Inday TrendingInday Trending
Sa Utang na Loob Nga Raw Lulubog ang Babaeng Ito sa Kaniyang Kapatid, Babayaran Niya Pala Itong Lahat sa Paraang Hindi Niya Inaasahan

Sa Utang na Loob Nga Raw Lulubog ang Babaeng Ito sa Kaniyang Kapatid, Babayaran Niya Pala Itong Lahat sa Paraang Hindi Niya Inaasahan

“Kuya Balong, hindi naman sa panghihimasok sa mga desisyon mo tungkol sa negosyo natin pero kilala mo ba talaga ‘yang si Mayeth? Bakit parang ang gaan yata kaagad ng loob niyo sa isat-isa?” tanong ni Vivian sa kaniyang kuya habang abala itong nagpipintura para sa bagong pwesto nila.

Hindi naman sumagot sa kaniya ang lalaki at nginitian lamang siya. Hindi na nagsalita pa ang babae at kaagad na lamang itong lumayo nang makita niyang papalapit si Mayeth sa kanilang kinatatayuan at inabutan ng tubig ang kaniyang kuya.

Bata pa lamang si Vivian ay laking pasasalamat na niya sa kaniyang kapatid na si Balong dahil ito na ang sumuporta sa kaniya kahit nga nagkaroon na rin sila ng sari-sariling pamilya. Nariyang na-anakan siya ng apat na panganay at wala pa rin siyang matinong asawa kaya naman halos ang kuya na niya ang tumustos ng pag-aaral sa kaniyang mga anak.

“Ma, narinig mo na ba ang usap-usapan dito sa atin tungkol kina Tiyong Balong at Tiyang Anna?” wika ni Isabel, anak ng babae.

“Hindi pa, malamang mabango na naman ang pangalan ng tiyuhin niyo kasi galing ibang bansa at ngayon ay titigil na sa pagtratrabaho. Hulaan ko ang mga sinasabi nila, marami raw tayong pera at nakakayanan pang magnegosyo?” natatawang balik ni Vivian sa kaniyang dalaga.

“Hindi! Lagi raw sinasabi ni Tiyang Anna na may babae si Tiyong Balong at kalat na kalat na nga, siya pa mismo nagsasabi sa mga taong pumupunta sa kaniya,” paliwanag pang muli ni Isabel.

“Sus, alam mo naman ‘yang si Tiyang Anna niyo ay kulang sa pansin. Dati pa man din noong nasa ibang bansa pa ang Kuya Balong ay iyon na ang bukambibig niya pero mayroon ba? Hindi ba at wala naman, hayaan niyo na lang. Tumantanda na rin siguro talaga iyang tiyahin niyo at baka malapit na mag-menopause,” sagot ni Vivian dito at tuloy lamang siya sa paglilista ng mga resibong ginagastos nila sa itatayong negosyo.

Sa kabilang banda ay napa-isip siya bigla nang maalala niya si Mayeth at ang kaniyang kapatid. “Naku hindi ‘yun magagawa ni kuya. Alam ko, napakabuti niyang tao, napakaresponsableng ama at kapatid. May sayad lang talaga ‘tong hipag ko,” isip-isip niya sa sarili saka napayuko upang mawala ito sa kaniyang iniisip.

“Vivian, may pabor sana akong hihingin sa’yo,” seryosong wika ni Balong sa kaniya nang matapos nila ang pwesto sa palengke at magbubukas na ito kinaumaghan.

“Ikaw pa ba, kuya, kahit ano ay gagawin ko para sa’yo. Sa dami ng utang na loob ko sa’yo,” masayang sagot nito sa lalaki.

“Mas madalas kayong magsasama ni Mayeth dito sa pwesto natin dahil ako naman ay may babuyan din na itatayo at patatakbuhin sa atin kaya sana ay magkasundo kayo,” saad nito sa kapatid.

“Sus, ‘yun lang pala. Huwag kang mag-alala, kuya, kahit hindi ko gusto ang hangin ng babaeng iyon ay pakikisamahan ko para sa negosyo natin,” masayang sagot nito sa kapatid.

