“Hon, ilang beses ko na sinabi sa’yo! Doon mo na kasi patirahin sa bahay ng iba mong kapatid ‘yang nanay mo! Hindi ako makakilos ng ayos dito sa bahay dahil parating namumuna,” muling sumbong ni Irene sa asawang si Mico nang gabing iyon nang naghahanda na sila sa pagtulog.
“Pero hon, lagi ko nga siyang naaabutang naglilinis sa sala kahit pinagbabawalan kong magkikikilos eh. Ayaw mo ba nun? At saka para may kasa-kasama naman kayo ng anak mo dito sa bahay,” marahang paliwanag naman ni Mico sabay hawak sa kamay nito.
“Heh! Ang laki na nga ng gastusin dito ay idadagdag mo pa siya! Kung ayaw mong paalisin siya ay kami na lang ng anak mo ang aalis!” galit na banta nito at saka tumalikod ng higa sa kaniya.
Dahil mahal na mahal ni Mico ang asawa ay niyakap niya ito. Upang mawala na ang tampo nito ay pinangako niyang bukas na bukas din ay sa bahay na ng kaniyang bunsong kapatid niya patutuluyin ang kaniyang nanay. Lihim namang napangiti si Irene sa tinuran ng asawa. Sabi na nga ba’t hinding-hindi siya nito matitiis. Noong unang magkakilala pa lamang sila sa isang bar ay p*tay na p*tay na ito sa kaniya, at kahit mag-asawa na sila ay bulag pa rin ito sa pagmamahal sa kaniya.
Kinabukasan nga ay inempake na ni Mico ang mga damit ng kaniyang sisenta anyos na ina na si Nanay Sening. Mahina na ang pangangatawan at pandinig nito kaya’t tinulungan na niya ito sa pag-aayos. Mahal niya ang ina ngunit alam niyang maikli ang pasensya at matampuhin si Irene kaya makabubuti na rin siguro kung sa kapatid niya muna ito tumira. Nahirapan siya dahil nakita niya ang matinding pag-aalala at lungkot sa mukha ng ina nang ihatid niya ito sa bahay ng kapatid. Napansin niyang kailan lang ay hindi na ito nakakasalita at hirap na ring gumalaw, ngunit nang pagkakataong iyon ay umiiyak ito na parang bata.
“Huwag na po kayong mag-alala, nanay. Bibisita po kami ni Irene at ng apo niyo doon,” sabi niya at saka inalis ang mahigpit na kapit nito sa kaniyang damit.
Laking tuwa naman ni Irene nang mawala na si Nanay Sening sa bahay. Bago umalis ang asawa ay niyakap niya ito at nagpasalamat. Ginamit niya na rin ang pagkakataong iyon upang manghingi ng pera sa asawa.
“Ha? ‘Di ba kabibigay ko lang sayo noong isang araw?” takang tanong ni Mico.
“Eh ‘di ba nga binibilhan ko ng gamot iyong nanay mo? Hayun at nauubos sa kaniya ang budget natin. Kaya nga tama lang na hindi na siya dito sa atin nakatira,” sabi ni Irene na tila sumama na naman ang timpla dahil sa pang-uusisa ng asawa. Inabutan na lang ito ng pera ng mister upang hindi na humaba ang diskusyon atsaka tumuloy na sa trabaho.
Ilang araw makalipas lang ay napansin ni Mico na malaki ang pinagbago ni Irene simula nang umalis sa poder ang kaniyang Nanay Sening. Lagi niya itong naaabutan sa makalat na sala, na puno ng enerhiya na nakikipaglaro sa kanilang anak. Lagi itong masaya at aktibong-aktibo sa bahay. Natutuwa naman siya dahil mukhang lumalakas din itong kumain.
Isang araw bago umuwi sa trabaho ay nagpasya siyang bumisita kina Nanay Sening. Nagulat siya nang madatnan duon ang kaniyang anak na si Juniel.
“Kanina pa kasi umiiyak ‘yan si Nanay at binabanggit ang pangalan ng anak mo. Kaya hayan, sinundo ko sa inyo kaninang umaga. Kapag kukunin ko naman ang bata para iuwi ay ayaw ibigay,” reklamo ng kapatid ni Mico na si Jin.
