Masigabong palakpakan ang sumalubong sa mag-asawang Choi at Diana. Panauhin kasi sila ng isang sikat na TV show.
“Everyone, please welcome! Choi and Diana, the owners of Healthy Food, Inc!” todo-ngiting pakilala ng host na si Rick sa mag-asawa.
Nakakamangha ang hitsura ng dalawa. Aakalain mong sikat na mga artista ang mag-asawa nang dahil sa magandang pangangatawan, maamong mukha, at makinis na kutis. Sa pagngiti pa ni Choi at Diana ay lalong nabighani ang mga live guests ng TV show.
“Salamat po sa pag-imbita sa amin,” pagbati ni Diana sa lahat na tinugunan naman ni Choi.
“Sikat na sikat na ang business niyo! Kasabay ng pagbebenta ninyo ng mga affordable at healthy foods, nakakatuwang nanghihikayat pa kayo ng mga tao na magkaroon healthier lifestyle,” sabi ng host na si Rick.
“Sa totoo lang, hindi po namin akalain na magiging matagumpay itong naisipan naming negosyo. Noong una kasi, gusto lang talaga naming makatulong sa mga taong may problema sa timbang nila,” sagot ni Choi na sinang-ayunan ng kaniyang misis.
Nagtaka naman si Rick sa sagot na ito. Tila ba may pinaghuhugutan ang mag-asawa!
“Sa ganda ng pangangatawan niyong mag-asawa, ‘wag niyong sabihing dati kayong mataba?!” nanlalaki pa ang mata ni Rick sa pagtatanong.
Kung titingnan kasi ang mag-asawa, para bang ipinanganak na silang nag gagandahan at tila mga perkpektong nilalang.
“Naku, lahat naman po ito ay dahil sa pagsisikap namin. Ang katunayan po Sir Rick, ang pagkain ang nagtadhana sa amin,” humahagikgik pang sagot ni Diana na animo’y kinikilig nang maalala ang kabataan nilang mag-asawa.
“Parang nakakatuwa at nakakakilig ang istoryang ‘yan ah! Maaari niyo bang ikwento sa amin?” sagot ni Rick sa dalawa.
Napabalik-tanaw si Choi at Diana noong sila ay nasa college pa lamang.
“Napakataba ko noon, mga 6 years ago siguro. College pa kami ni Choi. Madalas, wala akong kasama kapag lunch time na. Palagi rin akong tampulan ng tukso nang dahil nga sa timbang ko. Etong pangalan ko? Dati, sinusumpa ko ‘to. Ang tawag kasi nila sa akin, Diana Dabyana. Bagay na bagay raw,” malungkot ngunit nakangiting kwento ng babae.
“So isang beses, nakabungguan ko ‘yong isa sa pinaka-sikat na bully sa school namin. Natapon ko ‘yong softdrinks na iniinom ko sa uniform niya! Alam ko na ng mga oras na ‘yon na di na ako makakakain ng maayos dahil pagtatawanan nila ako lahat at hindi papatahimikin. Kaya dumiretso ako sa mini garden ng school. Wala kasing nagpupunta masyado doon dahil medyo maraming basura at hindi na nalilinis masyado,” patuloy nitong kwento.
Habang umiiyak si Diana papalakad sa bakuran ng kanilang eskwelahan upang doon kumain, halos mapalundag siya nang makita ang isang lalaki na nakaupo rin doon. Halos katabi na ng basurahan! Kumakain din ng kaniyang pananghalian. At isa pa, kapareho rin niya, malusog na malusog!
“At doon na nga ako pumasok sa kwento. Doon ako kumakain dahil wala ring ibang ginawa ang mga kaklase ko kundi asarin ako dahil sa katabaan ko. Sinumpa niya ang pangalan niya? Ako rin! Choi, tabachoi! Ayan naman ang kantiyaw sa akin,” tugon naman ni Choi.
Sa pagkain nila ng sabay sa bakuran na iyon, doon nila napagkwentuhan ang kanilang mga pagkakapareho. Napuno ng luha at halakhak ang isang oras na iyon. At doon na nga nagsimula ang matamis na pagtitingin nilang dalawa. Naging sandigan nila ang isa’t isa sa mundong punong-puno ng mga mapang-aping tao.
Makalipas ang tatlong taong puno ng pangungutya ng kanilang mga ka-eskwela, magtatapos na ng kolehiyo ang dalawa. Naisipan nilang oras na para magbago. Doon nila napagtanto na mas makabubuti sa kanilang katawan at kalusugan ang pagiging maingat sa pagkain. At higit sa lahat, gusto nilang humaba pa ng lubos ang kanilang buhay upang mas matagal silang magkasama.
Sa kanilang paglalakbay patungo sa mas malusog na pamumuhay, doon na rin nila natagpuan ang oportunidad na kumita sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga “tips and tricks” sa pagpapayat.
“Aba’y grabe, sobrang nakakakilig naman! Kaya’t kayong mga manonood, h’wag kayong mang-aapi ng kahit sino nang dahil lamang sa hitsura o pangangatawan nila ha! Dahil hindi niyo alam kung gaano kalalim ang sugat na naitatanim ng mga panlalait at pangungutya ninyo sa puso ng mga kinakawawa ninyo. ‘Yon lamang po at maraming salamat sa panonood!” paalala at pamamaalam ni Rick sa taumbayan.
Nagyakapan naman ang mag-asawa habang sinasariwa ang lahat ng pinagdaanan nila sa buhay. Ngayon, mas lalo pa silang handa na harapin ang kahit na anong darating na mga pagsubok, basta’t magkasama!