
Ipa-prank ng Babaeng Ito ang Kaniyang Nobyo, Sa Huli’y may Sasabog pala na Isang Sikreto
“Alam mo, Abby, isang dekada mahigit na kayong magkarelasyon niyang si Carlo? Sigurado ka ba talagang pakakasalan ka pa ng lalaking ‘yan?” galit na tanong ni Sheena, kaibigan ng dalaga.
“Alam mo huwag kang mag-alala, kilala ko ang jowa ko simula ulo hanggang utot niya kaya alam kong ako lang ang babae nun. Isa pa, pakiramdam ko ay ito na talaga ang ‘yung taon na hinihintay ko kasi tapos na ‘yung bunso nila sa pag-aaral kaya naman tapos na rin ang obligasyon niya bilang kuya. Sabi niya sa akin noon ay kapag natapos na raw ang lahat ng obligasyon niya sa kaniyang pamilya saka namin sisimulan ang sa amin,” masayang sagot pa nito habang tinutupi ang mga damit niya saka sinasalansan ng maayos sa maleta nito.
“Ibig sabihin ay siya rin ang nagsabi sa’yo na huminto ka na sa pagtratrabaho rito sa abroad para magkapamilya na kayo?” paglilinaw muli ni Sheena sa kaniya.
“Hindi, desisyon ko lang ito. Kasi paano niya ako mayayayang magpakasal kung lagi kaming long distance relationship. Siyempre baka nahihiya lang ‘yun magsabi sa akin pero kapag nalaman niyang hindi na ako babalik dito at sa ‘Pinas na ako magtratrabaho ay lulukso iyon sa tuwa,” masaya pa ring tugon ni Abby.
“Hay naku, itatapon mo ‘yung nagyayabong mong oportunidad dito sa Dubai para sa jowa mong hindi ko alam kung kaya bang suportahan ‘yang luho mo. Good luck na lang sa pag-ibig mo, girl!” mapang-asar na pahayag muli ni Sheena sa kaniya ngunit hindi na niya ito pinansin pa at tinuloy lamang ang pag-iimpake niya ng mga gamit.
Isang accoutant ang babae sa ibang bansa at hindi hamak na mas maganda ang hanap buhay nito kaysa sa kaniyang nobyo at mas malaki rin ang sinasahod. Bukod sa magandang buhay ay mas pangarap ng babaeng ito ang maikasal sa kaniyang kasintahan kahit nga pinag-aawayan na nila ito noon pa dahil gustong-gusto na talaga ng dalaga na maikasal. Siya na lang kasi sa kanilang pamilya at mga kaibigan ang wala pang asawa kaya naman ngayon na nakapagtapos na ang mga kapatid ng kaniyang nobyo ay alam ng babae na wala na itong magiging dahilan pa para hindi nila ituloy ang kasal.
“’By, bakit ka naman ganyan? Ang lamig mo naman sa akin parang hindi ka naman masaya na umuwi na ako ng Pilipinas!” galit na tanong ni Abby sa kaniyang nobyo.
“Ang ganda ng trabaho mo sa ibang bansa, ilang taon kang nagsumikap doon tapos tinapon mo lang para sa akin? Ano sasabihin sa akin ng mga magulang mo, isa pa, hamak na call center agent lang naman ako na wala pa nga sa kalahati ng kinikita mo,” inis ding tugon ni Carlos sa kaniya.
“Bakit mo ba masyadong minamaliit ang sarili mo? Isa pa, trabaho lang ‘yun, pero pamilya ang sisimulan natin. Kaya kong itapon ‘yun para sa atin, trenta na tayo, Carlos! Asikasuhin naman natin ang relasyon natin,” wika ng babae. Ngunit hindi na siya pinatulan pa ng nobyo at mas naging mailap ito sa kaniya ngayon. Hindi niya maintindihan ngunit parang may mali sa kanilang dalawa kaya lamang ay mas nananaig ang tiwala sa kanyang puso na galit lamang ito kaya naman ganoon kalamig ang lalaki.
“Abby, i-prank natin ‘yang si Carlos na kunwari may jowa ka rito sa ibang bansa tapos susundan ka riyan para magpakasal na kayo. Malay mo pagkatapos nun ay mas magising ‘yang si Carlos sa’yo,” suhestiyon ng kaniyang kaibigan na kaagad naman niyang sinakyan dahil usong-uso rin ito ngayon.