Naisip niya na baka talagang namiss lang ng kaniyang nanay ang apo nito, ngunit nagtataka siya ng isumbong sa kaniya ni Jin na araw-araw nang pinapasundo ng kaniyang nanay ang kaniyang anak. Wala naman siyang naririnig na reklamo kay Irene kaya hinayaan na lang niya.
Isang araw, masakit na masakit ang ulo ni Mico kaya dumiretso siya ng uwi sa kanilang bahay. Naisip niyang mamaya na lang niya susunduin si Juniel sa bahay ng kapatid.
Nagulat siya dahil pa*tay pa rin ang ilaw sa labas kahit pagabi na at nang buksan ang pinto ay tumambad sa kaniya ang kakaibang eksena. Hindi niya kilala ang mga taong nagkalat sa kanilang sala na noon ay puno ng usok. Ang iba ay nakahilata sa sahig, ang iba ay nakayukyok sa lamesa. Nakita niya ang asawa na nakahiga sa sofa. Agad niya itong nilapitan at nang makita ang mga puyos ng sigarilyo at nagkalat na parapernalya ng ipinagbabawal na gamot ay halos matumba siya. Hindi niya akalaing iyon pala ang pinagkakaabalahan ng asawa tuwing wala siya at kaniyang anak!
Sa galit ay pinagsisipa niya palabas ang mga kasama nitong nakilala niya bilang mga dating kaibigan nito sa bar. High na high ang mga ito kaya walang pumalag sa kaniya. Nang sila na lang mag-asawa ay kinompronta niya ito. Mukhang lumipas na ang tama nito dahil agad itong humingi ng tawad sa kaniya at nagmakaawa.
“Patawarin mo ko Mico! Alam kong matindi ang kasalanan ko. Pinigilan kong itigil ito ngunit hindi ko na kaya. Nangialam ang nanay mo sa ginagawa ko kaya pinaalis ko siya,” pagmamakaawa nito na mukhang bumalik na ang katinuan ng isip.
“Kailan ka pa naa*dik sa bisyong ‘to ha?! Kaya pala pinapaalis mo si nanay dito ay dahil may ginagawa kang kabalastugan! Huwag mong sabihing ginawa mo na ito habang nandito ang anak natin!” malakas na sigaw ng mister. Napayuko na lang si Irene dahil totoo ang sinabi ng mister.
Isang beses ay natauhan na lang siya at nakitang pati ang anak niya ay nakakalanghap ng usok. Iyon din ang araw na nakita ni Nanay Sening ang ginagawa niya kaya pilit niyang pinatahimik ang matanda at tinakot ito. Lagi nitong itinatapon ang kaniyang lihim na ipunan at ginugulo ang session nilang magkakaibigan kaya naiinis siya rito. Iyon din ang dahilan kung bakit nang umalis ito ay laging nitong pinapasundo ang apo tuwing sasapit ang hapon, nais niya itong protektahan sa adik nitong nanay. Napaiyak na lang si Irene nang mapagtanto ang mahirap na sitwasyong kaniyang nasuotan.
“Galit ako sa ginawa mo, ngunit dahil asawa kita, tutulungan kitang magbago. Hindi pa huli ang lahat Irene. Lahat ay mahaharap natin kung magtutulungan tayo,” sabi ni Mico atsaka niyakap ang asawa.
Nagsisi ang mister sa ginawang pagpapaalis sa kaniyang nanay. Ito pa pala ang saksi sa nangyayari sa kaniyang mag-ina at pilit na nagtatama ng sitwasyon. Hindi niya alam na kahit malayo ito ay pinoprotektahan pa rin nito ang anak niya. Nang gabi ring iyon ay sinundo niya ang anak at nanay sa bahay ng kapatid. Humingi ng tawad si Irene kay Nanay Sening.
Nagpatuloy ang buhay nilang mag-asawa at mahirap man ay unti-unting naiwasan ni Irene ang bisyo dahil sa tulong ng kaniyang biyenan. Kung hindi ito naging saksi at nagbulag-bulagan sa kaniyang bisyo ay baka mas malala na ang kalagayan niya ngayon. Lalo rin siyang napalapit sa Diyos dahil sa impluwensya nito. Tunay ngang walang taong walang pag-asa kung may pagmamahal ng pamilya at higit sa lahat, ng Poong Maykapal.