
Dobleng Biyaya Para Sa Lalaking Makasalanan
“Maghiwalay na tayo!” sigaw ni Dindin sa kaniyang asawa nang mahuli na naman itong nasa isang bar at may kasama na namang ibang babae.
“Aba, oo naman! Akala mo ba magmamakaawa ako sa iyo na huwag ako hiwalayan? Bulok ka na para sa akin, hoy! Kumbaga sa pagkain, inaamag ka na!” bulyaw naman ni Jerwin dahilan upang pagtinginan sila ng iba pang manginginom doon.
Nagsimula na ang mga itong magbulungan at doon na labis nakaramdam ng labis na pamamaliit ang ginang. Ngunit imbis na umalis na lamang, agad nitong kinuha ang baso ng asawang may lamang alak saka itinapon sa dibdib nito.
Agad naman napatayo ang lalaki at saka hinila ang kamay ang asawa. “Lumalaban ka na talaga, ha? Humanda ka sa akin mamaya pag-uwi ko! Kapag ikaw nakita ko pang nandoon, panigurado, hindi ka na sisikatan ng araw!” sambit niya saka dinuraan sa mukha ang asawang mangiyak-ngiyak na dahil sa sakit ng kaniyang pagkakahawak at kahihiyan. Maya-maya pa’y binitawan niya na ito at dali-dali itong humangos palabas hawak-hawak ang kaniyang kamay.
Bumalik naman siya sa pag-iinom na para bang walang nangyaring alitan sa pagitan nilang dalawang mag-asawa. Tinawag niya muli ang kaniyang kakandong na babae kanina saka sila naglambingan.
Dalawang taong kasal pa lamang sina Dindin at Jerwin. Noong unang taon naman ng kanilang pagsasama, maayos naman ang lahat. Pareho silang may trabaho, unti-unti nang nakakaipon at higit sa lahat, palagi nilang inaalagaan ang isa’-isa. Kaya lang, hindi nila magawang makabuo ng bata dahilan upang nang dumating ang kanilang pangawalang taon bilang mag-asawa, doon na tila nanlamig ang lalaki. Gustong-gusto kasi nitong magkaanak na kaya upang makalimot sa problema palagi na itong gabi kung umuwi, minsan pa nga, kinabukasan na umuuwi.
Dahilan parati niya, over time raw sa trabaho. Kahit palagi siyang nahuhuli ng kaniyang misis, lagi niya pa rin itong itinatanggi. Kaya ganoon na lamang ang hinanakit nito sa kaniya. Ni ayaw na nito makipagsiping sa kaniya dahil noong pagsisiping nila, ilang buwan lang nakakalipas, ibang pangalan ang naitawag niya dito.
Ngunit kahit pa ganoon, tila hindi pa rin niya inintindi ang asawa. Patuloy pa rin siya sa pakikipag-inuman sa mga babae, gabi na umuuwi at nitong mga nakaraang buwan, tila wala na itong sinusweldo, ang pinakadahilan ng pagkawala ng amor ng kaniyang misis.
Kinaumagahan, matapos ang kanilang alitan ng kaniyang misis sa bar, umuwi siya ng kanilang bahay. Buong akala niya’y matatagpuan niya pa doon ang kaniyang asawa, kaya naman pinlano na niya ang kaniyang gagawin. “Makakatikim talaga sa akin ng sampal ‘yon, ang lakas ng loob na ipahiya ako doon? Naku, makakatikim talaga sakin ‘yang babaeng ‘yan!” inis niyang ika, “Dindin! Bumababa ka nga d’yan, kailangan mong maturuan ng leksyon!” sigaw niya nang makapasok ng bahay saka naupo sa kanilang sofa.
Ngunit nakailang tawag na siya, hindi pa rin bumbaba ang kaniyang misis dahilan upang akyatin na niya ito na lalo niyang ikinagalit.
Padabog niyang binuksan ang pintuan ng silid at laking gulat niya ng wala siyang nakitang kahit anong gamit ng ginang.
“Aba, mukhang natakot sa akin kagabi! Mabuti nang wala ‘yon, bawas sakit ng ulo,” pangisi-ngisi niyang sambit saka nahiga sa kama, ngunit tila may nahigaan siyang maliit na bagay dahilan upang kapain at kunin niya ito. “P-pregnancy test? Ma-may dalawang linya?” hindi makapaniwalang ika niya, “Daddy na ako?” mangiyak-ngiyak niyang dagdag saka niya napagtantong wala na nga pala doon ang kaniyang asawa.
Agad niya itong hinananap kung saan man ito maaaring magpunta. Mangiyak-ngiyak siyang nananalanging sana nasa maayos na lugar ang kaniyang mag-ina. Labis siyang humingi ng tawad sa Diyos sa lahat ng kaniyang pagkakasala’t pagkukulang.
Nakita niya ito sa bahay ng kanilang kaibigan, tulog at halatang galing sa iyak. Noong una’y ayaw siyang palapitin ng kanilang kaibigan dahil nga akala’y sasaktan niya ito, ngunit nang ipaliwag niyang tila natauhan siya nang makita ang bagay na hawak niya, agad siya nitong dinala sa silid kung nasaan ang kaniyang misis.
Doon na niya kinausap ng mahinahon ang kaniyang asawa. Buong puso siyang humingi ng tawad dito at nangakong magiging isang mabuting ama. Ngunit tila nanigas na ang puso nito at hirap na hirap siyang patawarin. Pero hindi ito ang dahilang upang sumuko siya.
Kahit pa hindi pa rin umuuwi ang kaniyang asawa sa kanilang bahay, palagi niya itong dinadalaw at dinadalhan ng pagkain hanggang sa maisilang ang kanilang mga anak.
“Mga anak? Sigurado ka ba?” tanong niya sa kanilang kaibigan.
“Oo, hindi ba nasabi sa’yo ni Dindin na kambal ang anak niyo? Naku, ang gugwapo! Sana alagaan mo sila sa abot ng iyong makakaya, syempre pati na rin si Dindin, huwag mong pabayaan!” sambit nito, maluha-luha namang tumango-tango si Jerwin saka dumaretso sa nursery room at pinagmasdan ang kaniyang kambal.
Umuwi na sa kanila ang kaniyang asawa matapos manganak. Laking tuwa niya namang ayos na ito at bumalik na sa dating lambing. Kaya naman, ginawa niya ang lahat upang makabawi dito.
Ika niya, “Pangako, ni minsan, hindi ka na iiyak dahil sa akin. Salamat sa pagbibigay ng higit sa kagustuhan ko. Mapa-pagmamahal man o anak, lagi mong dinodoble, mapasaya’t makuntento lang ako,” saka niya niyakap ang nakangiting ginang.
Kung minsan, natatagalan talaga ang pagdating ng biyaya, ngunit huwag kang mainip at gumawa ng masama dahil lahat ng kagustuhan mo, kapag naaayon para sa’yo, ipagkakaloob sa’yo ng Maykapal, doble o triple pa ng inaasahan mo.