Para kay Letlet, ang bahay nila ang pinakamagandang bahay sa buong mundo.
Sa tuwing siya ay gigising sa umaga, agad siyang babangon at lalabas mula sa kaniyang kuwarto at tutungo sa kanilang sala upang yumakap sa kaniyang nanay, na noon ay nagluluto na ng kanilang agahan. Gagantihan siya nito ng yakap. Ang kaniyang tatay naman, nasa garahe nila, sa harap ng kanilang bahay, at inaayos na ang kanilang “kotse”. Kotse ang tawag dito ng kaniyang tatay kahit na ito ay malayo sa ibang kotseng nakikita niya, dahil de-padyak ito at punumpuno ng mga panindang sitsirya, kendi, sigarilyo, at kung ano-ano pa.
“Kain na anak… muhuhuli ka sa eskwela,” sasabihin ng kaniyang nanay. Magana niyang kakainin ang mga pagkaing inihanda sa kaniya. Habang kumakain, susuyurin niya ng tingin ang kanilang “mansyon”. Pinalaking masayahin at mabait na anak si Letlet. Lahat ng utos ng kaniyang nanay at tatay ay sinusunod niya, lalo na pagdating sa pag-aaral.
Mansyon ang tawag nila sa kanilang bahay. Apat na palapag ang kanilang bahay, subalit hanggang ikalawang palapag lamang ang kanilang nagagamit. Sabi ng nanay niya, bodega na raw kasi ang ikatlo at ikaapat na palapag.
Sa ikalawang palapag, may dalawang kuwarto. Ang isang kuwarto ay para sa kaniyang nanay at tatay, at ang isa ay para sa kaniya. Wala nga lamang siyang kama, kundi papag lamang. Kahit na medyo matigas ang kaniyang papag, mahimbing naman siyang nakakatulog dito.
Medyo marumi nga lamang ang mga dingding at kisame na pagkataas-taas. Mahirap daw kasing linisin sabi ng kaniyang tatay. Marami ring ilawan sa kisame subalit isa na lamang ang gumagana. Ang iba, pundido na. Hindi mapalitan dahil masyadong mataas. Kailangan daw ng mataas na hagdanan.
Nakakatuwa rin ang daanan nila patungo sa ikalawang palapag. Bukod sa hagdanan at “flat” na semento pataas na para daw sa mga nakasakay sa wheelchair o upuang de gulong, may elevator din ito. Subalit hindi pa nila ito nagamit kailanman. Aabot ito hanggang sa ikaapat na palapag, pero sira daw ito sabi ng tatay niya.
Minsan, sinubukan niyang magtungo sa ikatlo at ikaapat na palapag. Bodega nga ito. Karamihan sa mga nakatambak dito ay mga estante, upuan, mesa, timbangan, at marami pang ibang mga gamit na hindi pa niya nakikita sa iba. Pinagbawalan siyang magtungo roon ng kaniyang nanay at tatay. Baka raw may ahas o insektong nangangagat doon kaya huwag raw siyang maglalaro doon.
Ang isa pang ikinatutuwa ni Letlet sa kanilang bahay, nasa tabi ito ng kalsada o highway kaya madali lang para sa kanila na sumakay ng pampasaherong dyip, o kaya naman, nailalabas kaagad ng kaniyang tatay ang kanilang “kotse”.
Madalas, ikinukuwento ni Letlet ang kanilang magara at malaking bahay sa kaniyang mga kaklase. Sila ay nasa Grade 2 pa lamang.
“Dalhin mo naman kami sa masyon ninyo, Letlet! Maglaro tayo roon,” minsan ay nasabi ni Rhea, isa sa mga kaklase ni Letlet.
“Oo nga naman Letlet. Parang masarap maglaro doon. Isama mo kami!” sabi naman ni Alfred, ang crush ni Letlet.
“Kailan mo kami dadalhin sa inyo Letlet? Excited na ako! Gusto kong makakita ng bahay na may elevator,” namimilog ang mga matang tanong ni Maymay.
“Naku, sabi ng nanay ko bawal daw magpapunta ng kahit sino sa bahay eh. Baka mapagalitan ako,” inosenteng sabi ni Letlet.
“Ay ganun ba? Bakit naman?” tanong ni Maymay.
