
Kakapanganak Lamang ng Babaeng Ito Ngunit Iiwan Niya ang Kaniyang Asawa, Gagaling Nga Ba ang Sugat Niya?
“Kailangan daw nating maghanda ng 120k sabi ni Doktora at ila-ligate na rin ako pagkatapos dahil pang-apat ko nang beses na masi-CS, Lando,” wika ni Susan sa kaniyang mister na hawak lamang ang telepono.
“Pano ‘yan, ngayon pa tayo nagkaganito saka may pandemya at wala na akong trabaho,” matabang na sagot nito sa misis niya.
“Bakit, t@m*d ko ba ang bumuo sa batang ‘to?! Humanap ka ng paraan dahil ubos na rin ang ipon ko! Kahit kailan, hindi ko malaman kung bakit ikaw ang binigay sa akin ng Diyos! Hindi ko alam kung anong naging kasalanan ko sa mundo kung bakit niya ako binigyan ng asawang katulad mo!” sigaw ng babae sa lalaki saka ito hinagisan ng unan sabay hawak sa kaniyang tiyan.
“Kapag may nangyaring masama sa akin o sa anak natin, tandaan mo, ibebenta kita kay Satanas!” dagdag pa nito saka pumasok sa kanilang kwarto.
Apat na buwan ding hindi nalaman ni Susan na siya pala ay nagdadalantao kaya naman naging mabigat ang pasok ng kaniyang pagbubuntis lalo na nga nitong nagkaroon ng pandemya. Sabay-sabay ang sakuna at pagsubok sa kanilang pagsasama, nariyang nawalan siya ng trabaho online at sumabay pang nawalan din ang kaniyang mister.
Mas lalo pang umiinit ang ulo niya sa lalaki dahil kahit wala na itong trabaho at maraming naka-ambang silang mga bayaran ay nakahilata lamang ito sa araw-araw. Sa loob ng mahabang panahon ay ngayon lamang niya nakasama ang mister ng halos araw-araw kaya naman aminado siyang may mga ugali itong ngayon lamang niya natutuklasan na siya pa lalong nakakapagpasikip ng kaniyang puso.
“Alam mo, anak, dala lang iyan ng pagbubuntis mo kaya ka ganyan kay Lando. Pang apat niyo ng anak ‘yan pero hindi mo naman iniwan kasi nga mahal mo. Ganyan talaga ang mag-asawa, dumadaan talaga lahat sa ganiyan,” wika ni Aling Gemma, nanay ng babae.
“Pero, ‘ma, kahit ang dami-dami naming problema ay wala siyang ginagawa. ‘Yung simpleng paglilinis lang nga ng bahay ay hindi pa niya maatupag at mas abala pa siya sa paghawak ng telepono. Wala siyang nilalabas na pera at ako ang halos sumasalo sa lahat ng gastusin namin ngayon. Tandaan mo, ‘ma, kahit kailan sa loob ng sampung taon kahit kailan ay hindi ko hinawakan ang atm niya o manghingi ng pera sa kaniya dahil may sari-sarili kaming obligasyon dito sa bahay. Hati kami sa mga bayarin, pero ngayon na parehas kaming walang trabaho ay parang ako lang ang sumasalo ng lahat,” iyak niya sa kanyang nanay.
“Anak, ipahinga mo lang ‘yan,” maiksing sagot ng kaniyang ina saka natapos ang kanilang tawag. Umiyak na lamang si Susan nang tahimik at hinawakan ang kaniyang tiyan.
Buong akala niya ay magkakaroon siya ng mapagmahal at maayos na pamilya dahil iyon lang naman ang dasal niya sa Panginoon ngunit aminado siyang gustong-gusto na niyang iwan si Lando una pa lang. Buong akala niya ay magbabago ang lahat kapag nagka-anak sila kaya lamang ay mas unti-unti nang nawala ang pagmamahalan nila bilang mag-asawa nang madagdagan ang kanilang pamilya.
Pilit man niyang pagtakpan ito sa pamamagitan ng pagkakaroon nila ng maraming obligasyon sa kanilang mga anak at maraming trabaho ay unti-unti na rin siyang nanlulumo sa kaniyang sarili. Tanging pagsis*ping na lang ang nagiging paraan ng kanilang pagmamahal na siyang isinusuka na ng babae dahil hindi ito ang kulang sa kaniya. Alam niya sa sarili na kailangan niya ng pagmamahal at hindi na niya ito nakukuha pa sa kaniyang mister.
Dumaan pa ang ilang mga araw at tahimik lamang na pinagmamasdan ni Susan ang kaniyang asawa at iniisip kung kakayanin ba niyang mabuhay na wala ito.
“Paano ang mga bata, pero paano ka?” iyak niya sa sarili sabay lipat ng kaniyang pansin sa kaniyang halaman.
Hanggang sa dumaan ang mga araw at nakapanganak si Susan. Marami ang tumulong sa kanila at sa kanilang bayarin ngunit buo na ang loob niya para mapigilan pa ng mga ito. Nakipaghiwalay siya sa lalaki at bumalik sa kaniyang ina.
“Nababaliw ka na talaga, Susan, paano ang mga bata? Mas pipiliin mo pa talaga ‘yang kabaliwan mo kaysa sa kapakanan ng mga anak natin?! Tumigil ka,” awat ni Lando sa kaniyang misis.
“Lando, darating ang araw na maiintindihan din tayo ng mga bata. Kung nagsasama na lamang tayo para sa kanila ay hindi ko iyon ipagdadamot sa’yo. Hindi ko ipagdadamot sa’yo ang pagiging ama pero hindi ko na rin ipagkakait pa sa aking sarili ang kalayaan mula sa ganitong relasyon. Hindi na tayo nagmamahalan, Lando, matagal nang tumigil, matagal nang nawala ang pagtingin mo sa akin bilang asawa. Asawa mo ako, hindi lang nanay ng mga anak mo, asawa mo ako,” naiiyak ngunit matigas niyang binitiwan ito sa kaniyang mister.
“Kung magpapahabol ka lang sa akin at magpapasuyo pwede ba, Susan! Matandan na tayo, ang sakit mo sa ulo,” iritableng tugon sa kaniya Lando at iyon na ang huling narinig niya sa asawa nang mapagdesisyunan niyang tama ang gagawin niyang iyon.
Marami ang nagtanong at humusga sa kaniyang ginawa ngunit hinayaan lamang niya ito at idinaan lahat sa dasal. Araw-araw, oras-oras na pinagdarasal ni Susan ang kaniyang mister sa Panginoon na mamulat ang lalaki sa kaniyang pinagdaraan at sa kanilang pagsasama. Hindi naging madali pero unti-unting nakikita ni Susan ang pagbabago ng kaniyang mister. Habang siya naman ay unti-unti rin niyang iniintindi ang sarili at ang mga sugat na hindi narinig at hindi napagbigyang gumaling.