
Labis ang Hinanakit ng Isang Dalaga nang Malamang May Kakambal Pala Siya; Magbabago ang Kaniyang Pananaw sa Paliwanag ng Kaniyang Ina
Wala na sigurong hindi nakakakilala kay Rachel. Popular kasi ang dalaga sa esklusibong unibersidad na kaniyang pinapasukan dahil sa taglay nitong angking ganda at ubod pa ito ng yaman. Dahil dito ay maraming babae rin ang naiinggit sa kaniya. Hindi kasi mabilang ang mga lalaking nagkakagusto sa dalaga.
Isang araw, habang naglalakad sa pasilyo ang dalaga ay tila kakaiba ang tingin sa kaniya ng mga ka-eskwela.
“Ano kayang meron at ganito silang makatingin sa akin,” pagtataka ng dalaga.
Nang makarating siya sa kanilang silid-aralan ay dali-dali siyang pinuntahan ng matalik na kaibigang si Marie nang makita siya nito.
“Ano ba ang nangyayari sa inyo? Bakit parang lahat ng tao dito sa eskwelahan ay wirdo ngayong araw?” tanong niya sa kaibigan.
“Rachel, umamin ka nga? Nagtatrabaho ka ba sa isang restawran? Naghihirap na ba ang pamilya nyo? Kasi kung meron kang problema ay pwede mo namang sabihin sa akin. Alam mong ako ang bespren mo at hindi kita huhusgahan basta magsabi ka lang sa akin ng totoo,” pahayag naman ni Marie.
“Hindi ko talaga naiintindihan ang sinasabi mo, Marie. May sakit ka ba? Paano namang maghihirap ang pamilya ko? Mayron ba akong dapat malaman? Sabihin mo na sa akin!” naiinis nang sambit ni Rachel.
“Nakuhaan ka kasi ng bidyo ng isa nating kamag-aral. Serbidora ka sa isang restawran. Tinatawag ka nga niya pero halata raw na umiiwas ka. Halika at panoorin mo!” sambit muli ng kaibigan.
“Kailan ba nangyari ‘yan? Bakit naman ako magiging silbidora. Hindi ko talaga naiintindihan. Baka naman kamukha ko lang!” depensa ni Rachel.
Ngunit nang mapanood niya ang naturang bidyo ay pati siya’y nagulat.
Kamukhang-kamukha niya ang nasabing dalaga.
“Sino ang babaeng ito at saan mo siya natagpuan? Napakaimposible nito dahil sobrang magkahawig kami!” sambit pa ng dalaga.
“Aminin mo na kasi, Rachel, na ikaw ‘yan. Nagpapanggap ka na lang ata dahil ayaw mong masira ang pagkakakilala sayo dito sa unibersidad. Kung wala na kayong pera ay pwede ka namang lumipat sa pampublikong paaralan. Hindi ‘yung pinagsisiksikan mo ang sarili mo dito,” sambit ng isang kaklaseng may inggit kay Rachel.
Dahil masyadong nagugulumihanan ay nagtungo si Rachel sa nasabing restawran at doon ay nabigla siya nang makita ang dalagang lubusan niyang kamukha. Nagmasid siya mula sa malayo at kitang-kita pa rin niya ang pagkakapareho ng kanilang itsura.
Agad siyang umuwi upang kumprontahin ang mga magulang. At nagsabi naman din sila kaagad ng totoo.
“Alam naming darating ang araw na ito, Rachel. At walang punto para ilihim pa namin sa iyo ang katotohanan. Hindi kami magkaanak ng papa mo at may isang mahirap na ginang na ipinaampon ka sa amin. May kakambal ka at sa inyong dalawa ay ikaw ang sakitin. Binigyan lamang namin siya ng kaunting panggastos at simula noon ay hindi na namin siya nakita pa,” matipid na sambit ng ina.
Sa katunayan kasi ay hindi na rin maalala ng mga nag-ampon kay Rachel ang mga pangyayari. Hindi na kasi nila nakausap pa nang matagal ang tunay na ina ng dalaga.
Lubos ang sama ng loob ni Rachel sa kaniyang natuklasan. Anong klaseng ina ang kayang ipagbili ang kaniyang sariling anak para sa kakarampot na salapi. At ang lalo niyang ipinagdaramdam ay bakit siya pa ang napiling ipamigay at hindi ang kaniyang kapatid.
“Dahil lang sa sakitin ako? Sa tingin siguro nila ay magiging pabigat ako sa kanila kaya ganun! Pwes, makikita nilang mali ang ginawa nila sa akin!” saad ng dalaga.