“Ewan. Basta, iyon ang sabi sa akin…” sagot ni Letlet.
Hindi na lamang kumibo ang tatlo.
Sa uwian, nagtaka si Letlet na hindi sumabay sa kaniya ang tatlong kaibigan palabas ng paaralan. Susunduin daw sila ng kanilang mga nanay. Umuwi na nga si Letlet. Araw-araw niyang nilalakad ang paaralan dahil malapit lamang sa kanila. Hindi niya namalayang sinusundan na pala siya ng tatlong kaklase.
Pagdating ni Letlet sa kanilang “mansyon”, bigla siyang tinawag ng tatlo.
“Letlet! Saan ka pupunta?” tanong ni Maymay.
Nagulat si Letlet pagkakita sa tatlong kaklase. “Anong ginagawa ninyo rito?”
“Sinundan ka namin. Gusto kasi naming makita ang sinasabi mong mansyon na bahay ninyo,” sabi ni Rhea.
“Nasaan ba ang bahay ninyong mansyon? Saka, bakit dito ka sa abandonadong building pupunta?” takang tanong ni Maymay.
“Ito ang bahay namin. Ito ang mansyon namin,” inosenteng sagot ni Letlet.
Napamaang ang tatlo.
“Hindi naman bahay iyan eh. Hindi rin mansyon. Haunted building iyan. Diyan kayo nakatira? Ano kayo, pulubi?” tanong ni Maymay.
“Hindi kami pulubi. May trabaho ang tatay ko. Nanay ko umeekstra kina Misis Cruz. Bakit, maganda naman ang bahay namin ah.”
Binuksan ni Letlet ang pinto ng kanilang bahay na de-tiklop, at bumungad sa tatlo ang looban nito. Nakita nga nila ang elevator na sira, ang maluwag na hagdanan, at ang daanan para sa PWD. Nakita rin nila ang makakapal na agiw sa kisame at dingding.
“Tama kayo… abandonadong buiding nga ito mga ineng at totoy. Pero marangal kaming namumuhay rito. Sana huwag ninyong husgahan si Letlet, dahil dito lang kami nakatira. Hindi kami masamang tao. Ok ba iyon sa inyo?” nakangiting sabi ng nanay ni Letlet. Kanina pa pala ito nakikinig sa kanila.
Tumango ang tatlong bata. Pinapasok sila sa loob ng nanay ni Letlet at pinaghanda sila ng meryenda. Hinayaan niyang maglaro ang kaniyang anak at ang mga kaklase nito.
Nang maggagabi na, nagpaalam na rin ang tatlo. Humingi sila ng paumanhin kay Letlet. Pagkaalis ng tatlo, taimtim na kinausap ng nanay ang kaniyang anak.
“Letlet, anak… sa abandonadong building man tayo nakatira sa ngayon, sana huwag mo kaming ikahiya ng iyong tatay. Mahal na mahal ka namin. Gagawin namin ang lahat upang mabigyan ka ng magandang buhay, at upang magkaroon ka ng tunay na mansyon balang araw. Mag-aral kang mabuti,” paalala ng kaniyang nanay.
Niyakap ni Letlet ang nanay niya at umiiyak na sinabing “Opo nanay. Magtatapos po ako ng pag-aaral. Pangako, titira po tayo sa mas malaki at mas magandang mansyon,” pangako niya sa nanay.
Dumaan ang panahon. Ito ang pinanghawakan ni Letlet upang abutin ang kaniyang mga pangarap. Nag-aral siyang mabuti. Naging honor student. Ginawa niya ang lahat upang mapabuti ang buhay. Pumasok siya sa kolehiyo at nagtapos ng BS Architecture.
Nagkaroon ng magandang trabaho si Letlet. Nakaipon nang pera mula sa kaniyang kita at mga sideline projects. Sinimulan niyang idibuho ang sarili niyang mansyon sa blueprint. Bumili siya ng lote upang maitayo ang kaniyang dream mansion.
Ilang taon lamang ang nasimulan na rin ang konstruksyon ng mansyon ni Letlet. Makalipas ang dalawang taon, tapos na tapos na rin ito. Inialay niya ito sa kaniyang mga magulang na ibinigay ang kanilang suporta upang maabot ang kaniyang mga pangarap, na mas malaki at malawak pa sa kanilang “mansyon”.