“Ang ibig kong sabihin ay huwag sana kayong magtatalo at alam ko naman na mapagkakatiwalaan kita kaya sasabihin ko na ito. May relasyon kami ni Mayeth at sa totoo lang ay regalo ko sa kaniya ang puwesto na ito. Pinalabas ko lang na kasosyo siya para hindi maghinala si Anna,” diretsong pahayag nito sabay tapik sa kaniyang balikat.

“Sa lahat ng itinulong ko sa’yo ay ito lang ang unang pabor na hiningi ko kaya naman umaasa akong nasa panig kita,” dagdag pa nito sa kaniya.

Saglit na hindi nakapagsalita si Vivian at kaagad niyang naisip ang kaniyang hipag na si Anna. Bilang babae at bilang marami nang pinangdaanang relasyon ay alam niya ang pakiramdam ng niloloko. Ngunit mas sinasampal siya ng katotohanan na malaki ang utang na loob niya sa kaniyang kuya.

“Kuya, bakit?” mahina at malungkot niyang tanong sa lalaki.

“Alam mo na, tumitikim lang ng ibang ulam. Matagal na kami ni Mayeth, nasa ibang bansa pa lang ako ay magkarelasyon na kami sa Facebook. Hindi ko naman iiwan ang pamilya ko pero talagang nauumay na ako kay Anna at mas nakakahinga ako pagkasama ko si Mayeth,” kalmadong paliwanag ni Balong sa kaniya.

Hindi na sumagot pa si Vivian at mas pinili na lamang niyang hindi umimik. Umuwi muna siya at iniwan ang kaniyang kapatid. Sinabi niya ito sa kaniyang mga anak at kahit ang mga ito ay nagalit.

“Utang na loob talaga ang pinakamahirap bayaran,” inis na sabi ng isa niyang anak.

“Alam mo, ‘ma, kahit ganyan ‘yang si Tita Anna ay hindi nauukol sa kahit sinong babae ang maloko ng asawa nila. Sabihin na nating may problema silang mag-asawa pero ‘yung ilagay ka ni tito sa posisyong ganiyan ay parang sobrang mali. Ginamit ka pa niya para pagtakpan ang relasyon nila, sa malamang sa mga susunod na araw ay mas magiging kaswal na lamang ‘yung dalawa kahit nandoon ka at kapag nalaman ni Tita Anna ang lahat ay damay pati tayo,” dagdag pa nito.

Bago pa man niya ito marinig sa mga anak ay naisip na niya iyon kaya kahit alam niyang gulo ang maidudulot ay mas pinili niyang lapitan ang kaniyang hipag.

“Anna, alam mo naman kung gaano kalaki ang utang na loob ko sa inyo ni kuya at bilang asawa ka niya ay malaki rin ang respeto ko sa’yo kahit nga minsan ay nakakayabangan tayo. Pero ayaw ko lang ang ganitong pakiramdam na parang kapwa ko babae ang tinatalo ko, may babae si kuya at sinabi niya sa akin kung sino. Gusto mo pa bang ituloy ko,” mahina niyang siwalat sa kaniyang hipag.

Mabilis siyang hinarap ng babae at itinigil nito ang kaniyang pagluluto.

“Maraming salamat, Vivian, hindi ko inaasahan na sa akin ka magiging totoo. Masakit man pero pwede mo bang sabihin sa akin kung sino,” maluha-luhang tugon ni Anna sa kaniya.

Niyakap niya ito saka sinabi kung sino at kung paano niya nalaman. Hindi nagtagal ay sumabog ang lihim ng kaniyang kuya hindi lamang sa kanilang pamilya kung ‘di sa buong pook nila. Katulad ng inaasahan ay hindi siya kinikibo ng kaniyang kapatid ngunit hindi niya ito pinagsisisihan dahil para sa kaniya hindi sapat ang utang na loob para makasira ng isang pamilya o manloko ng sino man.

Advertisement