“Mag-iingat ka doon sa Japan anak,” malungkot na bilin ni Helen sa anak na si Shiela.
“Opo inay, kayo rin dito. Magpapadala ako tuwing sahod ko. Pangako iyon,” wika ni Shiela saka tuluyang pumasok sa loob ng tricycle.
Iyon ang huling kita ni Shiela sa pamilya niya. Sampung buwan na siyang kumakayod dito sa Japan at gustong-gusto na niyang umuwi ng Pinas. Tinupad naman niya ang ipinangako sa kaniyang pamilya pero tama ngang ang hirap mabuhay sa banyagang bansa lalo na’t hindi mo kapiling ang iyong mga mahal sa buhay.
“Hoy! Nabalitaan mo ba ‘yong nangyari kay Claire?” wika ni Marian.
“Ano bang nangyari?” takang tanong ni Shiela. Kasama niya ang babae sa pinagtatrabahuang factory.
“Naturiring ang loka. Tsk! Hindi yata nakayanan ang hirap dito sa Japan kaya ayon bumigay ang utak,” naiiling na wika ni Marian.
“Naku! Kaya ikaw Shiela, tawanan mo na lang ang lungkot, hirap at problema. Mahirap nang mabaliw dito. Tingnan mo si Claire, ayon pinauwi agad sa Pinas,” singit naman ni Jane, isa din sa kasamahan niya.
“Tama! Minsan ang mahirap sa sitwasyon natin ay iyong akala ng pamilya natin masarap buhay natin dito sa Japan. Akala nila pinupulot lang natin ang kwarta. Hindi nila alam kung gaano kahirap ang ginagawa natin makapadala lamang ng malaking halaga sa Pinas,” malungkot na sambit ni Marian.
“Tama,” sang-ayon naman ng iba.
“Shiela, anak sana sa susunod na buwan ay padalhan mo kami ng mas malaki sa pinapadala mo,” wika ng inang si Helen.
“Bakit po ma?” takang tanong ni Shiela.
“Bibinyagan kasi ng anak ng Kuya David mo sabi niya ay wala siyang panggastos, kaya baka pwedeng dagdagan mo na lang. Kawawa kasi ang pamangkin mo, isang taon na hindi pa rin nabibinyagan,” paliwanag ng ina.
Wala namang nagawa si Shiela kundi ang sundin ang sinabi ng ina. Halos walang maipon na pera si Shiela dahil laging nanghihingi ang pamilya niya na agad naman niyang binibigay lalo na kung sasabihin ng mga itong para sa pinapagawang bahay nila. Mas marami pa nga siyang naiipong resibo kaysa pera. Pero hindi naman niya alintana iyon basta ang mahalaga ay maipaayos ni Shiela ang barong-barong nilang bahay.
Makalipas ang dalawang taon.
“Mag-iingat ka sa pag-uwi Shiela,” masayang may halong lungkot na wika ni Marian.
“Salamat, ate. Kayo rin dito,” nakangiting sambit naman ni Shiela.
Sabik na sabik na siyang makita ang pamilya niya at sa wakas! Makikita na rin niya ang kaniyang pinaghirapan na bahay. Lingid sa kaalaman ng kaniyang pamilya na ngayon ang araw ng kaniyang uwi. Nais niyang sorpresahin ang mga ito.
Masayang bumaba si Shiela sa bus at nagdesisyong maglakad-lakad na lang pauwi sa mismong bahay nila. Namiss niya ang simoy ng hangin sa probinsya nila. Habang naglalakad ay iniisip niya ang magiging reaksyon ng kaniyang pamilya. Ngunit imbes ma ma-sorpresa ang mga ito sa pagdating niya ay siya ang mas na sorpresa sa nakita.
Walang pinagbago ang barong-barong nilang bahay. Kung anong itsura nito noong umalis siya ay ganun pa rin ang itsura ng bahay nila hanggang ngayon. Walang tao sa bahay kundi ang bunso lamang nilang kapatid na si Edison. Hindi ito ang tagpong inaasahan niya.
“Nasaan si mama at si papa?” tanong niya rito.
“Si mama nando’n kay Aleng Susan nagto-tong-its. Si papa naman nando’n sa sabungan,” wika ng kapatid.
Sa isang iglap ay biglang gumuho ang mundo ni Shiela. Anong nangyari sa pamilya niya? Gulat na gulat pa ang kaniyang ina nang makita siya.
“Anong nangyari, ma?” umiiyak niyang tanong sa ina.
Nagtiwala siya rito at halos lahat ng sahod niya’y wala siyang tinitira makapadala lamang. Pero bakit? Imbes na gumanda pa buhay nila’y mas lalo pa silang naghirap dahil nabaliw naman ang mga ito sa sugal.
“Patawarin mo kami anak,” humihikbing wika ni Helen.
“Hindi niyo alam kung anong hirap ang dinanas ko sa Japan. Halos mabaliw ako doon sa lumbay, pero kayo ang iniisip ko kaya lumaban ako! Hindi na ako halos kumain para lang may maipadala kasi akala ko pag-uwi ko may magandang buhay akong madadatnan. Pero bakit ma?” tumatangis na wika ni Shiela.
Totoo nga bang sagot sa kahirapan ang pagtatrabaho sa Japan? Depende siguro sa pamilyang meron ka. Imbes na dalawang buwan ang hininging bakasyon ni Shiela ay isang linggo lamang ay agad na lamang siyang bumalik sa Japan.
Isang leksyon ang natutunan ni Shiela sa kaniyang pagbalik. Hindi porket mahal mo ang iyong pamilya at malaki ang pangarap mo para sa kanila ay uubusan mo na ang iyong sarili. Kung maibabalik lamang niya ang lahat, sana’y nag-iwan siya ng pera para sa kaniyang sarili. Hindi naman niya pagdadamutan ang mga ito, pero sa ngayon ay mas uunahin na muna niyang isipin ang sarili at mag-ipon ng pera. Upang sa pagdating ng araw na siya naman ang nangangailangan ay may mahugutan siya. Hindi katulad ngayon.
Hindi madali ang maging OFW sa kahit na saang bansa. Mahirap mamuhay sa bansang hindi mo nakasanayan lalo na’t wala doon ang iyong pamilya. Kaya sana’y huwag nating abu*suhin ang pinaghirapan nila. Gamitin natin ito sa mahahalagang bagay at huwag waldasin na para bang pinupulot lamang nila iyon.