Inday TrendingInday Trending
Nagtampo ang Isang Dalaga nang Pagsabihan ng Ina Tungkol sa Pagpili ng Kaibigan; Ang Hindi Niya Pakikinig ang Nagpahamak sa Kaniya

Nagtampo ang Isang Dalaga nang Pagsabihan ng Ina Tungkol sa Pagpili ng Kaibigan; Ang Hindi Niya Pakikinig ang Nagpahamak sa Kaniya

“Jenny, pinapakiusap ng papa mo baka naman daw pwede kang umuwi para sa kaarawan niya. Hindi ka na namin nakasama noong Pasko at bagong taon. Naglalambing ang papa mo sa’yo,” sambit ni Milagros sa kaniyang anak na dalaga.

“Susubukan ko po, ma. Sa totoo lang po kasi ay hirap ako sa byahe. Saka hindi rin po kasi ako makakuha ng bakasyon dahil maraming ginagawa sa trabaho. Isa pa, hindi ko rin maiiwang mag-isa si Trixie sa apartment,” tugon naman ni Jenny sa ina.

“Isa pa ‘yan, Jenny. Baka hindi mo pa lubos na kilala ‘yang Trixie na ‘yan at pinapatuloy mo kaagad sa tinutuluyan mo. Baka mamaya ay kung sinu-sino ang dalhin niyan sa d’yan sa apartment,” paalala ng ina.

“Mabait naman po itong si Trixie. Kailangan lang po talaga niya ng matutuluyan ngayon. Sa katunayan nga po ay nakakatulung-tulong ko siya dito sa apartment. Natatakot lang po talaga siyang mag-isa dito kaya sasamahan ko siya hanggang sa maging panatag siya. Pasensiya na po baka hindi ako makauwi,” wika pa ni Jenny.

“Wala bang pamilya ‘yang si Trixie, anak? Gustung-gusto ka na talaga naming makasama ng papa mo,” pilit pa ni Milagros.

“Susubukan ko po, ma, pero hindi po ako nangangako,” saad muli ng dalaga.

Dalawang taon na rin simula nang magtrabaho si Jenny sa Maynila. Nangungupahan itong mag-isa sa isang maliit na apartment. Kampante naman ang ina sa kaligtasan ng anak dahil alam niyang trabaho at bahay lang naman ang inaatupag ng dalaga.

Ngunit simula nang makilala ni Jenny ang bago niyang kaibigang si Trixie ay halos hindi na mapalagay itong si Aling Milagros. Nakilala lamang ito ni Jenny dahil madalas nila itong parokyano sa convenience store na pinagtatrabahuhan niya.

Napalapit ang dalawa sa isa’t isa at naging magkaibigan. Hanggang sa isang araw ay naglayas daw itong si Trixie. Walang mapuntahan kaya nakiusap siya kay Jenny na pansamantalang makituloy. Mag-iisang buwan na itong kasama ni Jenny sa kaniyang apartment.

Hindi alam ni Aling Milagros kung saan nanggagaling ang kaniyang kaba sa tuwing maiisip niya ang bagong kaibigan ng anak.

Hindi na nga nakauwi pa para sa kaarawan ng ama si Jenny. Nagtatampo man ay wala na silang magawa.

Isang araw ay tumawag si Aling Milagros sa anak.

“Jenny, anak, pasensiya ka na. Pero kulang kasi ang napadala mo. Kailangan ko pang ibili ng gamot ang tatay mo. Alam mo namang hindi pwedeng mahinto ‘yun,” pahayag ng ina.

“Pasensiya na po kayo, ma. Sa totoo lang po ay wala rin akong pera ngayon. Mangutang na muna po kayo riyan at saka ko na lang po babayaran,” saad ni Jenny.

“Napapansin ko, anak, madalas kang walang pera ngayon. Baka naman kung anu-ano na lang ang pinagkakagastusan mo. Baka mamaya ikaw pa rin ang gumagastos para sa pagkain niyang si Trixie,” kumpronta ni Milagros.

