Matalik na magkaibigan sina Elmer at Jordan. Magkababata sila. Magkakaibigan din kasi ang kanilang mga magulang kaya ganoon din ang nangyari sa kanila. Naging magkaklase sila mula elementarya hanggang senior high school. Sa kolehiyo naman, nagkaiba sila ng kurso subalit sa iisang pamantasan naman sila nag-aral. Nang makatapos, pareho naman silang nakahanap ng magandang trabaho na may magandang pasweldo.
Bagama’t halos magkapatid na ang turing nila sa isa’t isa, magkaiba naman ang kanilang ugali, lalo na sa pag-iipon. Sanay na sa Elmer kapag tinatawag siyang kuripot, dahil inuuna muna niyang makapag-ipon kaysa gumasta at makipag-inuman kasama ang mga kasamahan at barkada. Si Jordan naman, kabaligtaran ni Elmer, ay labis naman sa paggastos. Hindi ito nag-iipon. Katwiran kasi niya, “you only live once” kaya walang silbi ang pag-iipon ng pera kung wala naman itong mapupuntahan sa bandang huli.
Minsan, nagkita sina Elmer at Jordan.
“Kumusta Elmer? Sumama ka naman sa akin mamaya. Maghaha-happy-happy kami ng mga kasamahan ko. Ipapakilala kita. Huwag naman puro trabaho-bahay ka lang,” aya ni Jordan kay Elmer.
“Naku, hindi ko naman sila kilala eh. Alam mo namang taong-bahay lang ako at hindi sanay sa mga gimikan at night out. Isa pa, gastos lang iyan. Alam mo namang nag-iipon ako ng pera,” tanggi ni Elmer.
Napatawa si Jordan. “Minsan lang naman eh. Wala namang masama kung lalabas ka at magpapakasaya. Para saan at para kanino ka ba nag-iipon? Mag-aasawa ka na ba?” biro ni Jordan sa kaibigan.
“Alam mo Jordan, mahalaga ang pag-iipon. Para sa oras ng pangangailangan, may madurukot ka. Hindi natin hawak ang kapalaran ng buhay. Malay natin, sa mga susunod na araw ay mangailangan tayo. Mas mabuti na ang may sariling pera kaysa naman sa mabaon sa utang,” sabi ni Elmer.
“Heto na naman ang kaibigan kong daig pa ang pari o pastor sa pagsesermon! Oo na po. Pero ang prinsipyo ko kasi, we only live once kaya magpakasaya na tayo. Kaya nga ginawa ang pera at kaya nga tayo nagtatrabaho para gumastos. Hindi ko gets ang idea na kailangang imbakin at pera. Kapag nam*tay tayo, hindi naman natin madadala iyan sa hukay,” pagtatanggol naman ni Jordan sa kaniyang prinsipyo.
“Tama ka naman. We only live once kaya we have to live our life to the fullest. Pero kailangan din nating maging handa sa mga posibleng mangyari. Paano kung nagkasakit tayo? Paano kung may mangailangang kapwa natin? Mas maayos naman na wala kang mapeperwisyong iba hindi ba, dahil may sarili kang savings?” giit naman ni Elmer.
“Oh siya tama na nga ang usapang ito at baka kung saan pa mapapunta. Basta ako lalabas ako mamaya. Gusto ko nga rin palang bumili ng mamahaling cellphone,” sabi naman ni Jordan.
Napailing na lamang si Elmer. Mukhang hindi naman naunawaan at isinapuso ni Jordan ang kaniyang mga sinabi. Dumaan pa ang ilang mga araw at nabalitaan na lamang ni Elmer na panay travel si Jordan kasama ang kasintahan at mga kaibigan, batay sa mga post nito sa Facebook. Mukhang itinuloy rin nito ang pagbili ng bagong cellphone.
Ipinagpatuloy naman ni Elmer ang pag-iipon. Sa tuwing may suweldo siya, nagtatabi muna siya at inilalagay sa bangko bago siya gumastos. Lahat din ng mga barya niya ay inilalagay niya sa alkansya. Balak niyang buksan ito sa Bagong Taon upang mailagay sa bangko. Nasasabik siyang malaman kung magkano ba ang kaniyang naimpok sa alkansiya.
Hanggang isang gabi, nakipagkita si Jordan kay Elmer. Mukhang may problema ito.
“Elmer tulungan mo ako. Lugmok na lugmok ako ngayon sa utang. Hindi ko na alam ang gagawin ko. May kailangan akong bayarang utang sa credit card, at may utang din ako sa mga cash loan na may patubuan. Tulungan mo naman ako,” nagmamakaawang sabi ni Jordan.
“Teka muna, bakit ka nagkautang?” nagtatakang tanong ni Elmer.
“Alam mo naman lately na puro kami travel ni Precy at ng mga kaibigan namin, Pressured ako eh, alam mo namang maluho si Precy. Kaya umutang muna ako. Eh nagkapatong-patong na. Wala naman akong ipon,” naiiyak na sabi ni Jordan.
“Iyan ang sinasabi ko sa iyo. Kung nakinig ka lang sa mga sinabi ko sa iyo, hindi ka mamomroblema ng ganiyan. Kung naglaan ka ng travel fund, hindi mo na kailangan pang mangutang. Ayos lang naman magpakasaya sa buhay Jordan, pero isipin mo rin ang kinabukasan mo. Huwag puro pasarap,” sermon ni Elmer sa kaibigan.
“Oo na, Elmer. Naiintindihan ko na ngayon ang kahalagahan ng pag-iipon. Makikinig na ako sa iyo, pero sana matulungan mo ako sa problema ko,” pakiusap ni Jordan.
Pinautang ni Elmer si Jordan upang mabayaran nito ang mga utang. Unti-unti namang binayaran ito ni Jordan at sinunod ang payo ni Elmer na mag-impok ng salapi upang maging handa sa panahon ng pangangailangan. Iniwasan na rin niya ang pagiging maluho at magastos upang makapag-ipon para sa kasal nila ni Precy at para sa mas magandang kinabukasan.