Reunion ng batch 98 ng St. Ignacious Highschool. Ginanap iyon sa gymnasium ng kanilang campus. Formal attire ang tema ng nagaganap na event kaya naman nagkalat ang mga dumalo, suot ang mga naggagandahan nilang nightgown at tuxedo. Lahat ay animo mga nagpapaligsahan.
Sa isang mesa ay naroon ang hilera ng barkadahan nina Ruby noong high school. Masaya ang lahat nang muli silang magkita, ngunit marami ang nakapansin sa tila mabilis na pagtanda ng hitsura ni Ruby, gayong dati ay isa ito sa pinakamagandang babae sa kanilang campus—at isa rin sa pinakamaldita. Ngayon ay tila halos kakabit na ng pangalan nito ang salitang ‘kontrobersiya’ dahil ilang beses na itong napabalita bilang “third party” ng ibaʼt ibang mga personalidad, mapa-politiko man o artista. Gayunpaman, taas noo pa ring um-attend sa naturang event si Ruby upang ipakitang hindi totoo ang mga bintang na ito sa kaniya, kayaʼt wala siyang dapat na ikahiya.
Tila sariwa pa rin sa isipan ng karamihan sa mga dumalo kung papaano pagtawanan, laitin at hamak-hamakin ni Ruby ang isang partikular na babae noon sa kanilang batch dahil sa kulay sunog na balat nito… si Thelma, na mas kilala sa bansag na Thelma Ulikba.
Si Thelma Ulikba ay anak ng isang Afrikano sa isang pinay na dating OFW. Nakuha ni Thelma ang kulay ng kaniyang ama kaya naman naging ganoon kaitim ang kaniyang kulay bukod pa sa pagiging kulot ng kaniyang buhok, na madalas ay nagiging sanhi ng pambu-bully sa kaniya. May kaya naman ang ama nito kaya naman nakapag-aral ito sa maganda-gandang eskuwelahan noong highschool, sa St. Ignacious. Ganoon pa man, hindi pa rin naging madali ang buhay ni Thelma dahil sa halos ilang taong pamamalagi niya sa eskuwelahang iyon ay puro pangungutiya, sa pamumuno ni Ruby, ang kaniyang napala. Walang araw na hindi siya pinagtatawanan, binu-bully at hinahamak nito, sampu ng mga kaibigan ni Ruby.
“Kumusta na nga kaya si Thelma, ano? After we graduated, wala na akong naging balita sa kaniya,” puno ng kyuryosidad na tanong ng isa sa mga nakaupo sa mesang kinabibilangan ni Ruby.
“If I can still remember it clearly, isa si Thelma sa mga naging topnotcher natin noong highscool. Matalino siya, hindi ba? I bet sheʼs successful now,” saad naman ng isa.
Natigil ang pag-uusap nang biglang humalahak si Ruby. Napalingon ang lahat ng nasa hilera ng mesang iyon sa kaniya.
“I bet sheʼs not!” May ngisi ang labing sabi ni Ruby. “Paano magiging successful ang ulikbang ʼyon? Hindi babagay sa pangit niyang mukha ang salitang success!” tumatawang dugtong pa niya. Sa loob-loob ay nagngingitngit siya sa matinding inggit kay Thelma, dahil alam niya ang totoong lagay ng buhay nito ngayon.
Si Thelma, ang tinatawag niyang pangit at maitim na ulikba, ay isa na ngayong super model sa ibang bansa! Nalaman niya iyon, isang araw na nagbasa siya ng isang international magazine na si Thelma mismo ang cover girl!
Lihim namang napapailing ang mga kasama ni Ruby sa mesa dahil sa mga binitawan niyang salita. Nabaling lang ang atensyon ng mga ito, nang biglang tumahimik ang paligid at ang lahat ng mga naroon ay nakatitig sa entrance ng gymnasium!
Isang napaka-elegante at sopistikadang babae ang naglalakad mula sa entrance ng gymnasium habang iginagala ang paningin sa paligid na animo naghahanap ito ng mauupuan! Lahat ay humahanga sa taglay nitong ganda at perpektong hubog ng katawan! Isang nightgown na may simpleng disenyo lamang naman ang suot nito, ngunit tila ba iyon ang pinakamagandang damit sa lahat ng kasuotan ng mga naroon. Ganoon kaganda ang postura ng bagong dating.
“S-si Thelma ba ʼyan?!” pagrerekognisa ng isa sa mga nag-uusap kanina sa mesa nina Ruby. Nagtanguan naman ang mga kausap nito nang hindi inaalis ang titig sa black beauty.
“Oh my gosh! Ang ganda niya!” bulalas pa ng isa sabay kaway kay Thelma. “May vacant seat pa rito, Thelma!”
Magiliw namang pinaunlakan ni Thelma ang alok na upuan ng tumawag sa kaniya at napuno na ng magigiliw na tanungan ang mesa.
“Wait, totoo ba talaga ʼto, Thelma?!” maya-mayaʼy biglang bulalas ng isa sa mga kausap. “Sabi rito sa isang article tungkol sa ʼyo ay milyon daw ang kinikita mo kada araw!”
“Uy, hindi naman,” tanggi naman ni Thelma. Ayaw naman kasi niyang ipangalandakan sa mga itong ganoon kalaki talaga ang kinikita niya bilang modelo. Isa paʼy medyo exaggerated naman ang ilang nilalaman ng article.
Sa kabilang banda, kanina pa napapansin ni Thelma ang nakangiwing mukha ni Ruby. Sa totoo lang ay nag-alinlangan siyang maupo, kasama nito kanina kung hindi nga lang talaga siya halos maubusan na ng puwesto. Hindi dahil natatakot siya rito, kundi dahil alam niyang mapapahiya ito sa lahat ng mga nakatatanda kung paano siya nito itrato noon.
At ganoon na nga ang nangyari. Ang gabing iyon ang pinakanakakahiyang gabi para kay Ruby. Doon niya naranasang pagtawanan nang harap-harapan, malait at makutiya, ʼtulad ng ginagawa niya kay Thelma noon. Samantalang si Thelma ay puro papuri ang natamo. Halos lumubog na sa kaniyang kinauupuan si Ruby. Halos ayaw na niyang itunghay mula sa pagkakayuko ang kaniyang mukha, ngunit ang pinakadumurog kay Ruby nang gabing iyon ay ang paraan ng pagtitig sa kaniya ni Thelma Ulikba… puno iyon ng simpatiya, hindi ng galit.
Pakiramdam ni Ruby ay unti-unti siyang nauubusan ng hangin sa katawan. Pinarurusahan siya ni Thelma, sa pamamagitan ng kabutihan…
Nang gabing iyon, pinagsisihan ni Ruby ang lahat ng masamang nagawa niya sa dalaga, hindi dahil sa pangit at maitim ito, kundi dahil naiinggit siya kay Thelma.