Inanod sa Ilog ang Lahat ng Nakubra Ko!

Madiskarte sa buhay si Jojo. ‘Ika nga niya kailangan mong pairalin ang utak mo sa lahat ng panahon at samantalahin ang bawat pagkakataon na darating sa iyong buhay. Ayos lang kahit mali sa paningin ng iba ang kaniyang pamamaraan. Ang importante ay nakinabang siya sa kaniyang ginawa. Hindi siya nalamangan ng iba.

Malaki ang pinagkaiba ni Jojo sa maprinsipyo niyang tiyuhin na si Lito. Mahalaga kay Lito ang pagiging patas. Ayaw niya nanglalamang ng kaniya kapwa. Maliban pa dito ay ubod ng bait ng lalaki. Kahit kapos siya sa pamumuhay ay hindi niya tinatanggihan ang mga taong humihingi sa kaniya ng tulong.

Isang araw ay nakibahagi ang mag-tiyuhin sa pa-raffle sa kanilang lugar. Kung susuwertehin ang isa man sa kanila ay maaari silang manalo ng TV, laptop o tablet. Maraming mga minor prizes din ang ipamimigay tulad ng mga bentilador at rice cooker. Maliban pa doon ay hindi na sila lugi sa binayad nilang singkwenta pesos para sa dalawang ticket kung sakaling mananalo sila ng isang kaban ng bigas, malaking lata ng gatas o malaking supot ng sabon man lang.

“Jojo, hawakan mo muna itong ticket ko. Magc-CR lang muna ako. Kapag tinawag ang numero ko puwede bang kunin mo iyong premiyo ko?” pakiusap ni Lito sa pamangkin. “Sige po. Basta bumalik kayo agad, ha,” tugon ni Jojo.

Habang wala pa si Lito ay biglang tinawag ang numero ng kaniyang ticket. Nanalo siya ng isang kaban ng bigas. At dahil si Jojo ang may hawak ng kaniyang ticket ay ito na ang kumuha ng kaniyang napanalunan.

“Natawag ba ang numero ko?” tanong ni Lito sa kaniyang pamangkin noong siya ay makabalik. “Hindi pa po natatawag ang ticket niyo,” pagsisinungaling ng binata.

“Kung ganoon kanino ang bigas na dala-dala mo?” usisa ng lalaki. “Iyong numero ng ticket ko po ang natawag. Isang kaban ng bigas ang napanalunan ko,” sagot ni Jojo.

“Sige ho. Mauuna na ako sa inyo. Wala na namang dahilan para magtagal pa ako dito. Ito na po ang raffle ticket niyo. Sana ay suwertihin din po kayo,” pamamaalam ni Jojo bago ito nagmamadaling umuwi bitbit ang inangkin niyang premiyo ng kaniyang tiyuhin.

Advertisement

Abot tenga ang ngiti ng lalaki. Nakadelihensiya siya ng bigas ng walang kahirap-hirap at wala ni singko sentimos ang lumabas sa kaniyang bulsa. Ang tiyuhin kasi niya ang nagbayad para sa raffle ticket niya kanina.

“Iba na talaga ang matalino. Nauuto maski sariling kadugo,” saad ni Jojo sa kaniyang sarili.

Ilang araw matapos ang pa-raffle sa kanilang lugar ay isang malakas na bagyo ang sumalanta sa buong siyudad.

Ang bahay ni Jojo ay nakatayo malapit sa ilog. Gawa lamang ito sa mga pinagtagpi-tagping mga kahoy at yero. Mabilis na tumaas ang tubig at kasama ang bahay ng binata sa mga inanod ng rumaragasang ilog. Noong araw na iyon ay hindi kaagad nakauwi ang binata galing sa trabaho. Bukod sa matinding trapik ay nahirapan din siyang makasakay ng dyip dulot ng malakas na ulan. Wala siyang naisalbang mga gamit. Ang premiyong bigas ni Lito na inangkin ng kaniyang pamangkin ay natangay din ng ilog. Hindi napakinabangan ni Jojo ang ninakaw niyang bigas.

