
Sumosobra na si Boss!
“Ano, may pinapagawa na naman sa’yo si Boss Ed?” usisa ng kaibigan niyang si Nikka nang mapansing papalabas siya ng opisina.
“Oo, Niks, pinapagbayad ba naman ako ng tuition ng apo niya!” naghihimutok na reklamo ni Zyrene sa kaibigan.
“Girl, tiisin mo na lang muna. Pasasaan ba’t makakalampas ka na din diyan sa estado mo.”
Napabuntong hininga na lamang ang magkaibigan.
Ang kanilang boss, si Eduardo Macapagal Sr. ay ang abusado nilang bossing. Bukod sa napaka-istirkto na nito sa loob ng opisina, nagagawa pa nitong bigyan sila ng ekstrang trabaho – trabaho na ito ang dapat personal na gumagawa.
Si Zyrene, bilang pinakabagong miyembro ng kanilang team, ang kasalukuyang nakakaranas ng “initiation” na ito. Ginagawa nilang katatawanan ang bagay na iyon sa opisina subalit alam din ni Zyrene na hindi biro ang pinagdaanan ng mga ito.
Sa kasalukuyan, naranasan na ni Zyrene magbayad ng tuition, bumili ng pangregalo, bumili ng cake, mag-organize ng birthday party, mag-shopping, ma-babysit, at madami pang iba.
Bakit walang nagrereklamo? Dahil pinaniniwalaang malakas ang kanilang Boss Ed sa nakatataas. Pinaniniwalaang kumpare nito ang presidente ng kanilang kompanya. Iyon ang madalas nitong sabihin.
Pagod na pagod si Zyrene nang makauwi ng bahay ng gabing iyon. Napakahaba ng ipinila niya makaabot lang sa cut-off nang hapong iyon.
Sa pagpikit ng kanyang mata ay iisa ang nasa kanyang isip: Diyos ko, kailan ba matatapos ang pagpapahirap sa akin?
At nang umagang iyon, tila sinagot ng langit ang kanyang munting panalangin.
“May bago tayong miyembro. Si Lia. Isa siyang intern, so ipagawa niyo lahat ng pwede para matutunan niya lahat ng pwedeng matutunan,” pagpapakilala ng kanyang boss sa bago nilang katrabaho. Sa tantiya ni Nikka ay mas bata ito sa kanya ng hindi lalagpas sa limang taon. Tingin niya ay kaka-graduate lamang nito sa kolehiyo.
“Magandang umaga po. Ako po si Lia. Inaasahan ko po na marami akong matututunan mula sa inyo,” kiming pagpapakilala ng dalaga.
Nagbubulungan naman sina Zyrene at Nikka. “Zy, ibig sabihin ba nito ay graduate ka na sa pagiging personal alalay ng boss mo?”
Umingos si Zyrene sa kaibigan. “Hindi naman ako kagaya ng boss ko, ano!” Umalis siya sa tabi ni Nikka at tiningnan si Lia, na halatang naiilang pa sa kanila.
Nilapitan niya ito at nagpakilala upang kahit paano ay maging kumportable ito.
“Lia, ako si Zyrene. Ako ang executive assistant ni Sir Ed. Pwede ka magtanong sa akin kung may mga gusto kang malaman at matutunan,” pagpapakilala ni Zyrene sa kasamahan.
“Salamat, at nice to meet you.” May munting ngiti sa labi ang dalaga nang sumagot sa kanya.
Dahil likas na magaling makisama, mabilis na nakasundo ni Zyrene ang bagong salta na si Lia. Mukha namang kasing mabait ang dalaga, at hindi ito kagaya ng karamihan sa mga ka-opisina niya, na puro mga tsismosa.
“Zy, mukhang pagod na pagod ka naman, ha? Saan ka ba nanggaling at halos hindi kita nakita maghapon?” Usisa sa kanya ni Lia isang gabi nang magkakayaan sila na kumain bago umuwi.
Napabuga na lamang ng hangin si Zyrene. Ayaw niya sana magkwento dito dahil ayaw niya din naman masira ang kanyang boss dito pero minsan ay talagang sumosobra na ito!
Pumikit siya nang mariin at nagsimulang magkwento sa kaibigan. Gigil na gigil ito nang malaman na maghapon siyang nagbantay ng apo ng kanilang boss dahil may sakit daw ang tagapag-alaga ng bata.
