Dali-daling dinaklot ni Donya Perenia ang kaniyang tumunog na cellphone. Lumapit din ang kaniyang mga anak na naghihintay sa update sa kinahinatnan ni Reggie, bunso niyang anak.
“Hello… sino ito?” tanong ni Donya Perenia. Numero lamang ang tumatawag sa kaniya kaya nasiguro niya na hindi niya kakilala ang tumawag.
Isang basag na boses ng lalaki ang nagsalita sa kabilang linya.
“Donya Perenia… hawak namin ang anak ninyong si Reggie. Gusto mo bang marinig ang boses niya?” sabi ng lalaki sa kanilang linya.
“Mga hay*p kayo! Anong kailangan ninyo sa anak ko? Sabihin ninyo at ibibigay ko,” naluluhang sabi ni Donya Perenia.
Narinig ni Donya Perenia ang boses ng anak na si Reggie na humihingi ng tulong.
“Ma! Tulungan ninyo ako please… tulungan ninyo ako… sasaktan nila ako!” sigaw ni Reggie sa kabilang linya. Nakita ni Donya Perenia sa kaniyang larawang diwa ang maaaring hitsura at sitwasyon ngayon ng kaniyang anak: nakaupo, may tali ang mga kamay at paa ng makapal na lubid, at maaaring binubusalan pa ang bibig upang hindi makapag-ingay. Nakidnap ang kaniyang bunsong si Reggie.
“Huwag ninyong sasaktan ang anak ko parang awa ninyo na,” umiiyak na pagmamakaawa ni Donya Perenia sa kausap na kidnapper.
“Kung gusto mo pang makitang buhay ang anak mo, maghanda ka ng 50 milyong piso. Itetext ko sa iyo kung saan tayo magkikita. Huwag kang magsasama ng ibang tao. Ikaw lang ang mag-aabot sa akin. Huwag ka ring magsasama ng pulis dahil pasasabugin ko ang bungo ng anak mo,” pagbabanta ng kidnapper. Ibinaba na nito ang linya ng telepono. Parang nauupos na kandila na napaupo si Donya Perenia sa kaniyang malaking sofa.
Agad siyang dinaluhan ng kaniyang mga anak na si Remedios na panganay, si Wilbert na pangalawa, at si Albertita na pangatlo.
“Ma, anong sabi ng kidnappers? Kumusta si Reggie?” nag-aalalang tanong ni Remedios sa kaniyang ina. Nagpakuha ito ng isang basong tubig sa kasambahay upang mapainom ang kanilang ina na tila pinaninikipan ng dibdib.
“Humihingi sila ng ransom. 50 million pesos,” sagot ni Donya Perenia.
Napaantanda si Remedios at namilog naman ang mga mata nina Wilbert at Albertita.
“Saang kamay ng Diyos naman tayo kukuha ng ganiyang kalaking halaga? Hindi biro ang 50 million pesos. At paano tayo makakasiguro na isasauli nila sa atin nang buhay si Reggie?” sabi ni Wilbert. Mababakas sa mukha nito ang matinding pag-aalala para sa buhay ng kaniyang nakababatang kapatid.
“Madali lang naman para sa akin ang makakuha ng 50 million pesos mula sa aking kaha de yero. Ayos lamang naman sa akin. Buhay ng kapatid ninyo ang nakataya rito kaya gagawin ko ang lahat para maibalik siya sa atin nang humihinga,” sabi ni Donya Perenia sa kaniyang mga anak.
“Kailangang makahingi tayo ng tulong ma. Tatawag ako ng pulis,” mungkahi ni Albertita subalit tumutol naman ito.
“Huwag. Kabilin-bilinan ng mga kidnappers na huwag magsama ng kahit sino, lalo na ang mga pulis. Ako lamang daw ang kailangang magdala sa lugar na itetext niya sa akin,” sabi ni Donya Perenia.
“Ma, hindi dapat tayo nagpapaniwala sa kanila. Mga tuso iyang mga iyan. Paano kung matapos nilang kunin ang pera mula sa inyo, hindi nila ibigay si Reggie? Kailangang umisip tayo ng matalinong paraan kung paano natin makukuha si Reggie nang ligtas, at hindi maibigay ang pera at the same time,” mungkahi naman ni Remedios.
Isinumbong nila sa pulis ang kanilang sitwasyon at gumawa sila ng isang plano. Hinintay ni Donya Perenia ang text ng kidnapper. Nang makipag-ugnayan na ito, tumalima naman si Donya Perenia bitbit ang malaking bag na may lamang 50 milyong piso bilang ransom para kay Reggie. Nakaabang naman ang mga pulis sa paligid.
Subalit maliksi ang kidnapper. Nang makuha nito ang bag na kinalalagyan ng ransom ay nagtatatakbo ito nang matulin. Maging ang mga nakaabang na pulis ay hindi siya nahabol. Agad itong sumakay sa kaniyang kotseng walang plaka at bumalik sa lumang pabrika kung saan doon ang kaniyang hide out.
“Nakuha ko na ang pera,” sabi nito kay Reggie.
“Talaga? Sinaktan mo ba ang mama?” tanong ni Reggie.
“Syempre hindi. Baka hindi mo ako balatuhan eh,” nakangising sabi ng kidnapper.
“Good job. Sa wakas, nakuha ko na rin ang para sa akin. Magpapakasaya ako,” masayang-masaya si Reggie dahil ang pangingidnap ay isang palabas lamang. Ginawa niya iyon upang makakuha ng pera mula sa kaniyang ina.
Subalit laking-gulat nila nang palibutan sila ng mga pulis. Nasundan pala ang tauhan ni Reggie. Naroon din si Donya Perenia at ang iba pang mga kapatid.
Sa police station nabunyag ang lahat. Hindi makapaniwala si Donya Perenia na magagawa ni Reggie ang lahat ng iyon. Sising-sisi naman si Reggie sa kaniyang ginawa. Handa raw niyang ibalik ang pera kapalit ang kaniyang kalayaan.
“Mahal kita anak at patatawarin kita, pero kailangan mong matutuhan ang leksyon mo,” sabi sa kaniya ng ina.
Tuluyang nakulong si Reggie dahil sa panlolokong ginawa niya sa kaniyang ina at pinagdusahan ang kaniyang kalokohan.