Hindi Nakakalimot Ang Puso
“Love, kapag may malaking pera na tayong naipon, tuloy na natin ang pagpunta sa Paris, ha?” sambit ni Monica sa kaniyang nobyo. Kasalukuyan sila ngayong naghihintay ng oras nang paglipad ng kaniyang nobyo sa labas ng isang airport.
“Oo naman, kaya nga ako mangingibang bansa, eh, para makaipon pa ng malaki!” tugon naman ng kaniyang nobyong si Russel saka ngumiti nang pagkalaki-laki.
“Naku, baka pag-alis mo nga makalimutan mo na ako kaagad,” panlalambing niya saka ngumuso, natawa naman ang kaniyang nobyo dahil dito.
“Hindi kita maaaring kalimutan, no? Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko. Kung makalimutan man kita, maaalala ka ng puso ko!” sagot naman nito saka siya mahigpit na niyakap.
“Ewan ko sa’yo, nasasabi mo lang ‘yan kasi ayaw mong mag-away tayo bago ka umalis,” ika niya pa, tila nais niyang labis siyang lambingin ng nobyo sa huling pagkakataon nilang magkasama.
“Syempre naman!” pabirong sambit nito, “Biro lang, basta kahit anong mangyari, makakapunta at magkikita tayo sa Paris,” dagdag pa nito sa hinalikan ang kaniyang kamay na naging dahilan ng kaniyang unti-unting pagluha. Umagos na ang kaniyang luha nang dumating na ang oras na kailangan na nilang magpaalam sa isa’-isa.
“Pangako, tutuparin ko ang pangako ko sa’yo, tahan ka na!” huling ika ng kaniyang nobyo saka tuluyang pumasok sa aiport. Naiwan naman siyang tulala aa imahe ng naglalakad na palayong lalaking pinakamamahal niya.
Dating magkaibigan at ngayo’y sabay na nangangarap bilang magkabiyak sina Monica at Russel. Noon pa man, kitang-kita na sa kanilang mga aksyon kung gaano nila pinangangalagaan at minamahal ang isa’-isa. Simula’t sapul rin, nabuo ang kanilang pangarap na makapunta sa Paris, ang lugar ng mga nagmamahalan.
Sa katunayan nga, noong nag-aaral pa sila, kapag hindi pa uwian ng isa, hindi pa uuwi ang isa para lamang sabay silang maglakad pauwi. Kung minsan naman, tuwing wala silang klase, palaging dumadalaw ang binata sa bahay ng dalaga para lamang makita niya ito kahit pa palagi siyang sinusungitan ng ama nito.
Nang makapagtapos sila ng pag-aaral, doon na tuluyang sinagot ni Monica ang lalaking nagpakita ng matandang motibo sa kaniya. Ngunit dahil nga may kani-kanila pang pamilyang dapat suportahan, napilitang mangibang bansa ng kaniyang nobyo. Labag man sa kalooban niyang mahiwalay dito, hinayaan niya pa rin itong umalis. Lubos niyang naiintindihang ang pag-ibig, hindi puro pagmamahal, kinakailangan ring maging praktikal.
Simula noong makarating sa bansang Canada ang kaniyang nobyo, parati itong tumatawag sa kaniya. Palagi nitong sinasabing, “Miss na miss na kita, love! Gusto ko nang magpunta sa Paris kasama ka!” na talaga nga namang dumudurog sa puso niya. Ngunit imbis na maging palaging malungkot, ginawa itong inspirasyon ni Monica upang lumaban sa hamon ng buhay. Umalis siya sa dating trabaho at naghanap ng panibagong trabaho kung saan mas mataas ang sweldo. Sakto namang nakuha siya agad bilang isang sekretarya ng isang sikat na kumpanya ng mga selpon.
Ganoon na lamang ang kaniyang kasiyahan sa kaniyang tagumpay ngunit simula noong magtrabaho siya dito, tila hindi na muling nagparamdam ang binata.
