngunit kahit ang loob niya ay magaan na sa mga tao doon, hindi niya magawang ibigay ang kaniyang puso at hayaan ang mga taong mapalapit sa kaniya. Katulad noong hapong iyon na niyayaya siya ni Lily na makisali sa sayawan sa plaza.
“Sige na, Diana! Tiyak masaya ‘yun! Lagi ka na lang nandyan sa loob ng bahay na inupahan mo eh!” masiglang sabi ng dalaga sabay hila sa kaniya.
“Ano ba!” angil niya dito sabay hila sa braso niya. Napatahimik naman ito at tumalikod din. Bahagya siyang nakonsensya sa ginawa. Nakita niyang papalapit din sa kaniya si Nanay Senyang nang makitang nag-iisa siya sa may gilid. Kinamusta siya nito at tinanong, at ewan niya ba at magaang ang loob niya sa mabait na matanda. Naibahagi niya rito ang pag-aalinlangan niya pati na rin ang naging karanasan niya sa pamilya at kaibigan. Niyakap lang siya nito nang tuluyan siyang maluha.
“Alam mo Diana, maikli lang ang buhay. Bata ka pa kaya hindi mo pa ito marahil napagtatanto. Minsan kapag may masasakit na bagay na nangyari, maaaring magpaalipin tayo sa galit, hindi natin namamalayan na nasayang na pala ang maraming panahon…” sabi nito habang nakatingin sa malayo. Nang sundan niya ang tingin nito ay nakita niyang nakatingin ito kay Manong Nonoy.
May maliit na ngiting naglaro sa labi ni Diana. Madalas niyang nakikita ang mga lihim na tingin ni Nanay Senyang sa matandang lalaki, at base sa mga narinig niya kay Lily ay mukhang may nakaraan ang mga ito at naantala dahil sa ‘di pagkakaintindihan, at para sa kaniya, dahil sa katorpehan ni Manong Nonoy.
Sa kaibuturan ng puso niya ay nagpapasalamat siya sa matanda. Kaya simula noon nakipagtulungan siya kay Lily at iba pang mga taga-baryo upang mapaamin ang dalawa. Tuwang-tuwa naman si Lily dahil sa wakas ay tila naging kaibigan na niya ang mailap na dalaga.
Sa pagsisikap ng lahat ay sa huli, nagkalakas din ng loob si Manong Nonoy na ipagtapat ang pag-ibig kay Nanay Senya, na siya ring naghihintay lang din pala. Ilang buwan din lamang ay ikinasal sila at malaking selebrasyon iyon sa Baryo Masayahin.
Doon din napagtanto ni Diana ang ilang mga bagay. Kung kaya niyang buksan ang puso at suportahan ang mga taong hindi niya kadugo, paano pa ang ina niya na nais lang din ng pag-ibig kahit pa sa edad nito? At dahil Lily, napagtanto niya ang kahalagahan ng totoong pagkakaibigan. Ngayon handa na siyang muling balikan ang buhay niya sa syudad. Bitbit ang mahahalagang leksyong napulot niya sa Baryo Masayahin.
Simula noon ay mas naging mabuti ang relasyon ni Diana at ng ina. Madalas ang naging pagbisita ng pamilya nila Diana na may dala pang mga pasalubong mula sa syudad, na talaga namang mas lalong nagpaligaya sa buong baryo.