Inday TrendingInday Trending
Hindi Matanggap ng Ama na May Pusong Babae ang Kaisa-Isang Anak na Lalaki Kaya Itinakwil Niya Ito; Muli Silang Pinagtagpo ng Isang Pangyayari

Hindi Matanggap ng Ama na May Pusong Babae ang Kaisa-Isang Anak na Lalaki Kaya Itinakwil Niya Ito; Muli Silang Pinagtagpo ng Isang Pangyayari

“Wala akong anak na binabae!”

Galit na galit si Manolo nang malaman na ang kaisa-isa niyang anak na lalaki ay may pusong babae. Hindi niya matanggap na nagkaroon siya ng anak na lelembot-lembot at talo pa ang kaniyang asawa sa pagiging mahinhin.

“Papa, sorry pero ito po ang pagkatao ko. Sana naman po ay matanggap niyo kung ano at sino ako,” naiiyak na wika ng anak niyang si Nicko.

“Kahit kailan ay hindi ko masisikmurang tanggapin ang pagiging b*kla mo! Ano na lang ang sasabihin ng mga kamag-anak natin at ng mga kaibigan kong pulis kapag nalaman nila na may anak akong salot sa lipunan!”

“Manolo, huwag mo namang pagsalitaan ng ganiyan ang anak mo. Dugo’t laman mo pa rin si Nicko. Kung ano man ang kasarian niya ay tanggapin natin dahil baliktarin mo man ang mundo ay anak pa rin natin siya. Suportahan na lang natin kung ano ang gusto niya,” sabad naman ng asawang si Regina.

“Kung ikaw kaya mong tanggapin ang kalokohan niyang anak mo, ako’y hindi. Simula ngayong araw ay itinatakwil na kita bilang anak ko. Muli lang kitang kikilalanin kung babaguhin mo iyang sarili mo at magpapakalalaki!” banta ni Manolo sa anak.

Napapikit at naikuyom ni Nicko ang mga palad sa sinabing iyon ng ama. Para siyang sinaksak ng punyal sa dibdib nang sabihin nitong itinatakwil na siya bilang anak dahil lang sa kaniyang kasarian.

“Kung iyan po ang inyong pasya, papa, wala na po akong magagawa. Pasensya na po, pero hindi ko kayang baguhin ang aking sarili. Isa po akong b*kla at ipinagmamalaki ko ito. Wala naman po akong ginagawang masama at kahit kailan ay hindi ako naging salot sa ating lipunan. Kahit ako’y inyong itinatakwil ay hindi pa rin po magbabago ang aking pagtingin sa iyo, papa. Mahal na mahal pa rin kita, kayo ni mama,” maluluha-luhang sagot ni Nicko.

Nang araw na iyon ay sinimulan na niyang mag-impake ng mga gamit at aalis na siya sa kanilang bahay. Dahil sa itinakwil na siya ng ama ay hindi na rin siya maaaring manatili pa roon. Wala ring nagawa ang kaniyang ina, hindi rin nito nabago ang pasya ng ama. Maayos siyang nagpaalam sa mga magulang na magsasarili na. Dahil itinakwil na ng sariling ama ay pinutol rin nito ang pagsustento sa kaniyang pag-aaral. Gusto man siyang tulungan ng ina ay wala rin itong nagawa dahil hinaharang ng kaniyang ama ang perang ipinapadala ng ina para sa kaniya. Mula noon ay siya na ang gumawa ng paraan para makapagtapos sa pag-aaral sa high school at maging sa kolehiyo.

Naghanap siya ng trabaho para ipangtustos sa kaniyang pag-aaral. Naging working student siya habang nag-aaral. Hindi naging madali ang buhay niya nang bumukod siya at humiwalay sa mga magulang ngunit ganoon man ang nangyari sa kaniya ay nagpakatatag siya at nagsumikap.

Lumipas ang mga taon. Isang araw, habang nanonood ng TV sa sala ay biglang nanikip ang dibdib ni Manolo. Nahirapan itong huminga kaya tinawag nito ang asawang si Regina.

“R-Regina, R-Regina!”

Dali-daling lumapit ang asawa at nang makitang hirap na hirap na itong huminga ay napasigaw na rin ito sa sobrang takot at pag-aalala.

“M-Manolo! Anong nangyayari sa iyo?! Tulong, tulungan niyo kami!” hiyaw ni Regina habang inaalalayan ang mister.

Nagpatulong siya sa mga kapitbahay nila para maisugod sa ospital ang asawa. Ilang minuto lang ay nasa isang pribadong ospital na sila at mabilis na nadala si Manolo sa operating room. Sinabihan sila ng isang doktor na kailangan nang maoperahan ang lalaki dahil kung hindi ay baka manganib ang buhay nito. Ipinatawag naman ng doktor sa kasamang nurse ang isa pang doktor na magsasagawa ng operasyon.

Nagmamadali namang tinawag ng babaeng nurse ang doktor na dalubhasa sa sakit sa puso.