“Bakit pumapayag ka sa ginagawa ni Sir Ed? Pwede nating ireklamo ‘yan eh! Kahit ako, kung ano anong pinagagawa niya sakin na hindi naman sakop ng trabaho ko eh!” Mataas ang boses ni Lia nang magsalita. Tila pigil na pigil ang galit.
“Alam mo naman na ako lang ang nagtatrabaho para sa pamilya ko, Lia. Ayokong magkaroon ng problema sa akin si Boss Ed dahil ayokong manganib ang posisyon ko sa kompanya. Lalo na’t bali-balita na kumpare daw ni Sir ang presidente ng kumpanya.” Laglag ang balita na pagpapaliwanag sa kaibigan ni Zyrene.
Kumunot ang noo ni Lia, tila inaanalisa ang mga sinabi niya. “Paano ka naman nakasiguro na totoo nga ‘yang bali-balita na ‘yan?” maya-maya ay tanong ni Lia.
“Kalat na kalat kaya! Kaya nga walang lakas ng loob ‘yung mga tao sa loob ng opisina na pag-usapan ang pagiging abusado ni Sir kasi ayaw nila mawalan ng trabaho,” pagkukwento niya sa kaibigan.
“Pero alam mo, ‘wag mo na masyado isipin ‘yan. Ayokong mapag-initan ka. Bago ka pa naman. Mahal natin ang trabaho natin kaya kakayanin natin lahat,” determinadong pangungumbinsi niya sa kaibigan.
Tila hindi pa rin ito kumbinsido pero ipinagkibit balikat niya iyon. “Kailangan nang matapos ang kalokohan niya,” maya-maya ay sabi nito. May misteryosang ekspresyon na mababanaag sa maganda nitong mukha.
Isang hapon, habang abala ang lahat sa kani-kanilang mga gawain ay isang Lia ang padabog na lumabas sa opisina ng kanilang boss. Kasunod nito ang paghabol ng kanilang boss sa intern, na dire-diretsong lumabas ng gusali.
Kani-kaniya namang kuro kuro ang bawat isa, na tila may nabuong malisyosong kongklusyon.
Hindi na nagkaroon pa ng tsansa si Zyrene na usisain ang kaibigan nang gabing iyon. Nagulat na lamang sila dahil kimaumagahan, nagliligpit na ng gamit ang kanilang boss nang madatnan nila ito.
Nandun din ang presidente ng kanilang kumpanya na si Mr. Tan.
“Akala ko ba, kumpare niya ‘yan?” Narinig niyang bulong ni Tessa, ang numero unong tsismosa sa kanilang opisina.
“Paano ‘yan magiging kumpare ni papa e hindi niya nga ako kilala?” maya-maya ay sabat ng kung sino sa likod.
“Lia!” Sabay nilang sambit. “Anong nangyari sayo?” Usisa niya sa kaibigan.
“At sino’ng “papa” ang tinutukoy mo?” naguguluhang tanong naman ni Tessa.
Ngumuso si Lia sa opisinang kinalalagyan ng kanilang boss at ni Mr. Tan.
Nanlaki ang kanilang mga mata.
“Imposible!” Halos sabay pa na bigkas nila ni Tessa.
Ngumiti lang ang dalaga. “Matagal nang may haka-haka na madaming kalokohang ginagawa si Sir Ed. Pinapasok ako dito ni papa para kumuha ng ebidensiya, at maparusahan siya. Kahapon, napatunayan ko na halang talaga ang kaluluwa niya. Sinubukan ba naman akong pagsamantalahan!” Nanlalaki ang mata ni Lia habang nagkuwento, tila gimbal pa din sa nangyari dito.
Sila man ay hindi inaasahan ang mga takbo ng pangyayari. Si Lia ay anak pala ng presidente ng kumpanya!
Maya-maya ay natigil ang pag-uusap nila nang lumabas ang kanilang boss, dala-dala ang mga gamit nito, laylay ang balikat.
Kasunod nito si Mr. Tan, na bakas pa rin ang galit sa madilim nitong mukha.
“Wala talagang magandang kahihinatnan ang mga taong abusado,” nasabi na lamang ni Zyrene habang pinapanood ang paglabas ng kanyang boss na nagpahirap sa kanila nang matagal na panahon.
Naramdaman ni Zy ang mabining pagtapik sa kanyang balikat. Ang nakangiting si Lia ang nalingunan niya.
“Salamat,” nakangiting sabi niya sa kaibigan.
Nangako naman ang presidente na sisiguraduhin nito na ang papalit sa kanilang boss ay karapat dapat, responsable, at higit sa lahat, hindi mapagsamantala sa kapangyarihan.