Inday TrendingInday Trending
Itinakas ng Isang Yaya ang Kaniyang Alagang May Espesyal na Pangangailangan; Bandang Huli ay Ito pa ang Nangyari sa Kaniya

Itinakas ng Isang Yaya ang Kaniyang Alagang May Espesyal na Pangangailangan; Bandang Huli ay Ito pa ang Nangyari sa Kaniya

“’Nay, uuwi po ba kayo sa kaarawan ko? Nangako po kayo sa akin. Nung isang taon ay hindi na po kayo nakauwi dahil sa sobrang pagkaabala niyo sa alaga niyo,” sambit ni Nicole sa kaniyang inang si Salome.

“Pipilitin ko, anak. Alam mo naman ang sitwasyon ni Ruth, hindi ba? Basta kung hindi ako makakauwi ay magpapadala na lang ako ng panghanda mo. Pero pangako ko babawi ako kapag nakakuha na ako ng bakasyon,” saad naman ng ginang.

“Naku, ‘nay, nagtatampo na talaga ako sa’yo. Mas mahal mo pa ‘yang alaga mo kaysa sa akin! Basta siguraduhin mo na pag-uwi mo dito ay masosolo ka namin. Miss na miss ka na kasi namin nila tatay at ng mga kapatid ko,” wika pang muli ng dalaga.

“Pangako, anak. Pasensiya na muna kayo kay nanay at kailangan ko lang talagang manatili pa dito ng kaunti,” tugon niya sa anak.

Apat na taon na nang namasukan si Aling Salome sa amo niyang si Diana para alagaan ang espesyal na anak nitong si Ruth, Dahil kailangan daw ng ginang na magtrabaho upang mabuhay ang anak ay minabuti nitong ikuha na lang ang bata ng sariling yaya.

Ngunit habang tumatagal ay nakikita niya ang tunay na kulay ng kaniyang amo. Hindi niya nararamdaman na tunay na mahal nito ang kaniyang anak. Madalas kasi ay iritable ito at kung may panahon ay mas nais pa nitong lumabas kasama ang kaniyang mga kaibigan. Ni hindi niya nabibigyan ng pansin ang pangangailangan ni Ruth.

Isang araw ay sinusumpong si Ruth at walang ginawa kung hindi magsisigaw. Natataranta naman itong si Salome habang ipinaghahanda ang bata ng kaniyang pagkain.

“Sandali lang, Ruth. Matatapos na si yaya. Pinapalamig ko lang ng konti para hindi ka mapaso,” sambit nito sa alaga.

Ngunit patuloy pa rin sa pagsigaw ang bata. Hanggang sa magising na lang si Diana mula sa ingay nito.

“Ano bang ingay ‘yan, Salome? Hindi ba sinabi ko ng ayaw ko ng istorbo dahil masakit ang ulo ko! Hayaan nyo akong matulog!” sigaw ni Diana sa kasambahay.

“Pasensiya na po, Ma’am. Ipinaghahanda ko lang ng pagkain itong si Ruth,” natataranta namang sagot ng ginang.

Ngunit kahit anong pag-amo ni Salome kay Ruth ay ayaw pa rin nitong tumigil sa pagwawala.

Dahil dito ay tuluyan nang nag-init ang ulo ng kaniyang amo at dali-dali itong lumabas ng kaniyang kwarto upang patahimikin ang anak.

“Tumigil ka na sa pagsigaw! Hindi mo ba alam na natutulog ako!” sigaw niya sa anak habang pisil ang mukha nito.

Dahil ayaw pa ring tumigil ng bata ay tuluyan na niyang nasaktan si Ruth. Agad naman itong inawat ni Salome.

“Tama na po, Ma’am. Huwag nyo na pong saktan ang bata. Ako na po ang bahala sa kaniya,” pakiusap ni Salome.

“Letseng buhay ‘to! Bakit kasi hindi pa ‘yan sinama ng tatay nya noon! Ako itong pinahihirapan ng husto! Sila naman ang may mga lahing baliw kaya nagkaganiyan ‘yan!” sambit ni Diana.

Muli nitong sinigawan ang anak na walang tigil sa pag-aalboroto.

“Tama na, ma’am, huwag nyo pong pagsalitaan ng ganiyan si Ruth. Hindi naman po niya kasalanan ang kaniyang kalagayan. Dapat nga po ay mas lalo nating unawain ang kaniyng kundisyon,” muling saad ni Salome.

Ngunit walng pagbabago sa pagtingin ni Diana sa kaniyang anak. Madalas pa niya itong mapagbuhatan ng kamay kung naiirita siya at hindi niya maintindihan ang gustio nito.

Isang araw ay tila naubusan na ng pasensiya si Diana sa kaniyang anak. Kumausap siya ng ilang kaibigan upang tulungan siyang ilagay sa bahay-ampunan si Ruth. Nang marinig ni Salome ang plano ng kaniyang amo ay agad siyang gumawa ng aksyon.