Kinaumagahan ay kaagad nilang isinagawa ang plano, tahimik na nanunuod ang dalawa nang tumunog ang telepono ni Abby.
“By, pasagot nga ng phone ko. I-loudspeaker mo nalang tinatamad akong makipag-usap nagyon,” wika niya sa nobyo at mabilis naman na sinagot ng lalaki ang telepono.
“Hello,” malakas na tugon ni Abby sa telepono.
“Abby, nasa airport na ako ngayon. Pupuntahan kita sa inyo at desidido na akong magpapakasal tayo. Ako na rin ang magsasabi kay Carlos sa lahat,” sabi ng lalaking nagsalita sa kabilang linya. Halos mabilaukan si Abby bilang pagkukunwari.
“Sino ka?!” matapang na tanong ni Carlos dito.
“By, ‘wag mong pansinin ‘yan!” pagpipigil ni Abby sa nobyo at mabilis itong umupo upang kuhanin ang telepono.
“Si Chris ‘to, pare, matagal na kaming may relasyon ni Abby at hindi niya lang masabi sa’yo. Nabubulag siya masyado at nanghihinayang sa pinagsamahan niyo pero hindi mo naman siya pinapahalagahan kaya ako na ang bubuo ng pamilya kasama siya,” sabi pa ni Chris sa telepono. Hindi nagsalita si Carlos at tumayo ito saka lumabas, mabilis na sinundan ni Abby ang kaniyang nobyo at pakiramdam niya’y somobra ang pang pa-prank nila rito.
“By, ‘wag kang umiyak! Uy! It’s a prank! Wala akong iba!” natatawang naiiyak na amin ni Abby sa nobyo nang maabutan itong umiiyak sa labas ng pinto nila.
“Abby, patawarin mo ako,” mas lalo pang iyak ni Carlos sa kaniya.
“Hindi ko alam kung saang aso ako hihiram ng mukha pero hindi dapat ganito ang nararanasan mo at mas lalong hindi dapat ako ang piliin mo,” dagdag pa nya.
“Uy, Carlos, joke lang lahat ng narinig mo kanina. Prank lang ‘yun, sorry kung pakiramdam mo minamadali na naman kita. Huwag ka ng umiyak ng ganyan, kalimutan na natin ‘yun,” mabilis na sagot ni Abby sabay yakap sa nobyo.
“Nakabuntis ako ng iba, Abby, halos dalawang taon na rin ‘yung bata,” mahina niyang binulong sa nobya na siyang nakapagpatigil ng oras ni Abby. Pakiramdam niya’y nawalan siya ng pangdinig at tila ba nanlalamig ang kaniyang mga pisnge sa sinabi ng lalaki.
“Ayon ang totoong dahilan kung bakit hindi kita mayaya ng kasal. Nung una akala ko sa bata lang ako mahuhulog, anak ko talaga ‘yun aminado ako pero habang tumatagal at nasa ibang bansa ka mas lumalalim ang pagsasama namin. Akala ko rin ay darating ang panahon na iiwan mo ako at mas pipiliin mo ang magandang buhay sa Dubai katulad ng pangarap mo kaya naghintay na lang ako pero hindi ko na kaya pang magsinungaling sa’yo. Patawarin mo ako, Abby, patawad,” kasunod pang pag-amin ni Carlos sa kanya.
Pinagpilitan man ni Abby na prank lang din ang lahat ng mga sinabi ni Carlos ngunit huli na ang lahat. Dahil totoo ang mga ito at sa isang iglap ay nawala ang isang dekada niyang iningatan na relasyon. Masakit man ngunit nagpapasalamat pa rin siya sa Diyos dahil ginising siya sa katotohanan na pilit niyang pinagtatakpan ng sarili niyang kagustuhan. Ngayon ay bumalik si Abby sa ibang bansa at nagtrabahong muli. Ginawa niya ang lahat ng mga pangarap niya na noon ay pilit niyang nirereserba kasama ang nobyo. Nariyang nakapagbakasyon siya sa ibat-ibang bansa, mas nagkaroon din siya ng oras para sa kaniyang pamilya at mas minahal niya ang kaniyang sarili. Ngayon niya napatunayan na walang edad sa pagpapakasal dahil gano man kayo katagal kung hindi ibibigay sa’yo ito ng Diyos ay hindi mapapasa’yo kahit anong pilit pa.