Magtatatlong taon na ngayong magkarelasyon sina Luisa at Brian, marami na silang plano tungkol sa pagpapamilya ngunit marami pa rin silang mga bagay na kailangan ayusin at simulan.
“Beb, namimiss ko na magmotel! Kailan ba tayo magkakaoras sa isa’t-isa?” diretsong wika ni Luisa sa kaniyang nobyo.
“Beb! Ang daming tao, masyadong malakas ang pagkakasabi mo! Nakakahiya naman,” baling naman kaagad ni Brian sa nobya. Hindi sumagot ang babae at yumuko na lamang ito habang nakatingin sa telepono.
“Hindi lang naman ikaw ang nakakamiss, tsumityempo lang talaga ako kay padre de pamilya. Baka kasi magalit na naman sa’kin kapag nalate ako ng uwi,” mahinang lambing niya sa babae sabay hawak sa mga kamay nito.
“Hanggang kailan ba tayo magiging ganito? Ang lungkot na, gusto ko ng normal na buhay!” pahayag ni Luisa saka siya tumingin sa malayo.
Tatlong taon nang tinatago ng babae ang kanilang relasyon sa kaniyang pamilya. May anak na kasi si Brian at nasa kanya ang bata, bukod pa roon ay panganay pa ang lalaki kaya maraming nakapatong na responsibilidad dito. Sa kasamaang palad naman ay hindi siya tanggap ng pamilya ni Brian na siya rin namang kinakalaban ng babae.
“Anong oras na? Nag date na naman kayo ng haliparot mong jowa? Bakit kaya hindi mo na lang buntisin ‘yan? Tutal naman gustong-gusto ka na niya makasama! Magkasama na nga kayo sa trabaho, pati pagkatapos ng trabaho gusto niya’y nakapulupot pa kayo sa isa’t-isa. Lintek naman, Brian! May anak ka na!” salubong sa kaniya ni Mang Berto, ang tatay ng lalaki.
“Pa, kakarating ko lang, bakit ba ganyan na naman ang salubong mo. Ano na naman bang nagawa kong mali?” baling kaagad ni Brian sa ama.
“O, bakit? Totoo naman di ba? Mahal na mahal mo ‘yang jowa mo kaysa sa anak mo. E kung hindi ka g*go? E di sana buo pa pamilya niyo, e di sana nandito pa ‘yung nanay ni Ian. T*nga ka kasi! Tapos ngayon, so-syota ka ng iba, e dagdag gastos at kain oras pa!” wika ni Mang Berto.
“Ilang beses ko bang ipapaliwanag sa inyo na hindi ako ang nang iwan, hindi ako ang sumira sa pamilya namin dati, kung ‘di ‘yung nanay ni Ian. Isa pa, bakit ba lagi na lang mainit ang dugo niyo kay Luisa? Kilala niyo na ba ‘yung tao? Alam niyo ba kung gano namin kamahal ang isa’t-isa? Hindi niyo alam!” sigaw ni Brian sa lalaki,
“Ul*l ka! Dapat mo lang sabihin ‘yang mahal na mahal na ‘yan kung nasusustentohan mo ‘yung anak mo. Hindi ‘yung kami pa ang nahihirapan sa apo namin tapos ikaw buhay binata? Bwisit na pag-ibig ‘yan! Nakakapulubi!” sigaw muli ng kaniyang ama.
Doon na hindi sumagot si Brian dahil aminado naman siyang kulang ang sahod niya para sa gastusin sa kaniyang anak. Call center agent siya ngayon, ngunit hindi sapat para suportahan ang kaniyang anak at ang maging panganay sa kaniyang pamilya.
Halos mga magulang pa rin niya ang sumasalo sa mga pinansyal na obligasyon niya sa pamilya na siya namang ikinagagalit ng kanilang padre de pamilya. Kaya humahantong palagi sa ideyang iwan na lamang ang kaniyang nobya para wala ng ibang kahati sa atensyon si Ian sa kaniya.
Nakarating na naman kay Luisa ang pagtatalo at sobra na namang nasaktan ang puso ng kaniyang nobya at humantong sa awayan.
“O, ayan, masaya na kayo? Nag-away na naman kami ni Luisa dahil sa bibig niyo sa kaniya! Kailan ba ako makakahinga sa bahay na ‘to?!” galit na wika ni Brian nang makauwi siya at nadatnang umiinom ng alak ang kaniyang ama.
“Wag mo akong tinataasan ng boses nang dahil lang sa babae! Tatay mo ako! Gumalang ka!” baling ng kaniyang ama.
“Ano ba gusto niyo? Pera? Pera ba? Magdodoble na ako ng trabaho matanggap niyo lang si Luisa bilang girlfriend ko kasi paulit-ulit na lang nasasaktan ‘yung tao dahil sa pinapakita niyo sa kaniya. Anong klaseng mga magulang kayo? Ni hindi niyo man lang ako hayaang sumaya! Tang*nang buhay ‘to!” sigaw ni Brian.
“Alam mo, hindi ko alam kung paano ka namin pinalaki para ganyan ang isipin mo. Sa tingin mo ba pera lang talaga ang mahalaga sa mga nangyayari ngayon? Sa tingin mo ba pera lang ang dahilan kung bakit ka namin pinagbabawalan diyan sa jowa mo? Hindi mo ba talaga nakikita? Hindi ka na kilala ng anak mo! Call center agent ka, wala ka sa gabi, pagod ka naman sa umaga. ‘Yang anak mo, si mama mo lahat sumasalo. Hindi ka naaawa sa nanay mo? Ako naawa ako sa asawa ko, kasi pinalaki ka namin pero bakit ginaganito mo ang anak mo?” saad ni Mang Berto.
“Kailan ka huling nakipaglaro kay Ian? Kailan mo siya huling binuhat? Tatlong taon na’yung anak mo, nagkaka-isip na. Nagtatanong na bakit wala si mama at si papa. Anong sasabihin namin? “Iniwan ka ng nanay mo kaya naman naghanap din ng iba ang tatay mo, ayun, may kani-kaniya silang buhay,” ‘yan ba?” tanong ng kaniyang ama.
“Hindi kami napapagod dahil apo namin ‘yan. Pero, anak, ang akin lang. Tatay ka na, kung iniwan na siya ng nanay niya ‘wag mo naman iwan din ang anak mo. Dahil ang mga babae, napapalitan ‘yan , pero ang anak, iisa lang ‘yan,” paliwanag ng lalaki,
Doon na nagsimulang pumatak ang mga luha ni Brian.
“Kung talagang mahal ka niyang si Luisa, sana sinasabi niya sa’yo lahat ng ‘yan. Alam kong kailangan niyo ng oras para sa lambingan nyo pero ipakilala mo ang anak mo sa kanya kasi parte na siya ng buhay mo na dapat matanggap ng babaeng sinasabi mong mahal na mahal mo,” dagdag pa nito.
Ngayon nalinawan si Brian sa lahat ng nangyayari. Tama nga ang kaniyang ama, hindi na siya binata at dapat nga sinasama niya sa plano sa buhay ang kaniyang anak. Kaya naman simula nung gabing iyon ay nagbago ang lalaki. Mas binibigyan na niya ng oras ang kaniyang anak at ngayon ay sinusubukan niyang ipakilala ito kay Luisa. Ano’t-ano man ang mangyari sa relasyon nila ay mas malinaw na sa kaniya na pipiliin niya ang kaniyang anak.