Nang madaling araw na iyon ay ginayakan niya ang alaga at saka niya ito tinakas pauwi ng kanilang probinsiya.

Nang makarating sila sa kanilang bahay ay labis ang pagtutol ng kaniyang mga anak sa kaniyang ginawa.

“Baka makasuhan kayo sa ginawa nyo, ‘nay!” sambit ni Nicole.

“Kasuhan nila kung gusto nila. Pero hindi ko hahayaan na basta na lang nilang ipamigay itong alaga ko. Wala siyang kamalay-malay sa gustong gawin sa kaniya ng sarili niyang ina! Hindi porkit ganito ang anak mo ay may karapatan ka nang ibigay ito sa iba. Kawawa naman itong si Ruth. Dito ay matitiyak ko ang kaniyang kaligtasan,” saad ni Salome.

“Pero sasabihin ko lang sa inyo ang katotohanan, ‘nay. Hindi natin kaya ang mag-alaga ng mayroong espesyal na pangangailangan. Saan tayo kukuha ng pera para sa mga kailangan niya?” paalala muli ni Nicole.

“Bahala na, anak, sa ngayon ay ang nais ko lang ay maging ligtas siya. Kung ipapaampon lang din siya ay mas mabuti pang dito na lang siya sa atin. Alam ko namang dito ay mamahalin niyo din siya at aalagaan,” pahayag pa ng ginang.

Wala nang nagawa pa ang buong mag-anak kung hindi suportahan na lamang ang kanilang ilaw ng tahanan. Mahirap man ay sama-sama silang nag-alaga kay Ruth. Sa unang pagkakataon nga ay nakita niya ang aliwalas sa mukha ng kaniyang alaga.

Samantala ay wala nang balak sana si Diana na hanapin ang kaniyang anak at ipaubaya na lamang ito kay Salome dahil aniya’y paghihirap lang ang dala ni Ruth sa kaniya. Ngunit nabalitaan niyang ang ama ni Ruth ay muling nagbabalik at matagal nang hinahanap ang kaniyang anak. Mayaman na ito ngayon ay nais na niyang panagutan ang bata.

Sa pagkakataong ito ay nakakita ng malaking oportunidad si Diana. Ngunit dahil wala sa kaniya ang anak ay alam niyang mahihirapan siyang gawin ang nasa isip niya. Kaya agad niyang ipnahanap si Salome at ang kaniyang anak.

Pinalabas niyang dinukot ni Salome si Ruth at nanghihingi ito ng malaking pera kapalit ng kalayaan ng anak na may karamdaman.

Agad na natunton ang kinaroroonan ng ginang at ng bata. Sapilitang dinakip si Salome ng mga pulis at ikinulong ito. Muling nakuha naman ni Diana ang kaniyang anak na si Ruth.

Dahil sa labis na pag-aalala sa kaniyang ina ay nilapitan ni Nicole ang ama ng bata at isinalaysay niya ang tunay na nangyari. Napansin din ng ginoo ang tila takot ni Ruth sa kaniyang inang si Diana kahit na nakikita niyang inaalagaan naman ito ng kinakasama.

Hanggang sa isang araw ay walang tigil sa pag-aalboroto itong si Ruth. Akala ni Diana ay wala roon ang ama ng bata kaya nailabas niya ang tunay niyang pakikitungo sa bata. Doon ay nakita ng ginoo na tunay ang sinasabi ni Nicole sa kaniya.

Pinalaya niya si Salome at ipinakita kay Ruth. Labis silang nagulat nang tuwang tuwa si Ruth nang makita ang kaniyang yaya. Hirap man ay pilit itong tumakbo papalapit sa ginang at sobrang pagyakap ang ginawa ni Ruth kay Salome.

“Wala pong nais ang nanay ko kung hindi mapabuti ang anak nyo. Mas itinuring pa niyang anak si Ruth kaysa sa amin. Mas pinipili niya ang anak nyo kaysa sa amin dahil alam niyang kailangan siya nito,” wika ni Nicole sa ama ni Ruth.

Dahil alam na niya ang katotohanan ay iniatras na ang kaso kay Salome. Bagkus ay si Diana ang kanilang kinasuhan sa pang-a@buso sa bata at sa tangkang pagpapaampon dito.

Lubos na nanghingi ng tawad ang ginoo. Bilang pasasalamat ay binigyan ng ama ni Ruth ang pamilya ni Salome ng bahay at ng kabuhayan. Labis din ang pasasalamat ng pamilya ng ginang sa ginawang ito ng ginoo.

Sa kasalukuyan ay si Salome pa rin ang nangangalaga kay Ruth dahil alam ng lahat na kahit na hindi si Salome ang nagluwal sa bata ay mahal niya ito higit pa sa isang tunay na anak.

Advertisement