Palagi na nitong binababa ang kaniyang tawag at sini-seen ang kaniyang mensahe sa social media dahilang upang ganoon siya magtaka at magtanong sa mga kaanak ng binata. Halos pagsakluban siya ng langit at lupa nang sabihin ng nanay nito na, “Naku, si Russel? Ayun, nakabuntis na ng amerikana, kung ako sa’yo maghanap ka ng ibang lalaki, wala ka nang mapapala sa anak ko.”
Ganoon na lamang ang kaniyang paghagulgol nang malaman ito. Ilang buwan rin bago siya tuluyang bumalik sa dating sigla at noong bahagya na siyang nakabangon sa pagkadapa, doon na siya umarangkada sa trabaho dahilan upang tumaas ang kaniyang posisyon.
Doon na rin unti-unting nakaipon ang dalaga at tuluyan nang makatulong sa pamilya. Napagdesisyunan niya na ring tuparin ang pangarap na minsan nilang binuo ng kaniyang nobyo noon ng mag-isa.
Pumunta nga siya sa Paris bitbit-bitbit ang mga pangako ng kaniyang nobyo. Mabigat man ang kaniyang kalooban bago pumunta doon, hindi niya mawari kung bakit nabalutan siya ng saya nang makita ang Eiffel Tower. “Kung andito ka lang sana…” buntong hininga niya, nagulat naman siyang may tumamang maliit na bola sa kaniyang paa. Agad niya itong pinulot, iaabot na niya sana ito sa may-ari ngunit bigla niya itong nabitawan nang makita kung sino ang may-ari nito.
“Russel? Ikaw ba ‘yan?” paninigurado niya saka hinawakan sa mukha ang binata.
“Sino ka?” tanong nito saka tinanggal ang kaniyang kamay na labis na dumurog sa kaniyang puso. Maya-maya pa, tila may isang boses na tumatawag dito, paglingon niya, nanay pala ito ng kaniyang nobyo.
“Russel, halika na, kailangan na nating bumalik sa…” hindi nito natapos ang pagsasalita nang makita ang dalagang halos mangiyak-ngiyak na.
Doon na tuluyang nalaman ng dalaga na nawalan pala ng memorya ang binata matapos mabangga ang sinasakyan nitong kotse papuntang trabaho. Inamin ng nanay nito na nagsinungaling ito sa kaniya dahil nga ayaw niya raw ang dalaga para sa kaniyang anak.
“Pero wala, eh. Kahit anong gawin ko, parang ikaw at ikaw pa rin talaga ang gusto ng anak ko. Tignan mo nga, nagpumilit magpadala dito. Noong tinanong ko kung bakit niya gustong pumunta dito, ang sagot niya, tinatawag daw ng Paris ang puso niya,” dahilan upang labis na maiyak ang dalaga. Doon niya napatunayang labis talaga ang pagmamahal nito sa kaniya.
Kaya naman, ginawa niya ang lahat upang maibalik ang kanilang mga alaala. Muli siyang nagpakilala sa binata at ginamit ang kanilang natitirang araw upang maalala ang kanilang masasayang sandali. Hirap man, hindi niya ito sinukuan. Wala na namang magawa ang nanay nito kundi hayaan kung saan masaya ang anak. Unang beses niya kasi itong makitang tumawa ulit nang ipasan siya ng dalaga sa likod habang nagpapakuha sila ng litrato sa tapat ng Eiffel Tower.
Ilang taon ang nakalipas, tila bumalik aa dating relasyon ang dalawa. Hindi man maalala ng binata ang kanilang mga masasayang sandali ngayon, ang mahalaga para kay Monica ay ang puso ng binatang hindi siya kailanman makalimutan.
Kapag tunay talaga ang pagmamahal, kahit makalimot man ang isip, mananatiling magmamahal ang puso’t gagawa ng paraan upang maalala nito ang kaniyang minamahal.