Good Samaritan Kuno!

Araw na ng biyernes at araw na rin ng sahod ni Madel, ito na ang araw na pinakahihintay ng marami lalo na ng mga empleyadong katulad niya.

“Mama, sahod mo na ngayon ‘di ba? Bibili na ba tayo nung bike sa palengke?” tanong ni Mia, pitong taong gulang na anak ng babae.

“Naku, anak, titingnan natin kapag may sumobra, ha? Mag-grocery muna tayo ngayon ng kailangan natin sa bahay, ” sagot ni Madel dito. Nakangiti naman ang anak ng babae at saka ito mahigpit na humawak sa kamay ng kaniyang nanay.

Pumunta na sila ng pamilihin at dali-daling hinila ni Madel ang push cart para makapag-umpisa na siya. Hindi naman kalakihan ang pinamimili ni Madel tuwing siya ay nag go-grocery, sakto na ang nakalaang tatlong libong piso mula sa sahod niya para roon. Wala rin namang reklamong sumama sa kaniya ang kaniyang anak kahit nga inaabot siya ng isang oras kalahati sa pamimili palamang. Paano’y tinitignan at kinukumpara pa muna nito ang lahat ng presyo bago niya kuhanin.

“Ma, pipila na ako sa counter po ha. Para pag tapos niyo po, tayo na agad,” saad ng kaniyang anak. Tumango naman si Madel bilang pagtugon dito at mabilis niyang sinundan ng tingin ang bata kung saan ito pipila. Binilisan na rin niya dahil naramdaman na niyang naiinip na ang bata.

Habang nakapila na ang dalawa.

“Sige po, mauna na po kayo sa’kin,” malambing na wika ng isang babae sa matandang lalaki na nakapila rin sa harap niya

“Salamat, hija, kaunti lang naman itong sa’kin dahil ito lang ang kaya ng budget ko,” sagot ng matandang lalaki.

Advertisement

Hindi naman maiwasan ni Madel ang mapatingin sa basket ng matanda. May dalawang noodles, isang delata at maliit na toothpaste.

“Ayan lang ho ba ang bibilhin niyo?” usisa pang muli ng malambing na babae.

“Oo, bibili pa rin kasi ako ng gamot ni misis,”mahinang sagot ng matandang lalaki.

“Dagdagan niyo pa po ‘yan. Ako na po ang magbabayad,” pahayag ng babae.

“Naku, nakakahiya sa’yo, hija,” nahihiyang wika ng matanda.

Hindi na sumagot pa ang malambing na babae at dinagdagan ang mga produktong nasa basket ng matanda. Mabilis naman na nakuha ito ang atensyon ng iba pang mamimili at ang iba ay napapasabi na lang na “Sana all, katulad ni ate girl.” Ang iba naman ay kinukuhanan sila ng litrato. Hindi na rin nakatanggi pa ang matandang lalaki dahil ang babae na mismo ang kumilos para sa kaniya.

Napangiti naman si Madel sa kaniyang nakita.

“Ma, ang bait ni ate, ‘no? Sana marami rin tayong pera para makatulong din tayo,” bulong sa kaniya ng anak.

Advertisement

“Anak, hindi naman sa pera nasusukat ang pagtulong sa kapwa. Pwedeng sa ibang paraan, katulad ng pagbibigay ng mga lumang damit, ganun. Nagkataon lang na pera ang binigay nung babae,” paliwanag pa niya rito.

Marami ang humanga at nagpasalamat nang mabuti ang matandang lalaki sa malambing na babae. Maging si Madel ay natuwa sa kaniyang nasaksihan, dahil kahit mahirap na ang buhay ay may mga tao pa rin na mapagbigay.

Naglakad na ang mag-ina palabas.

“Ang t*nga-t*nga mo naman kumuha! Putol ‘yung mukha ko, paano ako sisikat nito?!” naiinis na wika ng isang babae sa isang iskinita.

Pamilyar ang boses na iyon kaya naman palihim siyang huminto para sumilip, ngunit nakatalikod ito.

“E, kasi ang likot mo. Dapat kasi binayaran mo lang, ang dami mong ginawa kaya naputol ‘yung ulo mo,” sagot ng isang binata.

“Bobo ka! T*nga! Ang mahal nung ginastos ko roon sa gurang na matanda tapos ganyan lang kuha mo? Nakakabwisit ka! Kaya ko nga ‘yun binayaran para sumikat ako sa social media tapos ganito naman ang kuha mo! Bwisit ka!” sigaw pang muli ng babae saka binatukan ang lalaki at pinaghahampas ito.

Tila nagpanting ang tenga ni Madel sa kaniyang narinig, tatawagin pa sana niya ang babae ngunit—

Advertisement

“Ateng mabait kanina! Hindi ka pala mabait!” sigaw ni Mia sa babae.

Hindi na nagsalita pa si Madel at mabilis niyang hinatak ang kaniyang anak. Sapat na sa kaniya ang narinig upang maintindihan ang pagmamabuting loob ng malambing na babae kanina na pagbabalat sibuyas lamang pala.

Hindi muna sila nag-usap ni Mia hanggang sa makarating ng bahay, nag-iisip siyang mabuti kung paano ipapaliwanag ito sa anak.

Nang maisa-ayos na niya ang lahat saka siya umupo at tinawag ang bata.

“Mia, anak, naiintindihan mo ba kung ano ‘yung nangyari kanina?” tanong ni Madel sa bata.

“Opo, ma, ‘yung babaeng mabait na tumulong kay tatay ay bad pala kasi hinampas niya ‘yung lalaki tapos nagmura rin siya,” diretsong sagot sa kaniya ni Mia. Tila nahabag naman ang loob ni Madel na nasaksihan ito ng kaniyang anak.

“Anak, basta, tandaan mo. Kung tutulong man tayo sa ibang tao lagi nating gagawin ito ng bukal sa ating kalooban may nakatingin man o wala. Dahil lahat ng gingawa natin dito sa lupa ay nakikita ng Diyos, wala ng mas mahalaga pa roon,” paliwanag niya kay Mia saka niya ito niyakap.

Lagi sana nating tatandaan na lahat ng mabubuti nating ginagawa rito sa lupa ay nakikita ng nasa itaas kaya naman sana gawin natin ito ng totoo at bukal sa ating puso.