
Makalumang Paniniwala
Nagsimula ang lahat sa panaka-panakang pananakit ng tiyan ni Aling Salome, hanggang sa hindi na niya mapigilan ang labis na kirot na umiikot sa kaniyang sikmura. Ilang dahon na ng tuba ang itinapal sa kaniyang tiyan ngunit hindi pa rin nawawala ang sumisigid na pananakit na ito. Napaisip na si Mang Tiago.
“Mukhang kailangan na nating tumawag ng albularyo,” naibulalas ni Mang Tiago sa bunsong anak na si Teban.
“Magtutungo na po ba ako kay Ka Almario?” tanong ni Teban sa ama. Si Ka Almario ay sikat sa kanilang baryo bilang mahusay na albularyo at mananawas.
“Oo. Pakiramdam ko ay nabati ang iyong ina,” utos ni Mang Tiago sa bunsong anak. Dali-dali naman itong nanaog ng bahay at nagtungo sa tahanan ng albularyo.
Kahit na hirap na hirap magsalita, nakiusap si Aling Salome na itakbo na siya sa hospital.
“K-kailangan ko na y-yatang magtungo sa manggagamot,” pakiusap ni Aling Salome. Naging matigas ang anyo ni Mang Tiago.
“Walang pupunta sa manggagamot. Hindi sila totoo. Kung anu-anong kemikal lamang ang ipapasok sa iyong katawan na lalong magpapalala sa iyong karamdaman. Bakit naman noon, wala namang doktor-doktor na iyan? Puro tapal, tawas, at pagkonsulta lamang sa albularyo ay gumagaling na ang mga tao sa kanilang karamdaman?” bulalas ni Mang Tiago.
“Pero hirap na hirap na ako…” tila nangangapos na ang hininga ni Aling Salome.
Naputol ang pag-uusap ng dalawa nang tumunog ang lumang telepono ni Mang Tiago. Nokia 5110 na may antenna pa. Ang kaniyang panganay na anak na si Grace ang tumatawag. Nagtatrabaho ito sa Maynila at ito lamang ang bukod-tanging nakatapos ng kolehiyo sa kanilang pamilya dahil na rin sa sariling pagsisikap nito.
Sinagot ni Mang Tiago ang kaniyang telepono.
“Itay, kumusta ang inay? Nabalitaan kong masakit ang kaniyang tiyan,” nag-aalalang tanong ni Grace sa kaniyang tatay.
“Pinatawag ko na si Ka Almario upang matingnan niya kung may nakabati bang hindi nakikita sa iyong inay,” sagot ni Mang Tiago.
“Itay naman… mas mainam po kung…”
“Kung ipapa-odoktor? Naku Gracia, alam mo ang prinsipyo ko tungkol sa bagay na iyan. Hindi ako naniniwala sa mga kemikal at mga gamot na ginagawa ng medisina na iyan na lalong nagpapalala sa kalagayan at kalusugan ng tao. Kaya ni Ka Almario na gamutin ang iyong inay,” matigas na turan ni Mang Tiago. Binanggit pa nito ang tunay na pangalan ni Grace, hudyat na seryoso ito.
“Pero itay, iba na po ang panahon ngayon. Marami na pong mga nagsulputang sakit. Baka po lumala ang kalagayan ng inay kung hindi napacheck-up. Panahon pa po ng Kopong-Kopong ang sinasabi ninyo,” nag-aalalang sabi ni Grace.
“Ah basta. Hindi magpapadoktor si Salome. Narito na ang albularyo. Tumawag ka na lamang mamaya,” sabi ni Mang Tiago at pinatay na ang cellphone. Dumating na nga si Ka Almario at sinimulan na ang pagtatawas kay Aling Salome. Sa pamamagitan ng kandila, apoy, at tubig, tiningnan ni Ka Almario kung may nagpaparusa ba sa ginang.
“May naapakan siyang duwende sa inyong talbusan. Mag-alay kayo ng buhay na manok sa kaniya at idilig ang dugo sa lupa,” mungkahi ng albularyo.
Agad na kumuha ng alagang inahin si Mang Tiago at sinunod ang utos ng albularyo. Matapos gawin ito, kinumusta niya ang asawa. Namimilipit na ito at namumutla.
“Parang wala naman pong nangyari,” tanong ni Teban.
“Hintayin lamang ninyo na lubusan niyang tanggapin ang alay. Mauna na ako at may iba pa akong gagamutin,” paalam ni Ka Almario at umalis na ito.
Subalit hinintay nilang “tanggapin” ng duwende ang kanilang alay na dugo ng manok. Wala pa ring nagbago sa kalagayan ni Aling Salome. Para na itong ibinabad sa suka. Isa sa mga kamag-anak naman ni Aling Salome ang nangialam na. Kahit ayaw ni Mang Tiago, isinugod nila si Aling Salome sa pinakamalapit na ospital.
Huli na ang lahat. Nalason na ang buong katawan ni Aling Salome. Appendicitis pala ang kaniyang iniinda.
“Kung naitakbo ninyo lamang siya nang mas maaga, sana ay naagapan natin siya,” sabi ng doktor sa ospital.
Sinugod naman ng nagtakbong kamag-anak ni Aling Salome si Mang Tiago at pinatikim ng sapok sa mukha.
“Kasalanan mo ito! Kung hindi dahil sa paniniwala mong walang kuwenta at walang batayan, hindi sana mawawala si Salome, hindi sana mauulila sa ina ang mga anak mo!”
Tatlong araw na binurol si Aling Salome at walang ibang sinisi sa kaniyang pagpanaw kundi ang asawang si Mang Tiago. Sa araw ng libing at pagkaalis ng mga nakipaglibing, nagpaiwan si Mang Tiago sa puntod ng kaniyang asawa at tumangis. Humingi siya ng tawad dito at nag-alay ng panalangin para sa katiwasayan ng kaniyang kaluluwa.