Nang malaman ni Lito ang sinapit ng kaniyang pamangkin ay walang pagdadalawang-isip niya itong pinatuloy sa kaniyang tirahan. Inilaan niya ang isang kuwarto para kay Jojo. May komportableng kama, bentilador at aparador na rin para magamit ng binata. Binigyan niya rin ito ng ilang mga damit.

“Dumito ka na lang, Jojo, tutal mag-isa lang naman ako sa bahay. Mas makakatipid ka pa. Paghatian na lang natin ang mga gastusin sa bahay,” saad ni Lito.

Hiyang-hiya si Jojo sa kaniyang tiyuhin. Ang Tiyo Lito niya kasi ay madalas nagiging biktima ng kaniyang pananamantala. Ubod kasi ng bait ng lalaki at malaki ang tiwala nito sa kaniyang kapwa. Hindi man lang ito nakakahalata na ilang beses na niya itong naloko.

“Hindi niyo po ako dapat tinutulungan. Hindi po ako kapat-dapat. Nararapat lamang na kunin sa akin ang lahat ng pagmamay-ari ko. Kaparusahan ko ito sa lahat ng aking nagawa. Ang lahat ng mayroon ako ay bunga ng panloloko ko sa iba. Ang mga materyales na ginamit ko para mapatayo at mapaganda ang aking bahay ay mula sa pagnanakaw ko sa mga construction site kung saan ako nagtatrabaho. Ang mga kasangkapan ko sa bahay ay nanggaling sa panloloko ko sa mga nagpapagawa sa akin ng mga gamit. Sinasabi ko sa kanila na mas mapapamahal sila kung ipapagawa nila ang kanilang gamit kahit madali lang naman ayusin ang sira ng mga ito. Pagkatapos ko silang mapaniwala ay aakuin ko ang pagdispatya ng mga ito pero ang totoo ay aayusin ko ito para aking mapakinabangan,” saad ng binata.

Advertisement

Pati kayo, Tiyo Lito, ay ilang beses ko na ring niloko. Tuwing inuutusan niyo ako ay sinasamantala ko kayo. Kung hindi doble ang perang sinisingil ko sa pinabibili niyo ay bumibili rin ako ng para sa akin at kayo ang nagbabayad nito. Iyong kaban ng bigas na napanalunan ko sa raffle hindi po sa akin iyon. Premiyo niyo po iyon,” pag-amin ni Jojo sa kaniyang tiyuhin. Labis ang kaniyang pagsisisi sa kaniyang mga nagawa.

Hindi makapaniwala si Lito sa kaniyang mga narinig. Hindi niya akalaing manloloko at magnanakaw ang kaniyang pamangkin. Ni sa hinagap ay hindi pumasok sa kaniyang isipan na pati siya ay hindi nakatakas sa pambibiktima nito.

“Patawarin niyo po ako, tiyo. Pangako hindi na po ako uulit. Magbabago na po ako. Hindi na ako manloloko at manlalamang ng aking kapwa. Nauunawaan ko po kung tatalikuran niyo na ako. Pero ang tanging hiling ko lang ay sana ay mapatawad niyo pa rin ako,” pagsusumamo ni Jojo.

“Hindi na mahalaga kung ano ang kasalanan mo sa akin. Ang importante ay natuto ka na sa iyong mga pagkakamali at desidido kang magbagong buhay. Bukas pa rin ang aking tirahan para sa iyo. Huwag mo nang uulitin ang iyong mga ginawa. Kapag ipinagpatuloy mo pa ang iyong mga maling gawain ay magkalimutan na tayo,” banta ni Lito sa kaniyang pamangkin.

Tinupad ni Jojo ang kaniyang pangako. Hindi na siya nanloloko at nanlalamang ng kaniyang kapwa. Sa halip na magnakaw sa pinagtatrabahuan ay lalo pa siyang nagsipag sa kaniyang trabaho. Humingi rin siya ng tawad sa lahat ng taong kaniyang niloko. At bilang kabayaran sa kaniyang mga maling nagawa nag-alok ng libreng serbisyo si Jojo na aayusin niya ang lahat ng kanilang mga sirang gamit. Maliban pa doon ay unti-unti rin niyang binabayaran ang lahat ng mga nakulimbat niyang materyales sa trabaho.