Inday TrendingInday Trending
Himala Bunga ng Pagtulong

Himala Bunga ng Pagtulong

“Aleli, nakapag-aral ka na ba? Bukas na ang licensure exam natin! Ngayong pa lang kabado na ako!” ‘ika ni Yasmin sa kaklase nang makita ito sa labas ng isang botika habang naghihintay siya nang masasakyang jeep.

“Naku, hindi pa nga, eh, kaya nga ako nagmamadaling umuwi, may sakit kasi ang nanay ko kaya ako nag-aasikaso sa kaniya at sa mga kapatid ko. Ito nga, o, mga gamot na kailangan niya,” sagot ni Aleli saka ipinakita ang mga biniling gamot para sa ina.

“Diyos ko, Aleli! Hanggang saan aabutin ang pag-aaral mo mamaya? Sobrang laki ata ng tiwala mo sa sarili mo, naku, baka bumagsak ka, ha?” sambit nito sa kaniya dahilan upang bahagya siyang manghinayang sa mga araw na nasayang dahil hindi man lang siya nakapag-aral.

“Hindi naman sa malaki ang tiwala ko sa sarili ko, pakiramdam ko nga babagsak na talaga ako doon. Nais ko man mag-aral ngunit mas kailangan ako ng pamilya ko, eh. O, sige na, mauna na ako sa’yo! Magsusunog pa ako ng kilay!” paalam niya sa kaklase nang may dumaang jeep na may rutang dadaan sa kanilang bahay.

Ang dalagang si Aleli na lamang ang tanging pag-asa ng kaniyang pamilya. Dahil nga siya ang panganay at yumao na ang haligi ng kanilang pamilya, pagkatapos na pagkatapos niya sa kolehiyo agad siyang nagtrabaho sa isang restawran upang may kitaing pera habang naghihintay sa takdang araw ng kanilang bar exam.

Sa kabila ng kanilang kahirapan, nagawa niyang makapagtapos ng pag-aaral sa kursong “Medical Technology”. Nais niya kasi talagang maging isang doktor at makatulong sa may mga sakit dahilan upang mas magpursigi siyang makatapos.

Ngunit tila humadlang sa kaniyang pag-aaral ang mga nangyari sa kanilang pamilya. Nagkasakit ng trangkaso ang kaniyang ina isang linggo bago ang kaniyang licensure exam. Ang mga araw na itinakda niya sa pag-aaral ay nauwi sa pag-aalaga niya sa kaniyang ina’t pag-aasikaso sa mga nakababatang kapatid.

Nang araw na ‘yon, habang nasa biyahe, kinuha na ni Aleli ang dala-dala niyang libro sa bag at nagsimula nang mag-aral. ‘Ika niya, “Wala na akong dapat sayanging oras,” ngunit maya-maya habang abala siya sa pagbabasa, bigla na lamang may isang batang nangisay dahilan upang magsigawan ang mga tao. Agad niyang itinabi ang kaniyang libro saka sumigaw ng “Manong! Sa ospital po tayo!” nang makitang maluha-luha na ang ina ng bata. Agad niyang hinablot ang kaniyang panyo saka niya ito pinasok sa bibig ng bata upang huwag makagat ang dila.

Nang makarating sa ospital, agad niyang binuhat ang batang bahagya nang tumigil sa pangingisay at sa kabutihang palad naman, agad itong nalunasan. Labis ang pasasalamat ng ina ng bata sa kaniya. Halos lumuhod ito sa harap niya sa sobrang saya sa kaniyang kabutihang loob.

Ngunit bigla siyang natauhan nang makitang papalapit sa kanila ang isang doktor. Doon niya lamang naalalang kailangan niya palang mag-aral para sa licensure exam nila bukas. Agad siyang tumingin sa orasan at labis siyang nadismaya nang makitang alas diyes na ng gabi. Napansin siya ng ina ng bata dahilan upang tanungin siya, “May problema ba, hija?”

Agad naman siyang sumagot at sinabing bukas na ang kaniyang licensure exam at hindi pa siya nakakapag-aral.

“Naku, pasensya ka na! Sige, hija, maaari ka nang umalis, kaya ko na ito. Maraming salamat ulit, ha? Hayaan mo, Diyos na ang bahala sa’yo! Wala man akong magagawa para sa exam mo, ipagdarasal kita! Sigurado ako na sa kabutihan ng puso mo, pagpapalain ka! Inuna mo pang umaksyon kaysa mag-aral!” sambit ng ginang na labis namang nakapagbigay inspirasyon sa kaniya.

Pagkatapos noon, nagmadali na siyang umuwi. Sumakay na muli siya sa jeep at kinuha muli ang kaniyang libro. Maya-maya pa, biglang tumunog ang kaniyang selpon at may tumatawag.

Tila nabuhayan naman siya nang loob nang mabalitaang naatras sa susunod na linggo ang kanilang licensure exam dahil sa mabigat na traffic na inaasahan bukas sa lugar ng kanilang pagdarausan ng pagsusulit. Halos mapatalon siya sa jeep dahil sa sobrang saya. ‘Ika pa ng kaniyang kaklase, “Anak ka talaga ng Diyos! Alam mo bang napakaliit ng porsyentong maatras ‘yon? Binigyan ka pa talaga ng oras para mag-aral!”

Mangiyakngiyak siyang bumuntong hininga sa labis na pasasalamat sa Diyos. Paulit-ulit niyang sabi, “Salamat po! Salamat talaga, Diyos ko!”

Tila umayon naman ang mga sitwasyon sa mga araw na inilaan niya sa pag-aaral. Gumaling na ang kaniyang ina at ito na ang nag-asikaso sa kaniyang mga kalatid dahilan upang ganoon siya makapag-aral ng ayos. Nahihirapan man siya sa pag-aaral at tila nais na sumuko, lagi niyang pinapaalahanan ang sarili na hindi niya dapat sayangin ang pangalawang pagkakataong binigay sa kaniya.

Lumipas na ang isang linggo at tuluyan na ngang nakakuha ng pagsusulit ang dalaga. Isang buwan lamang, lumabas na ang resulta. “Pasado ako!” bungad niya sa kaniyang pamilya dahilan upang maglundagan ang mga ito’t maghiyawan.

Ganoon na lamang ang sayang bumabalot sa puso ng dalaga. Hindi naman nagtagal, nakapasok na siya sa isang ospital at ganap ng isang doktor. Ito na ang naging simula upang ganoon na siyang makaipon at makatulong sa kaniyang buong pamilya.

Nakikita na siya ng ginang na tinulungan niya sa ospital at laking tuwa nito sa kaniyang tagumpay.

May pagkakataon talagang kapag inuna natin ang kapakanan ng iba, mas pagpapalain tayo.

Ang pagtulong sa kapwa’y maaaring magdala sa’yo sa tagumpay, nawa’y huwag kang magbulag-bulagan kapag may nakita kang nangangailangan ng tulong.

Advertisement