“Doc, Doc, kailangan po kayo sa operating room sabi ni Doc Caipas!”

“Ganoon ba? Sabihin mo na susunod na ako!” wika ng doktor.

Mabilis na pumunta sa operating room ang doktor at nang makita nito ang pasyenteng ooperahan ay nagulat ito.

“S-siya?!” sabi ng doktor sa isip.

Samantala, hindi na mapakali at kinakabahan na si Regina dahil ilang oras na ang lumipas ay hindi pa rin natatapos ang operasyon sa kaniyang asawa.

“Diyos ko, Kayo na po ang bahala sa asawa ko. Pagalingin Niyo po siya,” wika ng babae sa sarili habang hindi pa rin tumitigil sa paghagulgol.

Maya maya ay nagsilabasan na sa operating room ang dalawang nurse at isang doktor. Tapos na ang operasyon.

“Doc, ano pong lagay ng asawa ko?”

“Huwag na po kayong mag-alala, misis. Successful po ang operasyon. Ginawa po ni Doctor Quitoriano ang lahat para mabuhay ang inyong mister. Ligtas na po siya,” sabi ng doktor na lalaki.

Nanlaki ang mga mata ni Regina nang marinig ang apelyido ng doktor na nagasawa ng operasyon kay Manolo.

“Ano po? Quitoriano rin po ang apelyido ng doktor? Iyon din po ang apelyido namin, doc, eh!” gulat na tanong ni Regina.

Nang biglang lumabas sa operating room ang doktor at laking gulat ni Regina nang makilala ito.

“N-Nicko, anak?!”

‘Di napigilan ng doktor na maluha nang makita ang ina.

“Mama, wala ka nang dapat na ipag-alala, ligtas na po si papa.”

Mahigpit na nagyakap ang mag-ina.

“Isa ka na palang doktor ngayon, anak? ‘Di ako makapaniwala sa narating mong ito. Ikaw pa na itinakwil ng iyong ama ang siya pang magliligtas sa buhay niya. Maraming salamat sa iyo, anak. Patawarin mo kami ng papa mo!” hagulgol ng ina.

“Wala ka namang kasalanan, mama. Matagal ko na pong napatawad si papa. Kahit kailan po ay hindi naman ako nagtanim ng galit sa kaniya. Mula po nang itakwil niya ako bilang anak noon ay hindi ako kailanman sumuko sa buhay. Nag-aral po ako at nagpursige na maabot ang aking pangarap na maging manggagamot at naabot ko po ang pangarap na ito sa aking sariling pagsisikap. Gusto ko pong patunayan kay papa na kahit b*kla ako ay hindi naging patapon ang buhay ko at may silbi ako sa ating lipunan. Balak ko na nga pong umuwi sa atin para ipaalam sa inyo ni papa ang tungkol sa akin ngunit ‘di ko naman inasahan na mangyayari ang gayon kay papa ngunit huwag na kayong mag-alala pa dahil tagumpay po ang operasyon sa kaniya. Mabuti at sa ospital na ito kayo nagpunta,” hayag ni Nicko sa ina.

“Matagal na ring pinagsisihan ng papa mo ang ginawa niya sa iyo, anak. Mula nang umalis ka sa bahay ay naging masasakitin na siya. Masaya ako dahil ligtas na siya at bumalik ka nang muli, anak. Ipinagmamalaki kita,” wika ni Regina sabay yakap ulit nang mahigpit sa anak.

Nang magkamalay na si Manolo ay hindi ito makapaniwala nang malamang ang anak na si Nicko ang nagsagawa ng operasyon sa kaniya. ‘Di niya inasahan na ang anak na itinakwil niya noon dahil ito’y isang binabae ang siya pang magliligtas sa kaniya sa bingit ng kamatayan. Labis ang pagsisisi ni Manolo sa lahat ng nagawa niya noon sa kaisa-isang anak.

“Patawarin mo ako, anak. Sana ay inunawa kita at tinanggap ko ang iyong pagkatao. Nahihiya ako sa ginawa ko sa iyo. Maling-mali ang mga sinabi ko sa iyo noon. Pinagsisisihan ko na ang lahat, anak. Maraming salamat sa pagliligtas mo sa akin,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Manolo habang hawak-hawak ang kamay ng anak.

“Kalimutan na po natin ang nakaraan, papa. Ang mahalaga ay magkakasama na tayong muli. Hinding-hindi ko na po kayo iiwan ni mama. Mahal na mahal ko kayo,” tugon ni Nicko sabay yakap sa ama.

“Mahal na mahal ka rin namin. I’m so proud of you, anak!”

Mula noon ay naging mas malapit na ang mag-ama sa isa’t isa. Buong pagmamalaking ipinakilala ni Manolo sa mga kaibigan niyang pulis ang anak na si Nicko na kahit isang bin*bae ay isa naman sa pinakamahusay na manggagamot sa buong bansa.

Advertisement