“Ma, h’wag pong sasama ang loob nyo. Pero napapansin ko po kasi na sobrang tutol kayo sa pagkakaibigan namin ni Trixie. Mabait naman po siya. Noong isang araw nga ay pinaglaba pa niya ako. At tinutulungan niya ako sa mga gawaing bahay. Siguro ngayon lang ‘to dahil wala pa siyang pinagkukuhaan ng panggastos kaya nanghihiram muna siya sa akin,” paliwanag ng dalaga.

“Sa totoo lang ay ayaw ko talaga sa kaniya. Gusto ko lang naman, anak, na isipin mo muna ang mga gagawin mo. Piliin mo ang mga kakaibiganin mo at patutuluyin mo sa buhay mo. Hindi lahat ay tunay na kaibigan,” saad ng ina.

“Ang sinasabi nyo ba ay mali ang mga desisyon ko. Ma, malaki na po ako. Alam ko na ang tama at mali. Alam ko kung niloloko lang ako o totoo ang pinapakita sa akin. Mabait si Trixie at kung ayaw niyong maniwala sa akin ay bahala kayo. Naiinis na ako na lagi nyo akong sinasabihan na parang hindi ako nag-iisip sa mga ginagawa ko,” galit na sambit pa ni Jenny.

“Pasensiya ka na kung iyon ang dating sa iyo, anak. Hayaan mo at sa susunod ay hindi na kita pakikialaman,” wika ni Aling Milagros.

Lumipas ang mga araw at tila nagkaroon ng tampuhan ang mag-ina. Hindi naman makatiis si Milagros kaya tinetext pa rin niya ang anak. Ngunit dahil alam ni Jenny na sesermunan na naman siya ng kaniyang ina ay minarapat na lang niyang hindi ito sagutin.

Lubhang nag-aalala naman ang kaniyang mga magulang.

Isang gabi ay walang humpay ang pagtunog ng selpon ni Jenny sa tawag ng kaniyang ina. Nguni tinititigan lamang ito ng dalaga.

“Mama mo?” tanong ni Trixie sa kaibigan.

Tumango lamang si Jenny.

“Tara, ‘wag mo nang isipin ‘yang mama mo. Lumabas na lang tayo para makalimutan mo ‘yang problema mo na ‘yan!” paanyaya ng kaibigan.

“Huwag na. Maaga pa ako bukas saka hindi talaga ako sanay sa mga ganiyang lakad. Ikaw na lang. Kumatok ka na lang kung narito ka na,” saad pa ni Jenny.

Ngunit mapilit si Trixie at napapayag na rin niya si Jenny.

Ang hindi alam ni Jenny ay matagal ng may binabalak si Trixie sa kaniya. Nilasing niya masyado ang kaibigan at nang sobrang lango na nito sa alak ay saka niya ito dinala sa isang motel.

Nang nasa kama na si Jenny at wala na itong malay ay saka may dumating na tatlong banyagang lalaki.

“Ito na ang birhen na nais niyo. Ibigay nyo na ang malaking bayad na pinangako nyo sa akin,” saad ni Trixie sa mga banyagang lalaki.

Doon ay pinagsam@ntalahan ng lalaki ang walang kalaban-laban na si Jenny. Nagising na lamang siyang walang saplot at patuloy ang pag-iyak mula sa kab@buyan na nangyari sa kaniya.

Hindi niya akalain na ang tinuturing niyang kaibigan pa pala ang gagawa sa kaniya nito.

Lubos ang pagsisisi ni Jenny dahil naalala niya ang sinabi ng kaniyang ina. Dahil pa sa pagtatanggol niya kay Trixie ay nagkaroon pa tuloy sila ng hidwaan ng inang si Milagros.

Tumawag siya sa ina upang humingi ng tulong at agad silang lumuwas upang puntahan ang anak.

Dito ay napagtanto ng dalaga na wala na talagang hihigit pa sa pagmamahal ng pamilya. Hindi niya lubos maisip kung bakit mas pinili pa niya traydor na si Trixie kaysa ang kaniyang mga magulang na tunay na nagmamahal sa kaniya.

Hindi niya alam ngayon kung paano pa siya makakabangon mula sa bangungot na kaniyang napagdaanan. Gayunpaman, sigurado siyang sa tulong ng kaniyang mapagmahal na mga magulang ay unti-unti siyang makakalimot sa mapait na karanasang iyon.

Advertisement