Nais na sana ni Rachel na kalimutan ang lahat ng kaniyang nalaman ngunit mayroong bumabagabag sa kaniyang damdamin na tila ba kailangan niyang harapin ang tunay na magulang at ipamukha sa mga ito ang kanyang narating ngayon.
Pumunta si Rachel sa restawran upang balikan ang kaniyang kakambal.
Nang makita siya ng dalaga ay agad itong napaluha.
“Hindi ako maaaring magkamali. Ikaw ang kakambal ko. Kay tagal ka naming hinanap ni nanay,” lumuluhang sambit ng kakambal na si Michelle.
“Pwede mo ba akong dalhin sa nanay mo? Marami lang akong gustong iklaro sa kaniya. Saka gusto ko lang malaman nyo na kahit anong malaman ko ay hindi na ako babalik sa pamilya nyo. Ang gusto ko lang ay malaman ang buong katotohanan,” saad ni Rachel.
Hindi na nagdalawang-isip pa ang kakambal at agad siyang isinama pauwi sa kanilang tunay na ina.
Gulat na gulat ang ina nilang si Aling Mirasol na makita ang kambal na magkatabi at nasa kaniyang harapan.
“Namamalikmata ba ako? Nandito ka ba talaga, anak ko?” hindi na napigilan pang umagos ang mga luha ni Aling Milagros.
Yayakapin sana ng ginang ang anak ngunit tumanggi ito.
“Hindi ako narito para kilalanin kang ina. Gusto ko lang malaman bakit ako ang pinamigay nyo? Dahil pabigat ako? Dahil nakakuha kayo ng malaking pera sa mga kinikilala kong magulang ngayon?” nasasaktan man ay pinipilit ni Rachel na magpakatatag.
“Mali ang akala mo, Rachel. Masakit sa akin namaghiwalay kayong magkakambal pero kailangan kong gawin iyon. Walang sandali na hindi kita naisip. Nasaan ka na? Anong ginagawa mo? Anong tunog ng boses mo?” pahayag ng ina.
“Pero binenta niyo ako sa mga magulang ko ngayon! Ni hindi niyo man lang ako hinanap!” saad ng ginang.
“Hindi ko alam kung sino sila,” tugon ng ina.
“Palagi kang may sakit noon, anak. Awang-awa ako sa’yo dahil wala man lang akong maipangpagamot sa iyo. Ang sabi nga ng mga nakakatanda ay kailangan daw kayong paghiwalayin dahil sa lagi kang magkakasakit. Hindi ako naniniwala sa ganun. Pero nang makita kita na halos nag-aagaw buhay ay kailangan kong gumawa ng paraan.
Nasa simbahan tayo noon at walang tigil ang panalangin ko sa Maykapal na pagalingin ka niya. Nang isang mag-asawa ang narinig ko na nananalangin naman para sa isang anak. Sa hitsura nila ay mukha silang may kaya sa buhay. Kaya naisip ko na kung ibibigay kita sa kanila ay masisigurado ko na mabubuhay ka,” paliwanag pa ni Milagros.
“Patawarin mo ako sa ginawa ko. Hindi ko gusto na malayo ka sa amin ng kapatid mo pero ayaw ko ring mawala ka dahil lang sa mahirap tayo,” dagdag pa ng ginang.
Napaluha na lamang si Rachel. Ngayon ay mas naging malinaw na sa kaniya ang lahat. Hindi niya akalain na ganito pala ang dahilan ng kaniyang ina. Nais lamang pala siya nitong iligtas.
Kung tutuusin ay mas kailangan ni Rachel na magpasalamat sa kaniyang tunay na ina. Kung hindi siya pinamigay ni Milagros ay hindi sana niya makakamtan ang buhay na kaniyang tinatamasa ngayon. Nakapag-aaral siya sa esklusibong unibersidad samantalang ang kaniyang kakambal ay kinailangan na agad maghanapbuhay upang may pantawid gutom silang mag-ina.
Dahil dito ay hiniling ni Rachel sa mga kinikilalang magulang na tulungan ng mga ito ang kaniyang tunay na pamilya. Tinulungan nila na magkaroon ito ng desenteng tirahan at pinag-aral nila ang kakambal na si Michelle.
Mula noon ay naging maluwag na kay Rachel na tanggapin ang katotohanan.
Nagpapasalamat siya sa kumalat na bidyo dahil kung hindi dahil doon ay hindi niya matutuklasan ang tunay niyang pagkatao.